< Back to Transcripts

Message of Vice President Leni Robredo Tayo ang Liwanag: Isang Pasasalamat, Ateneo de Manila University Campus Grounds

May 13, 2022
Quezon City
No items found.

Kumusta kayo? Meron pa din bang umiiyak hanggang ngayon? Happy na dapat! Happy na!

Ayan. Una sa lahat, napakarami niyo pala! Ayan. Maraming salamat, maraming salamat. Thank you. Ayan,Kalma muna, kalma muna.

Ayan. Magandang gabi po sa inyong lahat. Una sa lahat, gusto ko pong sabihin sa inyong lahat na nauunawaan ko ang pinagdaraanan ninyo. Nagbubuhol-buhol alam ko ang ating mga damdamin sa dibdib natin ngayon. 'Yung panghihinayang, siguro sa iba, pagkadismaya. 'Yung pakiramdam na lumabas tayo sa nakasanayan para makinig, pero tayo, hindi napakinggan. 'Yung mga namaos tayo sa kakapaliwanag kung ano ang tama– okay, okay na. Parang nakulangan pa kayo sa kampanya ah. Hindi pa ba– hindi kayo napagod? [laughs] Ayan, maraming salamat. Maraming salamat. Hilingin ko lang muna na kumalma lahat para– o sige, sigaw nalang tayo.

[crowd cheers]

Hindi na ako magsasalita [laughs]. Ayan, sabihin niyo pag tapos na kayo sumigaw para magsalita na ako.

[crowd cheers]

Okay na ba? [waits] Okay, hindi pa okay. Sige, maghihintay ako.

[crowd cheers]

Okay na? Puwede na ba? [waits] Mamaya na tayo sumigaw ha? Para makabuwelo tayong salita. Ayan. Kanina sinasabi ko, na marami sa inyo, namaos na. Namaos na kakapaliwanag kung ano ang tama, kung ano ang mahalaga, kung ano ang mabuti para sa bansa. Pero siguro pakiramdam ng iba, binalewala tayo, minsan nga tinawanan pa.

Kaya sabi ko kanina, okey lang na sumigaw. Okey lang ding tumingin sa sahig at tumahimik. Okey lang ding umiyak. Pero gusto kong babaran natin ang nararamdaman natin ngayon. Damhin ang tibok ng sariling puso. Ipaalala natin  sa ating sarili na talagang ganitong magmahal.

'Yung nararamdaman natin ngayon, marahil may halong takot, may halong pangamba. Madaling magbagong-anyo at maging galit ang mga damdaming ito. Ang tungkulin natin ngayon, habang kinikilala ang kalayaan ng isa't isang damhin ang nadarama nila, ipaalala din natin: May kabutihang umusbong sa loob ng bawat isa sa atin. Agree ba kayo doon? At kung may nararamdaman tayong galit, nag-uugat ito sa pag-ibig.

Pinagdaanan natin 'yung mga nakaraang buwan– nakinig tayo, nakiusap, tumulong, nagbukas ng loob, hindi lang para makakuha ng boto, pero para bigyang-halaga ang bawat Pilipino. Kahit sino pa ang sinusuportahan nila. Kahit sino pa ang ibinoto nila.

Kaya ano man ang kilos natin sa mga darating na panahon, kailangang ilagay natin ito sa tama. Siguruhin nating ligtas, mapayapa, at iniintindi ang kapakanan ng kapwa. Uulitin ko 'yung sinabi ko noong isang gabi: Hindi puwede na tayo pa ang maging dahilan ng lalong pagkawatak-watak ng ating bansa.

Sang-ayon akong dapat siyasatin ang mga natitirang tanong ukol sa halalang ito, para lumabas ang buo at wastong katotohanan. Nakatutok sa mga alegasyon ang legal team natin. Kumokonsulta tayo sa mga data scientists at iba pang eksperto. May mga watchers tayo 24/7 na binabantayan ang random manual audit. Pero habang lumilinaw ang litrato, kailangan din nating simulang tanggapin na hindi ayon sa mga pangarap natin ang resulta ng eleksyong ito. Sa ganitong paraan, masisimulan na rin natin na itutok ang sarili sa hinaharap.

Kailangang tanggapin natin ang pasya ng mayorya. Nakikiusap ako sa inyong makiisa sa akin dito. Kilalanin at pagsisikapan natin na hindi mapunta sa wala ang lahat ng naabot natin– sabay ng pagrespeto sa tinig ng nakararami.

Ang totoo, hindi lang sa araw ng halalan matunton ang mga maling mga pangyayari. Hindi lang sa mga nasirang vote counting machine, o sa mga naulat na bilihan ng boto. Ang pinakamalaking kalaban, namamayagpag na bago pa ng panahon ng kampanya.

Dahil dekadang pinroyekto, matindi at malawak ang makinaryang kayang magpalaganap ng galit at kasinungalingan. Ninakaw nito ang katotohanan, kaya ninakaw din ang kasaysayan, pati na ang kinabukasan. Disimpormasyon ang isa sa pinakamalaki nating kalaban.

Pero sa ngayon, maaaring naghari ang makinarya ng kasinungalingan. Pero tayo lang ang makakasagot kung hanggang kailan ito maghahari. Nasa sa atin kung tapos na ang laban o kung nagsisimula pa lamang ito.

Alam kong marami pa tayong lakas na ibubuhos. Nakikita natin ‘yan ngayong gabi. Itutuon ko ang enerhiya ko sa paglaban ng kasinungalingan– at hinihiling kong samahan ninyo ako dito. Kailangan nating maging isang kilusang magtatanggol ng katotohanan. Kailangan nating imulat ang mga nakakausap kung paano pinapalaganap ang kasinungalingan, kung bakit ito pinapaniwalaan, at kung sino ang nasa likod nito.

Karugtong nito ang ating paninindigan: Hinding-hindi dapat pumanaw ang diwa ng ating kampanya. Ang pinakalayunin ng gobyernong tapat ay ang pag-angat ng buhay ng lahat.

Kaya inaanunsyo ko ngayon ang target natin: Sa unang araw ng Hulyo, ilulunsad natin ang Angat Buhay NGO.

[crowd cheers: “Sama kami!”]

Maraming salamat. Meron na tayong template nito; nagawa natin ito kahit maliit lang ang pondo at makinarya sa Tanggapan ng Pangalawang Pangulo. Itinulay natin ang handang tumulong sa mga nangangailangan ng tulong. Ngayon, mas organisado tayo. Napakaraming People's Councils, napakaraming grupong nabuo mula sa ating hanay. Naipakita natin kung ano ang kaya nating abutin pag tayo ay nag-aambagan. Saksi ang buong Pilipinas, miski na ang buong mundo, sa lakas ng ating pagbabayanihan.

Kaya iniimbita ko kayong lahat: Ang mga nagtrabaho, mga nag-alay ng oras at pawis sa ating kampanya; ang mga kumpanya at private partners na bumunot sa sariling bulsa. Itutuloy natin ito. Itutuloy natin ang ating pagsasama-sama. Bubuoin natin ang pinakamalawak na volunteer network sa kasaysayan ng ating bansa. Tuloy tayo sa pagtungo sa mga nasa laylayan, at sa pag-ambagan para umangat sila. Pero hindi tayo— teka muna, makinig kayo. Pero hindi tayo mamimili ng tutulungan; wala tayong tatalikuran. Ipapakita natin ang buong puwersa ng radikal na pagmamahal.

Ito ngayon ang hamon sa atin: Ang panatilihing magkakarugtong ang ating mga bisig; ang humakbang nang magkakasama, gaya nang ginawa natin nitong mga nakaraang buwan; ang palawakin pa ang ating hanay. Sa ganitong paraan lang maisusulong ang mga layuning nagbigkis sa atin: Isang bansang makatao, makatotohanan, at makatarungan, kung saan may pananagutan ang pamahalaan, at walang naiiwan sa laylayan.

Alam kong napakarami pang nagluluksa, napakaraming nalulungkot. Nakarating din sa akin ang mga ulat: Maraming nagpadala ng videos, maraming nagpadala ng pictures ng mga kabataang parang binabalot ng kadiliman ang puso at isipan. Totoo naman ang nararamdaman ninyo. At mahalagang maramdaman ninyo ito.

Pero ang natutuhan ko sa ganitong mga panahon na mahihirap: Ang paghilom, hindi darating habang nagkukulong o nagmumukmok. Darating ang paghilom kapag sinimulan na muling ituon ang sarili sa ating kapwa. Kapag inilatag ang mga layunin. Kapag itinutok ang mata sa abot-tanaw.

Kaya payagan ang sariling lumuha. Pero pag handa nang pahiran ang luha. Pagpagin ang sarili. Tibayan ang puso. Dahil may trabaho pa tayo.  

Nagtitipon tayo ngayon bilang pasasalamat sa isa't isa. Napakahaba ng listahan ng mga dapat pasalamatan: Lahat ng nag-ambag sa ating Angat Buhay Programs; lahat ng nakipagpuyatan sa atin sa panahon ng matinding pangangailangan ng ating mga kababayan; lahat ng nag-alay ng pagod at panahon para sa ating pandemic response; lahat ng nagpalugaw at namigay ng libreng medical at legal assistance; lahat ng gumawa ng mga kanta, ng mga murals, ng mga placards, ng mga posters; lahat ng tumindig at sumigaw sa ating People's rallies umulan man o umaraw; lahat na nagbahay-bahay; lahat na nag-volunteer para sa iba't iba nating mga gawain; lahat na nagmahal sa kapwa nating mga Pilipino.

Sa inyong lahat, maraming, maraming salamat. Nag-uumapaw po ang puso namin sa pasasalamat dahil sa inyong pagmamahal at suporta. Pero ngayon, excited ako. Excited akong ituloy ang pagsisikap kasama kayo. At sinasabi ko sa inyong lahat: Tuloy ang pag-asa. May liwanag pa rin. Sa halalang ito, hindi naman nawala ang liwanag na 'yun. Ang totoo, lalo pa itong tumindi, lalo pang lumawak. Tatandaan niyo lang, noong October 2021 nagsimula tayo sa eight percent ako. Sa loob lang ng ilang buwan ng pagtatrabaho, umabot tayo ng twenty-eight percent. Gaano kalayo pa kaya ang mararating natin kung hindi tayo bibitaw? Kung gagamitin natin ang mga susunod na araw at buwan at taon para isulong ang Pilipinas na pinapangarap natin?

Uulitin ko po: Walang nasayang. Hindi tayo nabigo. Masasayang lang ang ating pinagsikapan kung titigil tayo at babalik sa dating kalakaran. Gaya ng sabi ko: ang namulat, hindi na muling mapipikit.

Kaya tingnan ang inyong katabi. Yakapin sila kahit hindi sila kakilala. Hindi pagtatapos ang araw na ito, kundi tanda ng pagsisimula ng bagong kabanata– at tayo ang magkakasamang susulat nito. Tinanglawan natin ang landas ng isa't isa; diretso lang tayo para mas marami pang matanglawan na iba.

Kaya tara na. Ituloy na natin ang laban para sa Pilipinas na ating mga pangarap.

Maraming, maraming salamat sa inyong lahat. Maraming salamat at mabuhay ang sambayanang Pilipino. Mahal na mahal po namin kayo. Maraming salamat. July 1, magtatrabaho na ulit tayo. Ingat po kayong lahat.

[END]