< Back to Transcripts

Message of Vice President Leni Robredo during the District 3 Multi-Sectoral Gathering, Bayawan City, Negros Oriental

April 20, 2022
Bayawan City, Negros Oriental
No items found.

VP LENI: Maraming salamat. Maraming Salamat. Maayong hapon, Bayawan. Ayan, alam niyo kanina naka-upo ako, pinapanood namin kayo ni Mayor. Sabi ko kay Mayor, ‘yung energy niyo ngayon hapon parang hindi mainit ang panahon. Mainit na ang panahon, lalo niyo pang pinainit kaya maraming maraming salamat. [CROWD: I love you, Leni!] I love you.

Ayan, sumesenyas ‘yung nasa likod. Sumesenyas ‘yung nasa likod, kung pwede daw umupo tayong lahat para makapanood sila. Tatanong ko lang kung sino gumawa niyang Leni-Kiko. Sobrang ganda. Maraming salamat, maraming salamat. Ang tiyaga pero napaka-ganda.

Nakikita ko din po, meron ditong mga taga-Basay. Alam niyo, dumadaan kami sa inyo dahil Project Area namin ang Hinubaan. Pero maraming maraming salamat.

Gusto ko lang po ulit magpasalamat kay Mayor Henry Pryde Teves. ‘Yung lahat na iba’t ibang sector na represented ngayon, meron tayong mga magsasaka, merong mga mangingisda, merong mga kababaihan, merong seniors, merong mga kabataan, merong mga IPs. Hindi ko na po iisa-isahin dahil binasa na ni Senator Kiko kanina. Pero maraming salamat sa pagpaunlak sa imbitasyon namin na maka-usap kayo ngayong hapon.


Actually po, ginulat niyo kami. Kasi noong nakita po namin sa schedule na napa-unlakan niyo kami sa isang multi-sectoral dialogue, akala po namin kaunti lang tayong magusap-usap. Kaya noong palapit na po kami, kasama ko po si Mayor sa sasakyan, naririnig ko ‘yung mga boses niyo. Sabi ko, parang napaka-raming tao. Maraming nga, kaya maraming maraming salamat. [CROWD: Ma’am, we love you!] Salamat.

Ayun, meron ngayong– ano po? Maraming salamat. Maraming salamat. Meron pong nagsi-celebrate ng birthday ngayon. Happy birthday sa iyo. Ikaw? Ikaw. Dalawa kayong may birthday ngayon? Happy birthday. Siguro mababait din kayo dahil sabi nila kapag April-born daw, lalo na daw kapag April 20 paakyat, mababait. Sinasabi ko lang ‘yan dahil birthday ko din sa Sabado. Birthday mo din? Ayan tatlo na kayo. Ayan, may dalawang may birthday ngayon, may kasabay ako sa Sabado.

Ayan, ‘yung mga nagre-request ng picture, mamaya dahil binigyan ako ng sasagutin. ‘Yung mga concerns ng ating mga sektor. Pero gusto ko lang pong pasalamatan ‘yung lahat na nandito. Mamaya babasahin ko ‘yung mga placards. Pero maraming salamat. Babasahin ko lang ‘yung mga issues na binigay. Pagtutulungan namin ni Senator Kiko kasi marami ‘yung mga issues tungkol sa mga magsasaka. Alam natin, isa po sa pinaka-malaking dahilan na pinili natin si Senator Kiko bilang Vice President natin, dahil gusto natin bigyan ng napaka-laking focus ‘yung agriculture.

Alam niyo po, bago ko ito sagutin, kukwentuhan ko lang kayo. Noong nasa sasakyan kami ni Mayor, pinag-uusapan po namin na kapag pareho kaming pinalad ngayong darating na eleksyon, napaka-defined na po ng hinihingi ni Mayor. Ang sabi niya, susuportahan ko ba ‘yung Negros Island Region. Ang sabi ko po, oo. Dahil from the very start kahit po noong bago nag-2016, talaga pong supportive na tayo sa Negros Island Region. Dahil palagay natin, mas lalaki ‘yung opportunities, hindi lang po dito Negros Oriental, pati din sa Negros Occidental. Pero ‘yung tanong, ‘yung tanong po noong ating mga magsasaka, isa-summarize ko na lang. Ano ba ang plano sa Rice Tariffication Law. Ano po ‘yung nangyayari ngayon.

Mula po noong ipinasa ‘yung Rice Tariffication Law, binuksan na 'yung flood gates sa napakaraming imports ng agricultural products na pumapasok dito lalo na ng bigas. Ang problema, mas marami tayong ini-import kaysa sa pangangailangan natin. Ang cost of production ng mga magsasaka natin ay napaka-taas kaya luging lugi sila pag bagsak ‘yung palay. Hindi po tayo nakakapag-compete sa mga imports galing sa labas, kasi ‘yung mga bigas na galing sa labas mura. Mas mura kaysa sa atin.

Pero bakit ba mas mura kaysa sa atin? Dahil ‘yung cost of production po nila mababa. Tayo ang cost of production natin napaka-taas kasi kulang ‘yung ating tulong na ating ibinibigay sa magsasaka. ‘Yung irrigation natin, marami pang problema. Kakaunti pa lang ‘yung mga lugar na fully mechanized na ‘yung mga farms. ‘Yung inputs natin, napaka-mahal. Ang abono ngayon, napaka-mahal.

Kaya kapag bagsak presyo po ‘yung palay, luging-lugi ‘yung ating mga farmers. Ang binibili ng mga consumers, ‘yung imported na mas mura kasi siyempre mas gusto nila mas mura.

Ano po ‘yung plano natin tungkol diyan? Unang una, kailangan buhusan natin ng tulong ‘yung mga rice farmers natin para bumaba ang kanilang cost of production. At hindi sila lugi, makakapag compete sila sa presyo ng mga imported. ‘Yun ‘yung una.

Pangalawa, itong kamahalan sa inputs, kailangan na po natin itong harapin. Napaka-mahal po ng abono natin kasi halos lahat imported. Para po bumaba ito, kailangan mag-produce na tayo locally ng abono para hindi na tayo dependent sa labas.

Pangatlo, dapat ‘yung pag import, ang iimport lang natin ‘yung kulang. Ngayon ang ini-import natin, sobra-sobra sa pangangailangan natin kaya nawawalan na ng benta ‘yung ating mga farmers kasi mas mahal tayo. Dapat po mas malaki ‘yung proteksyon sa mga farmers. Dapat kung magi-import tayo, taasan natin ‘yung tariff nila para mas maging mahal para makapag-kompitensya ang ating mga farmers. ‘Yung tariff na natatanggap natin, dapat ibuhos ‘yun ng tulong sa ating mga magsasaka.

So, ayun po ‘yung tanong tungkol sa Rice Tariffication. Mamaya po ibibigay ko ‘yung microphone kay Senator Kiko. Magsasalamin ako ha, masyadong maliit ‘yung sulat. Ano po?

Bakit hindi kasama ang kababaihan sa pagkilala bilang farmers sa RSBSA? Actually po ‘yung RSBSA, doon po sa mga hindi farmers dito, ito po ‘yung insurance– ito ‘yung listahan pala. Ito ‘yung listahan ng mga farmers sa atin. Ang problema po ng RSBSA, hindi siya ina-update regularly.

Bibigyan ko lang po kayo ng example. Noong Congresswoman po ako, tinamaan ‘yung distrito ko ng Typhoon Glenda. Grabe ‘yung destruction sa aming mga magsasaka. Pero hindi sila makakuha ng crop insurance kasi ‘yung mga pangalan nila, wala sa RSBSA. Noong tinignan po namin ‘yung RSBSA, maraming mga pangalan doon ay hindi na farmers ngayon pero sila pa ‘yung entitled makakuha ng crop insurance kasi hindi naman updated ‘yung listahan.

Kaya po kapag ako naging pangulo, tututukan po natin ‘yung inventory ng farmers. Kailangan updated ito. At dapat po ‘yung updating nito, regular. Para kung merong sakuna na dumadating, ‘yung mga tunay na nagtatanim, sila ‘yung matutulungan ng ating pamahalaan. Ayun.

Pangatlo, may programa pa ba upang ipagpatuloy ang Land Tenure Program para sa mga lupang na-cover ng CARP? Noong nasa Congress po ako, kasama ko si Mayor sa Congress, naging author po ako ng isang panukalang batas na dapat ay ipag-patuloy, dapat ipag-patuloy ‘yung hindi pa naa-award, na dapat i-award na.

Pangalawa, kailangan na mag-lagay ng parang Agrarian Reform Commission kasi grabe po yung korapsyon sa pag-award ng mga lupa. Pero kahit doon sa mga na-award na, kahit po sa mga na-award na, kulang pa din ‘yung tulong ng pamahalaan. Alam ko po dito sa Bayawan, marami ‘yung programa ng local government units sa pagtulong sa mga agrarian reform beneficiaries, na ‘yung kakulangan ng CARP, kakulangan ng Agrarian Reform Program, local government ang tumutulong.

Kaya kapag tayo po ay naging pangulo, sisiguraduhin natin na ‘yung tulong na dapat ibinigay sa inyo ay maiibigay na finally.

‘Yung tanong sa mga kababaihan, mahaba naman ‘yung tanong niyo. Ang haba ng assignment niyo sa akin. ‘Yung tanong sa mga kababaihan, isa-summarize ko na lang ito ha. Parang ‘yung tinatanong dito, ano ba ‘yung magagawa natin para matulungan ‘yung mga kababaihan maghanap-buhay kahit meron silang mga obligasyon sa loob ng tahanan?

Di ba tayong mga nanay, kadalasan ayun ‘yung problema natin. Masipag naman tayo. Kailangan natin maghanap-buhay. Gusto na ba natin maghanap buhay. Pero hindi tayo makapag hanap-buhay kasi kailangan tayo mag-alaga ng mga anak natin. So, dapat ang pamahalaan naglalagay siya ng mga mekanismo para ‘yung nanay, kahit nag-aalaga siya ng mga anak, nakakapag hanap-buhay pa din siya. Papaano ito mangyayari? May dalawang paraan.

‘Yung isang paraan, maglagay ka ng mga institusyon na puwedeng mag-alaga sa mga bata. Mga daycare facilities, mga child minding centers, mga nurseries na kung saan nagtatrabaho ‘yung mga nanay.

Ginawa na po namin ito sa Lake Sebu. Narinig niyo na ba ‘yung Lake Sebu? Ang Lake Sebu nasa South Cotabato ito. May tinutulungan po tayo doon na mga weavers, women weavers ng Tinalak. Naglagay tayo with our partners ng parang isang nursery school, doon mismo para habang nagwi-weave ‘yung mga nanay, nag-aaral ‘yung mga anak nila, hindi sila nawawalay sa kanila.

‘Yung pangalawa, na patuloy pong ginagawa namin sa Office of the Vice President, hinahanapan namin ng mga trabaho at saka tinuturuan ng mga skills ‘yung mga nanay na nasa bahay, na puwede silang maghanap-buhay kahit nasa bahay sila.

Example po nito, yung mga mananahi. Nagbigay po kami ng mga sewing machines na nilalagay ng mga nanay sa bahay nila. Binibigyan sila ng kontrata, doon sa bahay nila itatahi ‘yung mga tahiin nila. Kami din ‘yung bumibili.

Halimbawa po noong pandemic. Noong pandemic po na nagkaka kulang-kulang ‘yung mga PPE sets, ang pinatahi po natin, ‘yung mga communities natin na tinutulungan. Nasa bahay lang ‘yung mga nanay, nagtatahi sila ng PPE sets, kapag natahi na nila kami din ‘yung bumibili at binibigay ‘yan sa iba. Ito puwede ito, habang naga-asikaso ka ng mga anak, meron ka pa ring hanap-buhay, meron ka pa ding kita.

‘Yung mga mangingisda, isa-summarize ko din po. Ang pinaka-tanong dito, hindi kayo buwelo, lalo na ‘yung mga maliliit na mangingisda. Hindi kayo buwelo kasi sa mga municipal waters na dapat sana kayo na 'yung nangingisda, ‘yung mga mga malalaki pa din, mga malalaki na fishing vessels ang nandoon. Kaya dito po natin kailangan ng gobyernong tapat.

Kanina po, kahit hindi po ako nakakapag-salita ng dialect niyo, naintidihan ko ‘yung sinabi ni Mayor na hindi po kami kurakot. Maasahan niyo na hindi po kami magiging kurakot kapag kami ‘yung naka-upo. Kaya po nakaka-buwelo ‘yung malalaki kasi grabe din ‘yung korapsyon. Kailangan i-strengthen natin ‘yung pangangalaga ng municipal waters para ‘yung mga maliliit na mangingisda natin hindi nawawalan ng hanap-buhay. Kasi ang nangyayari ngayon, maliit ka, sorry ka na lang. Parating merong pagkakataon ‘yung malalaki.

Sisiguraduhin po natin na ang ibibigay namin sa inyo matitino at mahuhusay na lingkod-bayan. At marami na po kaming resibo ni Senator Kiko niyan. Sa amin pong mga panunungkulan bilang public officials, wala po kaming issue sa korapsyon. Sa Office of the Vice President, taun-taon kami po 'yung nakakakuha ng pinakamaatas na COA Audit Rating. Ang gusto pong sabihin nito, COA na mismo ang nagsasabi na malinis ang aming mga pamamalakad.

Ito po sa mga IPs– pasensya na, magsasalamin ulit ako. Bakit mabagal ang implementasyon sa proseso ng ancestral domain? Anong programa niyo sa mining at quarry na nasa loob ng ancestral domain? Ito po mahabang panahon. Alam niyo po naging politiko lang ako noong namatay 'yung asawa ko. Nabalitaan niyo naman siguro– siguro ang iba sa inyo alam kung papaano namatay 'yung asawa ko.

'Yung asawa ko po 'yung politiko sa amin. 'Yung asawa ko, anim na termino nag-mayor sa Naga pagkatapos niya pong matapos 'yung dalawang– pagkatapos niyang matapos 'yung six terms in office, na-appoint po siya bilang DILG Secretary. Noong DILG Secretary po siya, siya 'yung nag-umpisa noong IPMR. Alam niyo 'yung IPMR? Ito 'yung pagtalaga na dapat lahat na local legislative councils meron nang umupo nang IP Mandatory Representative. Pagsiguro ito na may boses 'yung mga IPs sa decision makings sa community.

Noong panahon pong 'yun, ako ay abogado. Kabahagi po ako ng isang NGO, ang pangalan ng NGO ay SALIGAN. Mahabang panahon, more than 10 years– 'yung pinakauna ko pong trabaho bilang abogado, PAO Lawyer ako. Alam niyo 'yung PAO? Nag-aabogado para doon sa mga walang pambayad.

Pagkatapos ko po sa PAO, nag-SALIGAN ako. Sa SALIGAN naman po nag-aabogado po kami sa mga magsasaka, mangingisda, mga Lumad, mga manggagawa, mga urban poor, mga kababaihan. So, mahabang panahon 'yung po 'yung buhay ko.

At noong panahon pong nasa SALIGAN ako hanggang ngayon na public official na ako, isa po sa mga adbokasiya namin 'yung pag-protect sa ating mga IPs ng kanilang ancestral domain. Papano 'yun mapo-protect? Meron pong mga batas na hindi napapatupad. Ang isa pong batas na hindi napapatupad, nakalaan po sa batas hindi puwedeng magkaroon ng mining, hindi puwedeng magkaroon ng quarry, hindi puwedeng mag-disturb ang ancestral domain ng mga IPs na wala silang pahintulot. At 'yung pahintulot na 'yun kailangan mahabang proseso na sinisiguro natin na naiintindihan nila kung anong proyekto 'yung gagawin nila at dapat 'yung benepisyo sa kanila mapunta.

Ang problema po ngayon parating naisasantabi 'yung mga problema ng IPs natin dahil ang pinagbibigyan 'yung mga malalaking negosyante. Sa ilalim po ng Administrasyon na Robredo-Pangilinan, ang pagsiguro po namin sa inyo papangunahan natin 'yung pag-protect sa mga nasa laylayan ng lipunan. Gustong sabihin, pag merong pagtutunggali between malalaking negosyante saka maliliit na mga Pilipino, parati pong papaboran natin 'yung mga maliliit dahil naiintindihan natin na ang proteksyon ng pamahalaan dapat nasa kaniya.

Mga kabataan– napakahaba naman ng issues ninyo. Puwede bang pumili na lang tayo kasi baka kulangin tayo ng oras? Pipili na lang tayo. Ayan, ito 'yung isa ay mental health, 'yung isa ay career mismatch, teenage pregnancy. Karamihan dito ay patungkol sa education. Uunahin ko siguro 'yung education.

Hindi ko alam kung narinig niyo na ako, pero several times ko na ito sinabi, even during debates, na one of the first things that I will do if elected President is to declare an education crisis. Bakit ba kailangan natin ito? Nakita natin lahat na international assessments sa Math, sa English, sa Science nasa dulo tayo.

Nakakatakot ito. Ngayon na meron kaming Community Learning Hubs, nakikita namin merong mga Grade 5 and Grade 6 students hindi pa din nagbabasa.

Papano 'yun magagawa? Number one, kailangan doblehin natin ang budget sa education. Ang budget po natin sa education ngayon nasa 3% lang ng GDP pero ang recommended ng United Nations dapat nasa 6%. Ang layo natin.

Pangalawa, ewan ko lang kung may teachers dito. Meron ba ditong teachers? Kung may teachers dito, kawawang-kawawa 'yung mga teachers ngayon kasi hindi sila maka-concentrate sa instructions dahil napakaraming administrative work ang nire-require sa kanila, 'yun 'yung number one.

Number two, totoong tumaas na 'yung sweldo ng teachers pero hindi pa din siya competitive sa mga katabi nating mga bansa. Pag hindi competitive 'yung sweldo natin kumpara sa ibang bansa, we will be losing the be– our best teachers dahil ang opportunities sa labas mas malaki.

Pangatlo, 'yung mga teachers ngayon gusto din pahusayin 'yung sarili. Magma-Masters, magpi-PhD, magdo-Doctor of Education pero sila 'yung– 'yung burden sa pag-aral nasa kanila.

So, para sa akin dapat ang gobyerno nag-iinvest para 'yun mga teachers natin maging mahusay. Dapat kung mag-aaral 'yung mga teacher sasaluhin ng pamahalaan hindi lang 'yung tuition pero ‘yung pagbibigay sa kanila ng mga paid leaves para nakaka-concentrate sila sa pagtuturo.

‘Yung mismatch between 'yung education saka career napakalaki. Example ko lang sa inyo, during the pandemic nag-roll out po kami ng programa sa Office of the Vice President. Ang pangalan po ng programa namin, Sikap.ph, online jobs matching platform po ito. Nagulat po ako kasi at one point meron kaming 27,000 jobs available pero 16,000 lang ang nag-qualify.

Maraming trabahong available pero 'yung skills ay hindi sapat. Maraming naghahanap pero 'yung mga magtatrabaho ay wala noong skills na kailangan.

Kinausap po namin 'yung iba-ibang industries halimbawa, BPO Industry. Ang reklamo po sa amin ng BPO Industry, napakarami nilang trabahong available pero walang skills 'yung mga nag-aapply dahil 'yung tinuturo sa paaralan ay obsolete na.

Example nito, kahit mga IT courses 'yung mga software na skills na tinuturo hindi na nila ginagamit sa BPO Industry. So, dapat nag-uusap ang mga eskwelahan saka ang industries. Dapat 'yung mga courses na tinuturo nababagay sa kung anong trabaho ang available. Pero ngayon kasi nagwa-one size fits all tayo, di ba. Ang daming commerce, ang daming kung anu-ano pero hindi naman siya bagay doon sa skills na hinahanap kaya pagka-graduate either walang trabaho o underemployed. 'Yun 'yung number one.

'Yung number two, 'yung tinanong niyo tungkol sa mental health program. Meron po kaming magandang model dito. Sa Office of the Vice President meron po kaming mental health program para sa mga empleyado pero in-expand namin ito para sa mga volunteers. 'Yung lahat na volunteers namin meron na din kaming mental health program.

Pag naging Pangulo ako, this is something that we will– that will be mandatory. Hindi lang sa mga schools pero pati sa mga opisina dahil alam natin kung gaano ito kaimportante.

Ang panghuli na lang– isa-summarize ko na lang, ha? Teenage pregnancy, meron po kaming on-going program. Ang pangalan ng on-going program namin, Babaenihan. It is a program we are doing with the United Nations Population Fund pero against– ito ay education para ma-prevent 'yung teenage pregnancies.

Pero ito kasi, ang teenage pregnancy is very complicated na structure. Meaning to say, hindi siya madadala sa training lang. Hindi siya madadala sa education lang pero isang comprehensive program siya para sa mga kabataan. Para 'yung mga kabataan maraming productive na options na available sa kanila para wala silang masyadong oras sa mga bagay na unproductive.

Maraming components 'yung programang ito pati pag-asikaso na kung nabuntis 'yung minor ay dapat 'yung gobyerno may programa para masalo ito para ma-prevent 'yung abortion, para ma-prevent 'yung pag-ostracize noong kabataan. So, 'yun 'yung ating programa.

Pinagod niyo ako. Masyadong mahaba 'yung mga issues pero na-enjoy ko. Pero ito po panghuli na lang bago ko tawagin si Senator Kiko. Mamayang gabi, meron tayong rally sa Dumagete City. Iniimbita po namin 'yung mga kayang pumunta pero ang dahilan kung bakit sinadya namin kayo dito sa Bayawan, para doon sa mga hindi makakapunta at least nagkausap-usap tayo.

Kaya po sinasa– kanina po nasa Canlaon kami. Nasa Canlaon po kami kaninang umaga bago kami pumunta dito. Ganoon din 'yung dahilan namin dahil malayo na 'yung lugar baka hindi na pumunta 'yung mga tao sa Dumaguete. Pumunta na kami dito para dalhin 'yung mensahe.

Ano 'yung mensahe? Nangangako po kami sa inyo na pag kami 'yung inyong binigyan ng pagkakataon makapagsilbi sa inyo, pinapangako namin ang isang gobyernong tapat. Anong gustong sabihin ng gobyernong tapat? Bibigyan namin kayo ng mga lingkod-bayan na matitino at mahuhusay. Ang paniniwala po namin, ang buhay natin hindi aangat kung hindi matapat ang ating gobyerno.

Maraming mga kandidatong pupunta dito sa inyo. Lahat sila mangangako na aangat ang buhay ninyo. Lahat mangangako na mamahalin kayo. Pero ang dapat laging tanong sa kanila: asan kayo noong kailangan namin kayo? Ang dapat pong tanong sa mga humihingi ng tulong sa atin, "Noong wala pang eleksyon, ano 'yung ginagawa ninyo?"

Dahil madali lang mangako, madali lang magsabing mahal kayo pero di ba ang pagmamahal pinapakita hindi sa salita kundi sa gawa? Ako po ipagyayabang ko sa inyo ngayong eleksyon na, na noong nakaraang anim na taon lagi po kami dito sa inyo. Tinutulungan namin 'yung mga pinakanahihirapan, gaya ng sabi ko. Pinakauna po naming area dito, Zamboanguita, 'yung Hinoba-an. Marami po tayong areas sa north, meron po tayo sa La Libertad, meron po tayo sa Manjuyod, meron tayo sa Bais. Marami po tayong mga projects. Bawat sakuna, kami ang unang-unang nandito.

[crowd cheers]

Marami po sa inyo hindi alam 'yung ginagawa namin kasi very quietly lang naman kami nagtatrabaho. Pero pag may humingi ng tulong sa atin, 'yun 'yung itanong natin. Kasi maraming mga politiko mahuhusay lang tuwing kampanya pero pag wala nang kampanya hindi na din maasahan.

Kami po naniniwala kami na ang solusyon sa lahat hindi kami. Pero ang solusyon sa lahat, tayong lahat. Di ba tayong lahat? Kaya ang binibigay po sa– namin sa inyo isang klase ng pamahalaan na gaganahan kayong mag-ambag.

Gaganahan kayong mag-ambag kasi makikita ninyo na malinis kami, pinapangalagaan namin 'yung pera ng taumbayan. Makikita niyong tunay kaming nagtatrabaho.

Ngayon po, ewan ko lang dito kung sino 'yung first na involved sa kampanya. Sino ba dito 'yung first timers? Nakakagulat, di ba? Noong mga nakaraang kampanya, halos gumagalaw lang mga local officials pero ngayon nakikita namin ordinaryong mamamayan nagsisipag. Ordinaryong mamamayan, abonado. Ordinaryong mamamayan nagha-house to house, nag-aattend ng rallies. Ang amin pong paniniwala kaya ganiyan kayo kasi naniniwala kayo na ang eleksyon na ito hindi lang contest naming mga politiko, pero 'yung eleksyon na ito ang pinipili natin kung anong klaseng gobyerno ang gusto nating mamayani sa bayan natin sa susunod na anim na taon.

Kaya sana po samahan niyo kami sa laban na ito. Maraming salamat sa inyong sakripisyo. Mula po sa araw na ito, 18 days na lang 'yung natitira para magkampanya tayo. Sana kung sinipagan niyo na 'yung nakaraang mga araw, lalo niyo pang sipagan ngayon para ipanalo na natin ito. Maraming-maraming salamat po sa inyo lahat. Ibigay ko lang po ulit kay Senator Kiko just in case meron si Senator Kiko na gustong idagdag doon sa sinabi ko.

[END - 1:50:08]