< Back to Transcripts

Message of Vice President Leni Robredo Pitstop: Send-Off for Team Leni-Kiko Bantayan Park, Bago City, Negros Occidental

May 4, 2022
Bago City, Negros Occidental
No items found.

VP LENI: Magandang gabi. Magandang gabi Bago. Magandang gabi Negros Occidental. Kumusta po kayo? Maraming salamat. Maraming salamat. Bago po ako magpatuloy, ang akin pong pagbigay galang sa ating former Governor Lito Coscolluela. Kasama ko din po si Senator Frank Drilon. Gusto kong magpasalamat sa iba't ibang mga grupo na nagtrabaho para matuloy tayo ngayong araw. Ang RPC Bago City, Bagonions for Leni-Kiko, Laban Leni Negros Occidental, Team Leni Robredo, Schools for Leni, Tropa, at ang iba pa pong mga volunteer groups na kasama natin ngayong gabi.

Balita ko, hindi lang ito mga taga-Bago. Meron ba ditong mga taga-Bacolod? Meron ba ditong mga taga-District 3 E.B. Magalona? Silay City? Talisay City? Meron din ditong mga taga-District 4 maliban sa Bago City. Balita ko merong mga taga- La Castellana. Meron ding mga taga-Pontevedra. Merong mga taga-Pulupandan, San Enrique, Valladolid, at meron pa daw taga-District 5. Meron bang mga taga-Binalbagan? Ang layo naman ng mga pinanggalingan niyo. Meron bang taga-Himamaylan? Taga-Hinigaran? Taga- La Castellana? Taga Moises Padilla?

Ayan, hello din po sa mga representatives ng Spinach Harvest. Ano 'yun? Oh, La Carlota meron? Ayan, alam niyo po, oh mamaya na tayo sumigaw, mamaya sabay sabay tayo sisigaw. Pero ngayon, magsasalita muna ako ha? Mamaya, mamaya natin kukunin. Magsasalita muna ako kasi kung napapansin niyo, paos na ako.

Ngayong umaga lang, galing po kami sa Kalibo, Aklan. Lumipat po kami sa Tibiao, Antique. Tapos lumipat po kami sa Pavia saka Santa Barbara, Iloilo. Tapos pumunta po kami ng Iloilo City bago po kami pumunta dito. Pagkatapos po nito may dalawa pa kaming event sa Bacolod.

Kagabi po, meron kaming grand rally sa Baguio. Bago nag-grand rally sa Baguio, dumaan din ako ng Kalinga saka Abra. Pero sobrang nilu-look forward ko po itong bisita kong ito kasi may kasalanan ako sa mga taga-Bago. Kaya ngayon pa man, humihingi po ako ng inyong paumanhin. Alam niyo po, 'yung pinakahuling pagpunta namin dito sa Bacolod, napakarami nating mga mini rallies bago noong grand rally natin na napakaraming tao sa Bacolod City.

Galing po kami, pinakauna, maagang-maaga, alas syete yata, Gov, no? Alas syete ng umaga, nasa San Carlos City kami tapos lumipat po kami sa Cabancalan. Lumipat kami sa Himamaylan. Lumipat kami sa Binalbagan, lumipat kami sa Hinigaran, bago kami natapos sa La Carlota. Pero dapat po, from La Carlota to Bacolod, dadaan kami dito sa Bago.

Hindi po namin alam kung anong nangyari, nalaman namin after na lang. Palibhasa po, hindi ko naman alam 'yung mga daanan, nalaman ko no noong nakarating na kami sa Bacolod na hindi pala kami nakaraan dito. Dapat po sana, aside from Bago, dumaan pa kami sa Pulupandan saka sa San Enrique pero ‘yun, hindi na po ako natuloy.

Kaya kung naalala niyo po, kung nandoon kayo sa rally sa Bacolod, humingi na ako ng paumanhin sa inyo at nag-promise po ako na babalik ako dito sa Bago. Ako po 'yung isang taong kailangan kong tupadin ang lahat na pangako ko. Kaya, kahit po napakasikip ng schedule ngayon, talagang hindi puwedeng hindi ako pumunta dito sa inyo sa Bago City.

Hihingi din po ako ng paumanhin, kasi actually po may tatlo akong requests sa biyahe na ito. Ang request ko po sana, maliban sa Bago City, dumaan din kami ng Victorias saka dumaan din sana kami ng Cadiz. Pero nagkagulo-gulo po 'yung aming schedule kaya dito na lang po sa Bago natuloy. Kaya kung meron ditong mga taga-Victorias– taga-Victorias kayo? Saka kung meron ditong taga-Cadiz, ang akin pong paghingi ng-- Sagay? Ay, pumunta kami sa inyo. Pagkatapos, nakalimutan natin gawan Sagay.

Pagkagaling pala namin ng San Carlos, pumunta muna kami ng Sagay bago kami dumiretso ng Cabancalan. Pero ito po, kinikwento ko sa inyo ito dahil ito 'yung aasahan niyong klase ng pamahalaan pag ako 'yung maging pangulo. Isang pamahalaan na gobyerno ang lalapit sa tao. Pwede naman sanang isang malakihan rally na lang. Pero ang parati ko pong inaalala, papaano naman 'yung mga kababayan natin na hindi makakapunta sa rally?

Alam niyo po, kauupo ko pa lang sa Office of the Vice President, 'yung ni-launch po namin 'yung Angat Buhay program, pumili po kami ng mga tutulungan na mga communities, 50 all over the country, one lang per province. Ang una po naming community dito sa Negros Occidental, sa Hinoba-an, tama? Meron bang– taga-Hinoba-an ka? Ang layo naman ng, ang layo ng pinasyal mo. Naku mga lakwatsera pala mga taga-Hinoba-an kasi napakalayo ng Hinoba-an dito, di ba?

Pero 'yung ginawa po namin 'yung mga projects sa Hinoba-an, iba-ibang klase. Nagpatayo po tayo ng mga bagong classrooms. Naglagay po tayo ng mga livelihood, livelihood projects. Meron po tayong mga programa sa kalusugan saka sa edukasyon dahil 'yung programa po ng Angat Buhay, ganoon 'yung konsepto. Kung ano 'yung malalayo na lugar, kung ano 'yung mahihirap puntahan, 'yun 'yung uunahin namin, sa paniniwala na mas malayo 'yung lugar, mas mahirap puntahan, mas nangangailangan ng tulong.

Pero over the past six years, hindi na lang Hinoba-an 'yung ating area dito. Actually, napakarami po nating mga projects, hindi ko na maiisa-isa dahil hindi ko dala 'yung listahan. Pero ilan po 'yung projects natin sa Himamaylan, meron, ano 'yun? Naka? Naka-pump boat ka dahil sa amin? Ah, ayun, meron, so mandaragat kayo? Oh meron dito, taga saan ka? Meron ditong taga-Himamaylan, beneficiary daw siya ng programa namin. So, tayo po, marami tayong tinutulungan mga magsasaka, mga mangingisda, mga IPs, mga manggagawa, mga kababaihan.

Marami po tayong project areas dito. Meron po tayong mga tinulungan na livelihood sa Murcia. Meron po tayo sa Sipalay. Meron po tayo sa– nakalimutan ko na gov kung saan pa 'yung mga, napakaraming lugar dito.

Pero ang isa pa, ang isa pa pong tatak ng opisina namin, kung merong krisis, nandiyan kami. Lahat na sakuna na nangyari na tinamaan kayo, andito kami. Kaya po noong katatapos lang ng typhoon Odette, katatapos lang bago mag-Christmas, nandito po kami. Dalawang beses ako bumalik, pumunta po kami sa Cabancalan, pumunta kami sa Himamaylan. Pagbalik namin, pumunta kami sa Sipalay, pumunta kami sa– nakalimutan ko na pasensya na. Sa Cauayan, pumunta kami. Hinoba-an pumunta tayo-- Hindi, hindi ako nakapunta, team lang, team lang 'yung pumunta.

Pero, bakit ko ito kinikwento? Dahil, ito 'yung tatak ng ating pamamahala. Kaya kami nauuna pag merong sakuna, dahil babad kami sa communities. Ang aming pamamahala, hindi kami nagpapalamig lang sa aming mga opisina. Pero majority of the time, nasa communities kami.

Bakit mahalaga 'yun? Dahil doon natin nararamdaman kung anong kahirapan ang pinagdadaanan ng ating mga kababayan. Papaano tayo makakatulong kung papel lang o report lang ang sinusundan natin? Pero pag bumababad tayo sa communities, taumbayan mismo 'yung nakakausap natin. Mas ramdam natin 'yung kahirapan.

Kaya ko po siya kinikwento sa inyo dahil pag panahon ng eleksyon, maraming kandidato pupunta, maraming mga pangako. Marami 'yung mangangako sa inyo na ganito 'yung programang gagawin namin. Papababain namin 'yung presyo ng pagkain. Papababain namin ang presyo ng kuryente at kung anu-ano pa na mga pangako. Kami po, madali din namin 'yang ipangako.

Pero ano 'yung magiging dahilan para maniwala kayo sa amin? Tingnan niyo po 'yung aming track record. Ang parating tanong, noong wala bang eleksyon tumutulong ba kami? Dahil pag may eleksyon, ang mga kandidato nag-uunahan para tumulong di ba? Mga kandidato lahat magsasabi, mahal ko kayo, aasikasuhin ko kayo. Pero pag may nagsabi niyan sa inyo, dapat ninyong tanungin– Kung talagang mahal mo kami, asaan kayo 'yung kailangan namin kayo?

Alam ko marami sa inyo, pagod na sa aming mga politiko dahil kaming mga politiko, mahilig kaming mangako pero pagkatapos ng eleksyon pareho pa din ‘yung kahirapan na pinagdadaanan natin. Di ba? Marahil ‘yun ‘yung dahilan kung bakit kahit saan kami pumunta, napakaraming tao.

Kaya po late ako ngayong gabi. Dahil sa Iloilo, wala naman pong rally. Magpapasalamat lang ako dapat sa volunteers na nagha-house-to-house, papunta po doon napakaraming tao sa kalsada. Ang kwenta nga nila Mayor, mga 50 thousand na tao ‘yung lumabas. Bigla na lang nagkaroon na ng mini rally.

At ngayon po sa Bago, sa totoo lang, nagulat ako. Kasi sabi sa akin ni Gov. Lito, tipon-tipon lang daw. Kaya nga, hindi na tayo nag-decorate ng stage. Ito na lang ‘yung stage natin. Pero papunta pa lang kami dito, may mga nagpapadala na ng ma pictures saka video. Sabi ko, ‘yan ba ‘yung tipon-tipon? Bakit ang daming tao?

Pero pinasaya niyo ako. Alam niyo kung bakit pinasaya niyo ako? Alam ko, dito sa inyo mahirap akong ikampanya. Sino ba dito ‘yung mga nagha house-to-house? Marami. Hindi ba ‘yung mga nagha-house-to-house, ang problema niyo hindi lang pagod, hindi lang init, hindi lang gutom, hindi lang puyat. Pero paminsan, ‘yung politika mismo sa lugar, nahihirapan tayo.

Pero ako po, ito lang ‘yung sasabihin ko sa inyo. Ako po, lahat na laban ko mahirap. Noong ako po tumakbo noong 2013, kamamatay lang ng asawa ko. Kamamatay lang ng asawa ko, wala naman po kaming pera, kinailangan kong tumakbo para hindi magka-gulo ‘yung grupo namin doon sa amin.

Ang kalaban ko, pinakamakapangyarihan na politiko sa amin. Wala pong nag-aakala na posible akong manalo, dahil wala akong pera, ni-isang rally, wala ako. ‘Yung kalaban ko lahat na mayor nasa kanya. Halos lahat na kapitan, nasa kanya. Sa mga mayor po – sa walong mayor sa distrito namin, iisa lang ‘yung kumampi sa akin. Sa 186 na kapitan, 25 lang ‘yung kumampi sa akin. Napaka bongga ng kanilang mga rallies, ako po wala. Lahat nagsasabi, wala akong pag-asang manalo. Pero pagkatapos ng eleksyon, landslide ‘yung panalo ko.

[crowd cheers]

Noong kumandidato ako. Noong kumandidato po ako noong 2016. Totoo nasa admin party ako, pero baguhan ako. Walang masyadong nakakakilala sa akin. Ilang beses po akong dumating sa inyo, sa Negros Occidental, nakikiusap tao sa tao, puso sa puso. ‘Yung kabutihan lang, talaga pong likas akong masipag.

Pero noong nag-eleksyon, binigyan ako ng napakaraming boto ng Negros Occidental. Isa po kayo sa dahilan. Isa po kayo sa dahilan kung bakit naging pangalawang pangulo ako.

Malaki po ‘yung pasasalamat ko sa inyo dahil noong humihingi ako sa inyo ng tulong nooong 2016, wala pa akong masyadong resibong maipapakita dahil baguhan ako sa politika. Pero kahit po baguhan ako sa politika, tiniwalaan niyo ako, nanalo ako dito.

Ngayon po, six years after. Mahirap pa din ang laban. Alam niyo naman kung sino ‘yung aking kalaban. Wala ako ng pera. Wala ako ng makinarya na meron sila. Ang kwento parang ganoon pa rin noong 2013. Kakaunti lang ‘yung local officials na malakas ‘yung loob na tulungan ako.

Pero alam niyo kung bakit malakas na ‘yung loob ko ngayon? Dahil andiyan kayo. Kung meron man pong leksyon o aral na nakuha sa aking mga pinagdaanang kahirapan, ito ‘yun: walang sinabi ang pera, walang sinabi ang makinarya, walang sinabi ang kapangyarihan kapag ang taumbayan na ang nag-desisyon lumaban.

At ngayon po, ngayon nakikita natin ang tao, naglalakas loob tumayo. Ang tao lumalaban. Pero ito po, hindi lang ito laban para sa akin bilang kandidato. Pero alam niyo na ang pinaglalaban natin dito ang kinabukasan ng ating bayan.

Ang klase ng pamahalaan at klase ng politika na itinutulak namin ng aking kalaban, ibang-iba. Kapag pinag-aralan niyo po, ang klase ng pamahalaan na aking pinapangako sa inyo, isang pamahalaan na tapat, kung saan ang kapangyarihan nasa kamay ng ordinaryong mamamayan, wala sa kamay ng mga politiko. Ito po, pag sinabi nating gobyernong tapat–

[crowd: Angat buhay lahat!]

–para umangat ang buhay ng lahat, ang pinapangako natin sa inyo, kaming mga magiging lingkod bayan niyo, matitino at mahuhusay. Kapag sinabi po nating matitino, lahat na kandidato sasabihin galit sila sa korapsyon. Pero kami po ni Senator Kiko, matagal na kaming nanilbihan. Narinig niyo na lamang ba na nadawit ‘yung mga pangalan namin sa anumang anomalya? Wala hindi ba?

Ano pa ang isang resibo ko, kinuwento ko na ito sa rally natin dati. Ang isang resibo ko, sa Office of the Vice President, sunod-sunod na taon nakukuha po namin ang pinaka-mataas na COA audit rating. Hindi na ako na lang ‘yung nagsasabi na malinis kami, pero COA na mismo.

Bakit po mahalaga ito? Pag malinis ang pamamalakad, napapangalagaan ang pera ng taumbayan. Pag napangalagaan ang pera ng taumbayan, dalawa lang ‘yung mangyayari. ‘Yung pinaka-una, mararating ang mga pinaka-mahhiirap na mga lugar dahil merong perang nakalaan para sa kanila.

Ang pangalawang pwedeng mangyari at ‘yun ‘yung nangyayari sa amin sa Office of the Vice President: ‘yung mga nakakaluwag sa buhay, nagtitiwala sa opisina namin. At dahil nagtitiwala sa opisina namin, maraming tumutulong, kaya marami din kaming natutulungan.

At ‘yun po pangarap natin, na magiging Pilipinas pag ako ‘yung naging pangulo. Pilipinas na kung saan, ang gobyerno katuwang ang private sector sa pagsisiguro na walang maiiwan sa laylayan ng lipunan.

Hindi po kaya ng gobyernong mag-isa. Pero tutulong lang po ang private sector pag inspirado siya. Kung nag-attend kayo noong rally sa Bacolod, nakita niyo, hindi ba kahit pagod na pagod kayo, umuwi kayong masaya. Masaya dahil naramdaman niyo kung papaano maging Pilipino ulit. Masaya dahil naramdaman niyo, ito pala ‘yung Pilipino. Kaya palang asikasuhin ang kapwa niyang Pilipino.

‘Yung mga nagdadala ng pagkain, hindi lang para sa sarili niya pero pang-share niya pa sa iba. Naalala niyo ba ‘yung napakalaking tarpaulin doon sa ating Paglaum Rally? Pinapahiram niyo ‘yun sa amin sa lahat, halos lahat na mga rally namin. Hindi ba ito ‘yung tunay na bayanihan. Pwede naman pala na ang Pilipino, mahal ang kapwa Pilipino. Pag ang namumuno pinapakita ‘yung kabutihan ng bawat Pilipino, inspirado tayong mag-ambag.

‘Yung ginagawa niyo ngayon na mga house-to-house, nakaka-pagod ‘yun hindi ba? Pero bakit ba sige lang tayo nang sige? Dahil alam natin na para sa bayan ito. Saka siguro nakikita niyo naman kung gaano ako kasipag di ba? Kasi hindi naman yata maganda na ‘yung volunteers ang masipag pero ‘yung kandidato ay tamad.

Kaya po sa akin, apat na araw na lang. Apat na araw na lang ang pwede nating ikampanya. Bukas ay May 4 na. Pwede na lang tayo mag-kampanya hanggang May 7.

Ang una kong pakiusap, ihirit na natin ‘yung kaya pa nating magawa para makumbinsi ‘yung mga hindi pa natin kasama ngayon. Pero ang pangalawa kong ipapaki-usap sa inyo: Tulong-tulong tayo para mag-siguro na malinis ang halalan na ito.

Marami akong naririnig meron ng mga attempt para gumamit ng pera. Siguruhin po natin na hindi ito ‘yung magiging dahilan para magdesisyon ‘yung mga kababayan natin dahil sa mga pinapangako sa kanila. Kami po, bilang kandidato, madali lang pangako. Madali lang sabihin pag nanalo na kami, bibigyan namin kayo ng ganito. Pero hindi ko ‘yun gagawin. Hindi ko ‘yun gagawin kasi kontra sa prinsipyo ko na madedesisyon ang tao base sa pera.

Ano ‘yun? Medic? Medic. Baka po pwedeng pa– meron po ba kayo diyan parang flag. Pa-wave lang para alam ng medic kung saan siya pupunta. Ayun, nandoon. Pabigay lang po ng daanan. Hindi ko na patatagalin kasi nakita ko ‘yung video niyo kanina. Alas tres papasok na ‘yung mga tao. Kaya alam ko na kaninang kanina pa kayo dito.

Pero sa akin po, maraming salamat. Maraming salamat sa pinapakita niyo sa aming pagmamahal. Maraming maraming salamat na sinasamahan niyo po kami sa laban para sa ating bayan. Mag-iingat po kayo. Sana pagbalik ko dito, magvi-victory party na tayo. Maraming salamat po. Mabuhay po kayong lahat.

[END]