< Back to Transcripts

Message of Vice President Leni Robredo during the Dialogue with the Members of the United Boatmen Association of Pagsanjan (UBAP), Pagsanjan, Laguna

April 29, 2022
Pagsanjan, Laguna
No items found.

VP LENI: Bibilisan ko lang kasi tanghali na. Pasensya na po kayo galing pa kasi kami ng Paete. Pero, unahin ko po 'yung problema ng mga boatman. Sayang hindi tayo nagkakilalang mas maaga kasi alam po ng mga kababaihan dito na meron po kaming sustainable livelihood program na nagbibigay kami ng cash assistance. Gagawin po natin 'yun sa inyo, pantawid doon sa mga nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemic. Aasikasuhin na po– nasaan si Amy? Si Amy po 'yung staff namin na assigned dito sa Laguna.

Pero, bigyan ko lang po kayo ng ideya kung ano 'yung sustainable livelihood program. Ang hinahanap po namin dito 'yung mga maliliit na mga nagnenegosyo na tingin namin, pag tinulungan sa kapital ay makaka-ahon ahon. Gaya ng ginawa namin sa mga taga-Lumban, ginawa natin sa mga taga-Cavinti. 2016 pa po namin ito programa, pero noong 2016 po kasi hanggang mga 2019, ang priority po namin 'yung mga malalayong mga lugar, sa Mindanao, sa Visayas, na malayo sa Metro Manila. Dahil sila 'yung hindi nakakatanggap ng tulong. Pero noong nag-pandemic, nag-focus po tayo, Metro Manila saka ito pong Greater Manila Area kabahagi na ‘yung Laguna. So, kaya po naka-extend tayo– marami po tayong binaba dito na mga livelihood programs, 'yung mga mangingisda, mga kababaihan din, 'yung ibang mga mananahi, sila 'yung– 'yung mga magbuburda. Pero 'yung sa inyo po, sa mga boatman, tutulungan po namin kayo pero–

[crowd applause]

Ito po kasing cash assistance, pansamantala ito. Ang dapat, kinuwento ko po sa kanila, na ang dapat nating gawin, ayusin natin 'yung tourism program dito sa inyo kasi magiging sustainable 'yung pag hanapbuhay niyo kung maraming turistang pumupunta. So, ang sa akin po, ang ideya ko po dito dapat ang Department of Tourism, gumawa siya ng comprehensive na tourism program for Laguna. Gustong sabihin, [inaudible] lahat.

Halimbawa, kung ako turista, ba-biyahe ako galing Manila papunta dito, dapat alam ko na marami akong puwedeng puntahan tapos i-package na. Halimbawa, sabi ko nga ‘yung mga– hindi lang Pagsanjan Falls ang sadya, pero pupunta din sa Lumban 'yung mga nagbuburda, gusto 'yan ng mga turista. 'Yung sa Paeta na nagwu-wood carving, 'yung sa Liliw na mga tsinelas, 'yung sa Caliraya, puwedeng puntahan, 'yung Villa Escudero, puwedeng puntahan, pero dapat komprehensibo 'yung programa. Pag sinabi nating komprehensibo 'yung programa, ang gagawin na lang ng turista, babayad siya pero asikaso na lahat, mag mula sa Metro Manila. Kasi, kung hindi, kung kanya-kanyang kayod para lang makapunta, kaunti 'yung pumupunta.

So, 'yung po 'yung aasikasuhin natin kasi ang makikinabang hindi lang 'yung mga bangkero, ang makikinabang buong komunidad kasi pag maraming turistang pumupunta dito, nabubuhay 'yung industriya sa komunidad.

Ito po, 'yung turismo, isa siya sa mga priority areas ng administrasyon natin pag tayo ay nanalo. Bakit mahalaga?

[crowd applause]

Bakit po mahalaga 'yung turismo? Mahalaga 'yung turismo kasi sa turismo, karamihan ng sa mga nakikinabang, 'yung mga maliliit. 'Yung mga mayayaman, sila na lang magka-kapital, maggagawa sila ng mga resort. Pero, 'yung mga maliliit, gaya sa inyo mga bangkero, 'yung iba na mga maliliit na mga kainan, paminsan 'yung mga bed and breakfast kung maraming pupunta dito, 'yung iba-ibang mga souvenirs, mabubuhay 'yan lahat kung maraming pumupunta. Pag tiningnan po natin 'yung Boracay, pag tiningnan natin 'yung Palawan, pag tiningnan natin 'yung Siargao, nagsimula 'yan walang-wala. Pero dahil binuhusan siya ng tulong, ang nakinabang buong komunidad. Kaya ito po, priority natin.

Pero ang promise ko po sa inyo, ngayon kasing Vice President ako, puwede na nating gawin 'yung pantawid, 'yung sustainable livelihood program. Sabi ko po puwede kaming magbigay ng mga bangka kasi marami na pala sa inyo, wala ng mga bangka, o kung ano pang mga kailangan.

[crowd applause]

Kagaya po ng sabi ko, itong programa namin, in-expand lang po namin ito sa Luzon, lalo na sa mga malalapit sa Manila, hindi lang po Laguna, pero pati Rizal saka Bulacan, kasi dito talaga marami 'yung tinamaan. So 'yung programa po namin na Visayas and Mindanao, nag-focus na kami dito mula 2020 kasi marami talaga 'yung maliliit na negosyo, nagsara. Lalo na, halimbawa, 'yung mga kainan na malapit sa mga paaralan, nagsara 'yun lahat, so tumutulong po tayo para makahanap sila ng bagong hanapbuhay.

So, ang promise ko po sa inyo, 'yung sustainable livelihood puwede na kaagad asikasuhin, pero 'yung programa sa turismo, pag tayo po ay pinalad, gagawa tayo ng maayos na tourism program para sa Laguna, para marami 'yung–

[crowd applause]

Ang dami magagandang lugar dito sa inyo. Ang daming puntahan sa Laguna pero hindi masyadong napu-promote, di ba? Kaunti 'yung nakakaalam sa Laguna, lalo na sa mga foreign tourists. So dapat mai-promote natin na pagpumunta ka dito, marami kang puwedeng makita at marami kang puwedeng gawin.

'Yung mga kailangan, halimbawa 'yung kung meron pang mga kalsada papunta doon sa mga lugar na hindi pa maayos, kailangan ayusin, 'yung mga training para sa mga tourism workers, kailangan gawin, 'yung lahat na mga support services, kailangan gawin, pero dapat may maayos na plano, ano po?

So, hindi po ako magtatagal, magpapasalamat ako sa paghintay niyo sa amin. Hindi ko pakakatagalan kasi tanghali na, nakakahiya naman sa inyo, mainit pa naman.

CROWD: Okay lang, Ma'am.

VP LENI: Pagkagaling po dito, papunta po kami ng Calamba, pagkatapos po ng Calamba ay may rally mamaya sa Santa Rosa. So, ewan ko lang kung sisipagan pa kayo. Pero kung sisipagan kayo, imbitado po kayong makiisa sa rally. Pero sa pagbigay ko lang po sa inyo ng– pagbigay lang po ng ideya kung anong klaseng pamahalaan 'yung ipapasunod natin. Parehong-pareho po ng ginawa namin sa Office of the Vice President, 'yung tinatawag na "Laylayan ang magiging bagong sentro.”

'Yung sa amin po, ang mga dati nang nakakaangat hindi naman natin 'yun kalaban. Pero ang ginawa po namin sa Angat Buhay Program sa Office of the Vice President, nagbibigay kami ng inspirasyon sa mga mayayaman na tumulong sa mga mahihirap. Kami po 'yung gumagawa ng mga programa, binebenta namin sa kanila na tumulong sila. Ito po ang nakita po namin, marami namang mayayaman na gustong tumulong. Kaya po nagagawa namin 'yung programa kasi 'yung kaunting pera namin nadadagdagan 'yun ng pera ng mayayaman pero kahit gumastos sila, masaya pa din sila kasi nakatulong sila.

Pero kung hindi kasi natin gagawin na inspirasyon 'yung pamahalaan, nagkakanya-kanya. Pag nagkanya-kanya, lugi 'yung mga maliliit, di ba, kasi dehado talaga sila. Pero kung ang klase ng komunidad, ang klase ng pamahalaan na ilalagay natin nararamdaman ng mga mayayaman na may responsibilidad silang tumulong, nakakaangat 'yung mga maliliit. 'Yung Angat Buhay Program po– ang iba sa inyo pamilyar na sa Angat Buhay Program natin. 'Yung Angat Buhay Program natin ganoon kaya po tayo nakakatulong.

Marami po tayong mga pabahay. Ang mga pabahay natin mga libre, walang bayad 'yung titira pero libre dahil galing 'yun sa pera ng private sector. Hindi 'yun galing sa pera ng pamahalaan. Bakit natin 'yun nagagawa? Bakit po natin 'yun nagagawa? Kasi tinitiwalaan tayo ng private sector. Alam nila na 'yung tulong na binibigay nila mapupunta sa nangangailangan. At 'yun po 'yung sinasabi natin na gobyernong tapat, angat buhay lahat. Kasi lahat– pag mal– pag walang kupit, may tiwala ang tao.

Pag wala pong korapsyon, may tiwala ang tao. Kaya po 'yung iba po sinasabi, masyado daw tayong elitista kasi maraming mayayaman na tumutulong. Pero pag tiningnan po nila 'yung programa natin, ang tulong ng mayayaman mahihirap 'yung nakikinabang. Kaya dapat 'yung inspirasyon at dapat ang mayaman inspirado silang tumulong. Kasi kung pera lang ng gobyerno, laging kulang. Pag pera lang ng gobyerno laging kulang pero pag ang mayayaman tumulong, marami tayong puwedeng gawin. Pero tutulong lang po ang mayayaman kung alam nilang hindi kurakot 'yung nakaupo.

Kasi pag hindi malinis ang record ng nakaupo, hindi naman sila gaganahan na mag-ambag. Nakita niyo naman siguro sa kampanya ngayon. Kampanya natin ngayon kakaiba. Dati 'yung kampanya ang pinakamahalaga kung anong sinabi ng politiko. Ngayon po parang wala na kaming boses. Ngayon ang mahalaga anong sinabi ng tao. Dati 'yung lahat na plano nanggagaling sa amin pero ngayon baliktad. Ang lahat pong rallies natin, mga tao 'yung nagpaplano. Nakita niyo naman ang dami, dami, daming nag-attend ng rally.

At 'yun po– dati-dati pag nagra-rally, ang mga politiko kailangan humakot ng mga tao. Pero ngayon, wala tayong hakot. Ang daming taong nag-aattend, pero bakit ang daming nag-aattend? Abonado pa karamihan.

PERSON 1: Gagastos kami para sa iyo.

VP LENI: Dahil inspirado. Inspirado ang taong mag-ambag kasi alam niya na 'yung ambag niya, mapupunta sa tama. Kaya ganoon po 'yung aking pangako sa inyo. Ang pangako ko sa inyo, pag naging Pangulo ako babad ako sa komunidad kasi 'yun naman ang naging buhay ko. Ang paniniwala ko po, makakatulong lang tayo sa mga mahihirap pag ramdam natin 'yung hirap nila. Pero kung nasa– nakaupo lang tayo sa mga opisina natin na mga air-conditioned, bumabasa lang tayo ng mga papel, hindi natin nakikita kung anong hirap na pinagdadaanan. Pero pag tayo pumupunta, nakikinig, nararamdaman natin na kailangan umaksyon tayo kaagad dahil gaya ngayon, 'yung mga bangkero matagal na pala silang tengga. Ano, hindi ko malalaman kung hindi ako pumunta dito.

Kaya ayun po 'yung gagawin natin. Magkakaroon tayo ng mekanismo na 'yung mga namumuno laging nasa komunidad, laging nakikinig. Hindi lang 'yung mga report sa papel 'yung titignan kasi hindi na– ano ito, hindi naiintindihan kung gaano kalalim 'yung hirap na pinagdadaanan.

PERSON 2: Wala po kasi silang access sa national government, through the local government sana. Pero wala pong access kaya–

VP LENI: Babaguhin natin 'yun.

PERSON 2: Opo.

VP LENI: Babaguhin natin. Kanina po kausap ko 'yung mga magsasaka saka mga mangingisda sa Paete. Sinabi ko sa kanila na pag ako naging Pangulo, babaguhin ko 'yung istruktura. Kasi ngayon, pag nagre-report 'yung mga ahensya sasabihin lang nila ganito na ganito 'yung numero ng binigay namin na mga equipment. Ganito 'yung aming pinatayo na solar dryers. Ganito 'yung bingay namin na inputs o binhi o abono pero hindi naman sinusukat kung bumuti ba 'yung buhay ng magsasaka.

Ganoon po 'yung gagawin natin. Laging ang sukatan kung bumuti ba ang buhay noong pinaka nasa baba dahil kung hindi naman bumubuti 'yung buhay, nagsasayang tayo ng pera. Kaya ganoon po 'yung gagawin ko oras na umupo ako, na papalitan ko 'yung lahat na sukat ng effectivity o efficiency ng mga government programs. Hanggang hindi nag-iimprove 'yung buhay ng mga tao, hindi natin 'yun hahayaan na i– hindi tayo magbibigay ng pera sa ahensya kung hindi niya naman– hindi naman siya nata-translate sa pagbuti ng buhay. Kaya 'yun po 'yung aking pangako.

Pero maraming salamat sa inyo. Sana ang iba sa inyo makapunta pa din sa Sta. Rosa [inaudible] mamaya. Pero 'yung promise ko po sa mga bangkero natin, iwan ko sa inyo si Amy, ano. Lalakarin niya 'yung inyong pangangailangan.

Hindi na po ako magtatagal, maraming, maraming salamat.

[END]