< Back to Transcripts

Message of Vice President Leni Robredo Kabi10nyo: Ipanalo Na10 'to Grand Rally, Dasmariñas City, Cavite

May 1, 2022
Dasmariñas City, Cavite
No items found.

VP LENI: Magandang gabi, Dasmariñas! Magandang gabi, Cavite! Grabe, maraming salamat. Bago po ako magpatuloy, ang akin pong pagbigay galang at pasasalamat sa ina ng lungsod ng Dasmariñas, Mayor Jenny Barzaga at ang buong pamunuan ng LGU Dasmariñas. At siyempre, 'yung boss po namin lahat, Congressman Pidi Barzaga. Kasama din po natin ang mga kaklase ko sa 16th Congress: Congressman AA Advincula ng Third District ng Cavite, Congressman Boy Blue Abaya ng First District ng Cavite. Bisita din po natin ngayong gabi, Congressman Dan Fernandez ng Sta. Rosa, Laguna.

Marami pong kailangang pasalamatan. Hindi po natin maiisa-isa lahat pero maraming, maraming salamat po sa mga mayors, vice mayors, mga councilors, mga board members na kasama po natin ngayong gabi at 'yung mga nagbigay sa atin ng suporta. Maraming, maraming salamat din po sa Robredo People's Council - Cavite, sa pangunguna ng aking kaibigan na mula yata October ay hindi na nagpapahinga, Board Member Kerby Salazar.

Maraming salamat din po sa mga sectoral groups na kasama po natin ngayong gabi: Caviteños for Leni, Youth Vote for Leni, Team Leni Robredo, Solid Leni Pilipinas Cavite, Lawyers for Leni, Riders for Leni, Bikers for Leni, Robredocs, K-Pop Stans for Leni, La Sallians for Leni, at marami pang ibang mga grupo na kasama natin ngayong gabi.

Alam niyo po, aaminin ko sa inyo medyo kinakabahan ako dahil 'yung una nating rally na ginawa sa Gen. Tri., hindi po natin inaasahan na ganoon kadami ng tao. Kung hindi ako nagkakamali, 47,000 'yung dumalo sa Gen. Tri. Sabi ko po ngayon, matapatan lang natin 'yung 47,000 masaya na tayo. Pero ngayon yata nadoble 'yung numero kaya maraming salamat, Dasmariñas! Maraming salamat, Cavite!

Ayan, alam niyo po maraming mga milagrong nangyari mula po noong huli nating rally dito sa Cavite. Kung naalala niyo, na-traffic kami nang matindi. Galing po kami sa Tanza, papunta kami sa Gen. Tri., halos apat na oras nasa daan kami hindi na po kami umuusad, at sinasabihan ako malapit na ako magsalita. Kaya po naghanap kami ng motorsiklo para lang makaabot kami sa rally.

'Yun po 'yung unang milagro. Hindi ko alam na 'yung sinakyan ko palang motorsiklo ang rider BBM supporter. Pero sa totoo lang, hindi po namin pinag-usapan 'yung politika. Nagkuwentuhan po kami papunta sa rally site. Napakabait, nakarating ako sa rally site buong-buo.

At ngayon po, hindi lang sa na-convert na siya, napakasipag pang gumalaw. Gusto lang ulit natin ipakilala, magkaibigan na po kami ngayon, si Sherwin saka ang kaniyang may-bahay, si Tin. Ayan, ito si Tin. Alam niyo– maraming salamat Sherwin at Tin. Alam niyo, ang kuwento ni Tin, kung meron daw ditong pinaka loyalista sa kabilang kampo, sila 'yung dalawa. Sumasama pa sila sa mga motorcade dati.

Pero noong gabi pong 'yun, di ba by God's grace, talagang nagpara lang po kami ng motorsiklo kaya maraming salamat, Sherwin. Buti po noong nakita ako ni Sherwin, pinasakay niya pa din ako. Pero alam niyo ngayon, sila na 'yung pinakamasipag na nagkakampanya sa atin.

Maraming salamat. At alam niyo, kaya ko ito kinukwento sa inyo dahil 'yun 'yung pinaka una kong pakiusap sa inyo ngayong gabi. Mula po bukas, anim na araw na lang tayo puwede magkampanya. Alam ko napakarami sa inyo, ang sisipag– nagha-house to house, nagpapa-lugaw, kung anu-ano 'yung ginagawa, pero 'yung pinaka sikreto, 'yun 'yung nakita natin dito sa dalawa. Ang pinaka sekreto po, buksan natin ang ating mga puso. Kahit iba 'yung paniniwala, mahalin pa din natin sila.

Ayan, may medic– Saan, saan? Medic. Bigyan lang po ng space. Mamaya po, mamaya. Mamaya na ko magko-korona, ha?

[crowd cheers]

Alam niyo– Bagay ba?

[crowd cheers]

Alam niyo, dito lang sa mga rally– Maraming salamat. Dito lang po sa mga rally nagaganap 'yung frustration kong maging beauty queen. Kaya maraming salamat sa inyo, maraming salamat.

"Hindi pa man ako botante pero ikaw ang number one para sa future ko." Halika, halika. Kinakampanya mo ba ako? Palakpakan natin. Anong pangalan mo? Ayan. Ayan, ha? Di ba kaya tayo nagsisipag? Nagsisipag tayo, hindi lang dahil naniniwala kayo sa akin, pero alam natin na ang ipinaglalaban natin 'yung mga kabataan kagaya nila at kagaya ninyo. I love you too. Ayan, mamaya babasahin natin 'yan.

Ito lang po, makinig lang muna tayo. Alam kong excited kayo pero makinig muna tayo. Mamaya na tayo sumigaw, kasi pag sumisigaw tayo hindi tayo nagkakarinigan. Gusto ko lang po magpasalamat sa ating mga congressmen at mga local officials na in public, sinusuportahan tayo. Alam ko po na mahirap itong gawin dahil sa sitwasyon ng ating politika.

Pero sila po, ako pa 'yung nag-aalala sa kanila. Sinasabi ko pa sa kanila: hindi kaya kayo mapasama pag pinakita niyong ako 'yung sinusuportahan ninyo? Ang sabi po nila: para sa bayan na ang laban na ito. Kaya maraming, maraming salamat po sa kanila.

Pangatlong balik ko na po ito sa Cavite ngayong campaign period. Kung naaalala niyo 'yung pinaka huli ko pong punta dito noong March 4, kung kailan nagkaroon tayo ng malaking rally sa Gen Tri. Pero hindi lang po ako ang pabalik-balik dito, pati po 'yung mga anak ko, pabalik-balik din ng Cavite, para suyurin 'yung mga iba't ibang bayan dito sa Cavite.

Kanina po, pagdating namin, dumiretso kami sa Alfonso. Pagkagaling namin sa Alfonso, pumunta kami sa Naic, bago kami pumunta dito sa Dasmariñas. Noong huli ko pong punta, napakarami naming mga lugar na pinuntahan sa halos lahat na distrito dito sa Cavite. Bakit po ba hindi kami nakukuntento na isang malaking rally lang? Sana kung isang malaking rally lang, hindi na kami masyadong magpapagod. Bakit ba hindi kami nakukuntento na magmo-motorcade lang sa buong Cavite para ipakita na pumunta kami dito?

Ang dahilan po nito, dahil gusto namin sa inyong ipakita kung anong klaseng pamahalaan ang puwede niyong asahan kung kami ni Senator Kiko ang malagay sa puwesto. Isang gobyerno na siya ang lumalapit sa tao. Isang pamahalaan na nakikinig. Isang pamahalaan na nagkokonsulta. Kaya po sa amin, kahit nakakapagod, gagawin namin, at– Ako lang po, kahit anong pagod, pag nakakasama na natin kayo, na sobra 'yung saya na makita kami, lahat na pagod napapawi na. I love you din.

Ito po, sinabi ko na ito sa inyo noong huli po tayong nag-rally. Kahit talong talo ako sa Cavite, noong 2016–

CROWD: "Babawi kami! Babawi kami!

VP LENI: Pero ang– Maraming salamat. Pero ang punto ko lang: kahit natalo ako dito sa Cavite, hindi ko kayo iniwan. Lahat na sakuna, lahat na bagyo, lahat na baha, lahat na sunog, lahat na sakuna na dumadaan. Pati po ‘yung pagputok ng bulkang Taal, ‘yung mga bayan ng Caviteng naapektuhan, pinuntahan namin. Noong nag-pandemic, napakaraming medical institutions ang ating pinapadalhan, mga PPE sets, medical supplies. Sa Imus po nagkaroon tayo ng vaccination. Nagkaroon din po tayo ng swab testing sa iba’t ibang mga lugar. Nagkaroon din po tayo ng maraming mga livelihood projects sa iba’t ibang bayan dito sa Cavite.

Pero bakit ko siya kinukwento sa inyo? Dahil noong 2016, noong ako po humarap sa inyo, hindi pa ako kilala. Wala pa akong masyadong track record na ipipresenta sa inyo. Pero ngayon na bumabalik ako para humingi ulit ako ng tulong, matitignan ko po kayo lahat, mata sa mata. At masasabi kong hindi ko sinayang ‘yung botong ibinigay niyo sa akin.

‘Yung anim na taon ko po bilang pangalawang pangulo, pinakita namin kung anong klaseng gobyerno ‘yung kaya naming ibigay sa taumbayan. Isang gobyerno kung saan ang laylayan ang bagong sentro. Isang gobyerno na sinisigurong walang maiiwan. Isang gobyerno kung saan, ‘yung mga nakakaluwag, sila ‘yung tutulong sa mga napapag-iwanan. Ayun po ‘yung pinakita namin sa aming Angat Buhay Program. Isang gobyernong tapat: mga lingkod bayan na matitino at mahuhusay.

Bakit po ito mahalaga? Kapag matino, mahusay at tapat ang pamahalaan, ang pera ng taumbayan, napapangalagaan. Kapag ang pera ng taumbayan, napapangalagaan, kahit pa limitado ito, mas marami ‘yung natutulungan.

Noong huli ko pong punta marami akong sinabi na mga programa, hindi ko na po ‘yun uulitin. Pero sa akin lang po, nakikiusap lang ulit ako. Anim na araw na lang. Ang aming pong pakiusap na sana ‘yung lahat na kasinungalingan mapalitan natin ng katotohanan. Ang aming pong pakiusap, na magtulong-tulong po tayo na ang boto ng ating mga kakilala, ang ating kapamilya ay hindi naka-base sa mga kasinungalingan na nababasa nila. Palitan natin ito ng katotohanan. Dahil kung ang boto po natin naka-base sa kasinungalingan, sa dulo’t dulo kawawa ang taumbayan.

Ito po ‘yung aking pakiusap kanina. Buksan natin ang ating mga puso. Sabihin po natin sa lahat: ano man ang kulay na dala ninyo, welcome kayo dito sa amin. Pag tayo po naging pangulo, wala tayong kulay na titignan. Magiging pangulo tayo ng kahit anong kulay dahil ayun naman ang nararapat. Kaya po ako, paminsan nagugulat ako. Kahit saang bayan po kami pumunta, kanina sa Alfonso, sunod sa Naic. Napakaraming kababayan nating ang nagpapahayag ng suporta. Ang sabi po namin ni Senator Kiko, siguro pagpapahayag ito ng pagkauhaw natin sa isang disenteng pamamahala.

Kaya po sabi ko sa doon sa Alfonso kanina, hindi ko po masasabi na kaya ko ‘yung lahat nating problema. Pero ang mapapangako ko sa inyo, isang tapat na pamamahala na makikinig sa inyo. At ang aking pangarap, kung ako po umupo bilang pangulo, pagkatapos ng aking termino, ang mga Pilipino, proud siya na siya ay Pilipino.

Nakita po natin ito sa rally natin sa GenTri, di ba? Nakita natin sa rally natin sa GenTri, ang mga may tubig, nag-aambag sa iba para mabigyan din sila. Nagbabaon ng mga pagkain hindi lang para sa sarili nila, pero para i-share sa iba. Pagkatapos ng ating rally, tulong tulong sa pag linis.

Pinakita natin na pwede naman pala. Pinakita natin na ang– kapag ang Pilipino inspirado, talagang handang handa siyang mag-ambag. Kaya po ako, excited na ako. Excited na akong makita ang isang Pilipinas na lahat tayo ipinagmamayabang natin na tayo ay Pilipino.

Kaya po sa inyong lahat, maraming maraming salamat sa lahat na nagsasakripisyo, sa lahat na nagtitiwala, sa lahat na nag-aambag kung ano man ang kaya niya para po makamtan natin ang pamahalaan na ating inaasam. Sa inyo pong lahat, mabuhay po kayo. Sana pagbalik ko dito sa Cavite, victory party na. Kaya po, sipagan natin. Ipanalo na natin ito!

[END]