< Back to Transcripts

Message of Vice President Leni Robredo Camarines Sur Grand Rally: Angat Buhay, Bicolandia! Magsaysay Ave., Naga City, Camarines Sur

May 6, 2022
Naga City, Camarines Sur
No items found.

Salamat. Magandang gabi sa inyong lahat! Magandang gabi, Naga! Magandang gabi, Camarines Sur! Magandang gabi, Bikolandia! Ano kaya kung aabot pa ang boses ko? Ilang oras na kayong nakatayo? Ilan? Grabe naman–10 hours? Bawal ang fake news. 12 hours daw– ibig sabihin, alas nuwebe [ng umaga] narito na kayo? Pero record breaking ang ating crowd ngayong gabi. Hindi ko alam kung nakita na ninyo ang mga drone shot, pero itong kahabaan ng Magsaysay, lumiko pa sa Panganiban. Mayroon din sa Dayangdang. Kahit sa Balatas, mayroon. Maraming salamat sa inyong lahat.

Alam ninyo, medyo iibahin ko ang aking speech ngayong gabi. Dahil narito ako kung saan ako ipinanganak, kung saan ako lumaki, at kung saan ako tumanda. Dito rin— Ano? Bikol dito. Kapag narito ako, mahirap managalog. Ibahin ko ang aking mensahe, dahil ito ay isang mensahe ng pasasalamat. Hindi lamang pasasalamat na narito kayo ngayong gabi, kundi pasasalamat sa matagal na panahong pagsuporta ninyong lahat sa aming mag-asawa. Marami sa inyong personal akong kakilala. Marami sa inyo, nakita ako nung bata pa ako. Marami sa inyo, nakasama ko sa aking paglaki: yung aking mga kaklase, yung aming mga guro, yung aming mga kapitbahay, yung aking mga kalaro. Nasaksihan ninyo kung paano ako lumaki. Simple lang naman. Pare-pareho lang naman tayo.

Nang napangasawa ko na si Jesse, doon mas dumami ang aking mga kakilala dahil sa kanyang trabaho. Karamihan sa inyo dito, nakilala ko nung si Jesse pa ang mayor ng Naga. Pero kung naaalala ninyo, kahit mayor na ang asawa ko ng Naga, nasa likod niya lang naman ako. Hindi n’yo naman ako masyadong nakikita. Hindi n’yo naman ako masyadong naririnig. Tumutulong lang ako sa tabi-tabi. Habang mayor si Jess, inaasikaso ko ang tatlo naming anak. Kahit si Aica, si Tricia, si Jillian, nakita ninyo silang lumaki. Ordinaryo lang naman kaming pamilya. Ang kakaiba lang sa pamilya namin, politiko ang aking asawa. Pero nakita ninyo na kahit politiko si Jesse, hindi nito naapektuhan ang pagpapalaki namin sa aming mga anak. Ordinaryo lang naman kami. Habang politiko siya, nagtatrabaho ako, nag-aaral, nag-aasikaso ng mga anak. Ako ang tagahatid-sundo sa mga bata sa paaralan. Nakikita ninyo ako dito sa Naga, ordinaryo rin lang.

Nang ako’y naging abogado na, ang una kong trabaho sa PAO, nakita ninyo ang aking paninilbihan, pero sa tabi-tabi lang. Nung lumipat ako sa Saligan, pareho ring sa tabi-tabi lang, tumutulong sa mga mahihirap sa buong Bikolandia. Pero nagbago ang takbo ng aming buhay nang mangyari ang aksidente sa aking asawa. Nung nawala sa atin si Jesse, iyon ang pagbabagong hindi natin inaasahan. Lahat tayo dito sa Naga. Kung naaalala ninyo, noong namatay si Jesse, malapit nang mag-eleksyon noong 2013. Ang dapat na kandidato namin noon, si Cong. Gabby Bordado. Bago mamatay si Jesse, iyon na ang usapan ng grupo. Ngunit noong last day of filing ng eleksyon, biglang nag-give way si Cong. Gabby Bordado, ako na ang itinutulak na maging kandidato. Nung ako napalaban sa Kongreso, alam ninyo kung gaano kahirap ang aking laban. Ang binabangga ko, makapangyarihang pamilya. Alala ko yung una kong laban, walo ‘yung LGU dito sa Naga, isa lamang ang aking kakampi. Sa dami ng mga barangay sa 3rd District sa Cam. Sur, mabibilang lang sa daliri ang kampi sa akin. Mahirap ang aking laban— hindi nga ako makapagrally nang mag-isa. Nararanasan ko lang umakyat sa entablado kung may sasamahan akong ibang kandidato dahil wala akong pera. Grabe naman, may nauuna sa aking magspeech dito sa ibaba, nalilimutan ko tuloy ang sasabihin ko.

04:17:02

Pero kahit na mahirap ang laban, hindi [natin] inakalang mananalo [tayo]. Pagdating ng eleksyon, landslide ang ating kapanaluhan. Doon natin nakita, doon natin nakita sa eleksyong iyong walang sinabi ang pera, walang sinabi ang makinarya, kapag nagkakaisa ang mga tao. Pero ang tao, ang ating leksyon, nagkakaisa lang kapag mataas ang paniniwala nila sa pinakikiisahan niya. Maswerte ako dahil ang aking sinundan ay ang mabuting pangalan ng aking asawa. Ang mabuti niyang pangalan ang naging dahilan upang magtiwala sa akin ang mga tao. Nang ako nag-Congresswoman, nakita ninyo ako, lalo na ang mga taga-Ikatlong Distrito dito. Nakita ninyo kung paano ako magsilbi. Simple rin lang naman. Mula Lunes hanggang Biyernes, nasa Kongreso ako. Tuwing Biyernes hanggang Linggo, narito naman ako sa distrito. Pinagdududahan pang shooting lang ang aking pagsakay sa bus pauwi. Pero kayong nakakakilala sa akin, alam ninyo. Marami sa inyo’y nakakasakay ko kada linggo. Ang ipinagtataka ko lang: Bakit kapag ang Congresswoman sumakay ng bus, hindi kapani-paniwala? Ganun ba talaga kahirap humanap ng politikong kahit naging politiko na ay ordinaryo pa rin ang pamumuhay? Nang nakunan ako ng litratong naghihintay ng bus, marami ang nagdudang palabas lang ito. Pero halos 95% of the time kapag umuuwi ako, nakabus ako pag-uwi, nakabus ako pabalik, hindi naman iyon issue.

Pero ang nakakalungkot, parang ibang-iba na ang politika dito sa Pilipinas. Parang kapag kayo naging politiko, ang inaasahan sa inyo, magarbo na inyong pamumuhay. Ang akala ko, nung ako ay kumandidato sa congresswoman, kapag nanalo ako, isang termino lang. Kaya nung ako naging congresswoman, palagi ko nang inaalok si Cong. Gabby. Sabi ko, “Sumama-sama ka na sa ‘kin  kasi one term lang ako, ikaw na ang susunod sa akin.” Sa hindi inaasahang dahilan, bigla akong naitulak upang kumandidatong Vice President. Sino ba naman ang mag-aakalang kaya kong kumandidatong Vice President? Congresswoman nga, nahirapan na ako, magba-Vice President pa? Pero naitulak ako dahil yun din ang ugali ng taga-Naga: laban lang kung may laban. Pero looking back, napakalakas pala ng loob ko. Dahil noong nagdesisyon akong magfile para Vice President, pang-anim ako sa anim na kandidato sa survey. Nagsimula tayo sa 1%, wala man lang pag-asa sa simula. Pero tulad ng lahat na ibinigay sa aking assignment at trabaho — wala sa aking maliit na trabaho, wala sa aking malaking trabaho — nang nangangampanya na, wala sa aking nakakakilala pero tuloy lang. Naalala ko noong nagsisimula pa lang ako, dadating ako sa grupo ng mga tao, pagtitinginan ako, magbubulungan, ang tanong, “Sino nga uli ‘yan?” Pero dahil sa sipag, dahil sa pagpapaabot ng mensahe ng klase ng pamamahalang pinaniniwalaan natin, pagdating ng eleksyon, nanalo tayo. Nagpapasalamat ako sa inyo dahil kahit napakarami naming mga Bikolanong naglalaban-laban para sa Vice President, napakalaki pa rin ng boto na ibinigay sa akin ng buong Bikol. Isa yan sa mga dahilan kung bakit tayo nagtagumpay.

Pero ang hindi ko inaasahan, nang naging Vice President ako, simula pa lang pala iyon ng pinakamahirap na chapter ng aking buhay. Pagkatapos ng eleksyon, kinasuhan na ako ng election protest, nandaya daw ako sa eleksyon. Kayong mga nakakakilala sa akin, maniniwala ba kayong nandaya ako? Pero dahil ang kalaban ay walang pagtanggap ng pagkatalo, yung buong anim na taon nasa receiving end ako ng maraming trolling, ng maraming bashing, ng kung ano-ano ang akusasyon sa akin. E kayo nga, ang iba sa inyong kilala ako, napapaaway din kadedepensa sa akin. Lagi nga akong sumasaway. Noong una hindi ko iniintindi dahil sabi ko, bakit pa ba naman idi-dignify ‘yung mga kasinungalingan? Pero paglipas ng ilang taon, mali pala ang ginawa ko— dahil pag paulit-ulit ang kasinungalingan, marami na ang naniniwala. Kayo na ang umalala kung ano ang mga binato sa aking akusasyon. Nagsimula sa pandaraya sa eleksyon, sunod lugaw, sunod lutang, sunod bobo, maraming boyfriend, buntis – sa edad kong ito, o, napagkamalan pa akong buntis – tapos ang pinakanakakatawa sa lahat, hindi ko raw unang asawa si Jess. Mayroon daw akong asawang nauna. Binibilang ko: Nag-asawa akong maaga, 22 anyos ako nang ikinasal ako kay Jess, sabi ko kung may una pa akong asawa siguro 15 anyos ako nag-asawa. Hindi pa nakuntento– yung unang asawa ko raw, NPA. Pero hindi pa diyan nagtatapos: Nang hindi nag-traction ang kwento, ang sunod na pinakalat, ako raw ang NPA. Kayong nakakakilala sa akin dito: Totoo ba ang mga akusasyon sa akin? Ngayon, ‘yung kaso, isinampa sa Supreme Court. Pinagdebatehan nang ilang taon. Nagbilangan ulit. Nagkaroong revision. Ipinanalo ko, 15-0, unanimous decision ng Supreme Court. Supreme Court na ang nagsabing walang dayaang nangyari — pero ang kasinungalingan, patuloy pa rin. Ano ang sinasabi nila ngayon? “Magbantay tayo dahil dadayain na naman tayo.” Noon daw, natulog lang sila, pag gising nila talo na sila. Bakit nga ba kasi natulog?

Pero ito ba ang klase ng mga public servants na gusto natin? Mga public servants na sinungaling? Pag eleksyon, manliligaw ng boto. Pupunta sa atin, magsasabing aasikasuhin ko ang Bikolandia, ipapababa ko ang presyo ng kuryente, matitigil ang brownout — pero ang sa akin lang, sa nagdaang ilang taon, napakaraming kalamidad ang pinagdaanan natin, ‘di ba? Kung ang sinasabi nilang mahal nila tayo, noong mga kalamidad, nasaan sila? Maraming nagdaang hamon: Mga bagyo, lindol, ‘di ba? Ang Mayon, nag-erupt. Kung anu-anong kahirapan ang nangyari sa atin— naisip man lang ba tayong silipin noong walang eleksyon? Pero ngayong eleksyon na, pupunta sa atin, magsasabing “Aasikasuhin ko kayo.”

Kaya ko ito sinasabi sa inyo dahil ganito pag eleksyon; marami ang nanliligaw. Lahat na lang pangako na papako— tabihan mo na kaya ako? Inuunahan mo na ang sinasabi ko— Lahat na lang pangako, pero kapag nagsiupuan na wala naman. Sino ang dapat nating paniwalaan? Ang paniwalaan natin, ‘yung may track record. Sino ba sa mga nagpupunta sa atin dito at nanghihingi ng suporta ang may eleksyon, walang eleksyon, kasama natin? Sino sa mga nanghihingi sa atin ng tulong, pag nagsabing mahal niya ang mga nasa laylayan, mayroong track record na nagpapakitang mahal nila ang mga nasa laylayan? Ang aming opisina, sobrang liit ng budget. Pero bawat krisis na nangyari dito sa atin, nandito rin kami. Halimbawa: Nang nag-Typhoon Rolly at Typhoon Ulysses. tatlong housing projects ang ginawa natin dito sa Bicol Region — isa sa Guinobatan, isa sa Lupi, isa sa Sagñay. Lahat ng iyon, libre, walang babayaran ang titira. Kongkretong mga bahay. Papaano namin itong nagagawa? Private funds ang pinanggalingan. Pero nagagawa namin iyan dahil malaki ang tiwala ng tao sa aming opisina. Dahil kung wala namang tiwala, bakit pa kami tutulungan?

Pero paano namin napalaki ang tiwala? Dahil inayos namin ang trabaho. Nang ako naupong Vice President, ang una kong ginawa: Nag-ISO certification kami sa Office of the Vice President, para according to international standards ang pagpapatakbo ng opisina. Pangalawa, alam n’yo na ito, taon-taon nakukuha namin ang pinakamataas na COA audit rating. Hindi na kami ang nagsasabing matino ang aming opisina, kundi COA na. Pag ang gobyerno ipinapakita sa tao na pwede siyang pagkatiwalaan, ang tao mas ganadong tumulong. Ano pa ba ang dahilan kung bakit lahat kayo, nagiging abonado sa gastos dito sa eleksyon? Nakita ko, kahapon pa, abalang-abala na ang mga maglalagay ng libreng pagkain— ano kaya kung may tira pa, meron pa? Maraming nag-ayos ng libreng pagkain, may mga nag-offer ng libreng sakay, may mga kung anu-anong idinonate hindi lang ngayon pero sa lahat ng activities. Ang mga t-shirt, tingnan ninyo, maraming naka-t-shirt na iba-iba ang disenyo– kanya-kanyang paprint, kanya-kanyang bili. Doon sa ating headquarters sa Carmen Hotel, mayroon na tayong pink store dahil napakaraming creations na ginagawa. Nakita n’yo, napakaraming gumagawa ng mga paintings, maraming mga mural, maraming mga kanta na kinocompose, maraming mga entertainers ang nagvo-volunteer nang walang bayad — bakit sila ganadong tumulong? Dahil nagtitiwala sila na ang tinutulungan nila, hindi sila ipapahiya.

Ang pinagdadaanan natin ngayon, hindi lang simpleng eleksyon. Hindi lang ito simpleng laban ng mga kandidato natin para presidente at bise presidente. Ang eleksyon na ito ang magpapasya kung saan tutungo ang ating bayan sa susunod na anim na taon. Alam ninyo na ang uri ng pamamahala at uri ng pulitikang inaalok ko at inaalok ng aking kalaban, magkaibang-magkaiba. Iyan ang pagdedesisyunan natin. Ano bang klase ng pamamahala o pulitika ang gusto nating mangyari? Dito sa Naga, sa loob ng napakatagal na panahon, naipakita natin na pag malinis ang pamamahala, tao ang nakikinabang. Noong nabubuhay pa ang asawa [ko], napakaraming mga pagbabago’t programa na ini-roll out dito sa Naga. Dito sa Naga, hindi nagpapamana ng puwesto. Dito sa Naga, may mga nag-attempt bumili ng boto– pero lahat ng nag-attempt bumili ng boto, natalo sa eleksyon. Ang pakiusap ko sa inyo ngayon: Sana panatilihin natin ito. Na ang pagdesisyon natin sa eleksyon, hindi dahil sa pera— dahil oras na payagan natin dito sa Naga na maging perahan na lang ang eleksyon, hindi na tayo makakaasa na ang ating mga public servants magiging matino pa rin dahil magastos na. Dito sa atin sa Naga, kahit wala kang pera, pwede kang manalo sa eleksyon. Iyan ang ipinagmamalaki natin. Pag tayo nabigyan ng pagkakataong maglingkod sa national, isa yan sa mga gagawin natin para linisin ang ating gobyerno. Kaya natin sinasabing gobyernong tapat, angat buhay lahat — dahil kahit anong pangako aayusin ang buhay ng mga nasa laylayan, hindi yan mangyayari kung ang gobyerno hindi matino at mahusay. Kaya ang aking pakiusap ngayon: Sana patuloy nating ilaban itong nasimulan natin sa Naga, para mahawaan ang buong Pilipinas. Nagpapasalamat ako sa inyo, dahil mula noong nag-announce ako, abalang-abala na kayo. Marami sa inyo, sinimulan sa palugaw; nagmo-motorcade; nagha-house-to-house. Ano pa— ano pa ang ginagawa ninyo— nakikipag-away sa Facebook? Ano ‘yan— Bardagulan? Wag na kayong magbardagulan!

Minsan nasa iba akong lugar, nangangampanya ako, may mga taga-Naga na andoon sa mga rally. Tatanungin ko, bakit nagpunta kayo dito at dumayo para mag-attend ng rally? Gusto kong iparamdam sa inyo na sobrang lumalakas ang loob ko dahil naririyan kayo sa likod ko. Alam nating lahat kung gaano kahirap ang laban na ito. Ang ating binabangga, mistulang pader– pader na pinatitibay ng malalaking pulitiko. Iyan ang binabangga natin ngayon. Pero kahit ganyan, malakas ang loob ko. Malakas ang loob ko na kahit anong lakas ng kanila pulitika, ng kanilang makinarya, kahit anong ikinarami ng kanilang pera, wala ‘yang sinabi — dahil ang wala sa kanila, kayo: Na mga volunteers na handang magsakripisyo, mga abonado, pagod na pagod, nakatayo nang twelve hours, pero andiyan pa rin. Nakikita n’yo naman siguro sa Facebook ang sipag ko, ano? Talagang masipag ako. Kagabi, nasa Prosperidad, Agusan del Sur ako, dahil nandoon yung rally. Nagising akong maaga, dumiretso sa Sorsogon; galing Sorsogon nagpa-Legazpi; andito na ako ngayon. Bukas nasa Tarlac ako, nasa Pampanga; pagsapit ng gabi, Miting de Avance. Kahit wala na akong boses, sige lang. Tanong ng iba: Napapagod ka ba? Napapagod din naman. Pero pag nakikita ko na kayo, sa inyo ako humuhugot ng enerhiya. Kayo ang nagbibigay sa amin ng lakas. Gusto kong magpasalamat sa ating mga local leaders, na sila ring nagpapalakas ng ating loob. Andito ang ama ng ating siyudad, si Mayor Nelson Legacion; Vice Mayor Nene De Asis, at ang buong Team Naga; nandito si 3rd District Representative Gabby Bordado; kasama rin natin, 4th District Representative Arnie Fuentebella; kasama natin ang ating gubernatorial candidate, Nonoy Andaya; ang ating vice-gubernatorial candidate, JJ Pilapil, aking inaanak sa kasal; nandito rin po sa— nandito rin po sa taas ang aking mayor, mayor ng Magarao, Yipyip Señar; nandito rin ang mga representatives ng Agri Partylist, si Wilbert at Cong. Delph Lee.

Pag nakikita ko kayo sa Facebook: Sobrang sisipag ninyo. Kaya nagpapasalamat ako. Sino dito ang mga taga-Naga? Sino ang mga taga-third district na labas ng Naga? Sino ang mga taga-first district? Mga taga-second district? Mga taga-fourth district? Mga taga-fifth district? Mayroon ba ditong hindi taga-Camarines Sur? Taga-saan kayo? Ha— Ano? Sorsogon? Camarines Norte, may mga taga-Camarines Norte, may mga taga-Sorsogon. O, Camarines Norte din, Daet daw. Taga-Manila? Bakit pumunta dito, bukas ang rally natin sa Manila. Ayan, Romblomanon for Leni, mga taga-Romblon. “Proud anak ng magsasaka for Leni-Kiko”— ang dinig ko, narito dito ‘yung mga Omasenso farmers na partner ng aming opisina, nariyan daw sila sa diyan sa may Balatas. Narito rin yung aking mga schoolmates sa Universidad de Santa Isabel. Nandito rin yung mga taga-University of Nueva Caceres. Andiyan din ‘yung mga taga-Naga College Foundation. Ano pang ibang mga paaralan ang nandito? Ano ‘yan— Ateneo de Naga. Ano pa? UNC? Sinabi ko na. Ano? Parang andami nang eskuwelahan– lahat ng mga eskuwelahang nandito– ano ‘to, Partido State University? Partido State University. Gusto ko din batiin: Kasama po natin ngayong gabi ang ating minamahal na Archbishop, Archbishop Rolando Tirona– nandiyan sa tabi– at ang ating mga kaparian, maraming salamat din sa kanilang suporta, napakalaking tulong po para sa amin.

SBAP Choir for Leni-Kiko, maraming salamat. College Students for Leni-Kiko. Ocampo— ah, yung may mga star-star daw, Ocampo. Kumusta po sa mga taga-Ocampo. Hindi ko alam kung napapanood pa tayo ng mga nasa Panganiban, sana oo pa— ang alam ko po, may sampung LED screens, hindi ko alam kung lahat ng sulok na may tao nalagyan, pero sana napapanood n’yo pa kami. Ano ‘yan— Meteorologists for Leni-Kiko, Mga Angkas na Nagbibigay Pang-Gas for Leni, maraming salamat. “Geology Majors for Leni-Kiko.” “Sa inyo ang boto ko Ma’am Leni. By the way, kumain na po ba si Donny?” “Accountancy Students for Leni,” “Mga Hindi Pa Tapos ang Thesis Proposal for Leni-Kiko,” “Deserve naming mga taga-Partido Coastal Area ang picture kasama si Nanay Leni” – malayo ang uuwian. Ano ‘yan? Ah, papirma — mamaya ko pipirmahan. “Social Studies Major Students for Leni,” “Bunsong Anak Pero Hindi Paborito for Leni-Kiko” — hoy, hindi naman totoo ang mga paborito, lahat ng anak paborito ‘yan. “Mga Uhaw sa Good Governance for Leni,” “Kung Form of Art ang Photography, Sayang Naman if Wala Tayong Selfie,” “Chemist-in-the-Making for Leni-Kiko,” “DECA Pababayaan ni Leni,” “Single Engineers for Leni,” “May 9 na ang Pinas sa Lunes,” “Babae naman ngayon sa unahan,” “SALIGANers for Leni” — mga kaopisina ko! “Mga Dyosa for Leni,” “Isang selfie lang po with VP Leni” – mamaya. “President Leni, pwede po ba kayong maging ninang sa kasal?” Kayo ang bride at groom? Kailan ang kasal ninyo? Kailan? Ah, December. Sana all!

Pero may pakiusap ako sa inyong mas malaki. Sa bawat Leni na boto, huwag kalimutan, Kiko Pangilinan. Huwag pong kalimutan ang ating mga Senatorial candidates: Congressman Teddy Baguilat; ang ating kababayan, Senator Leila de Lima; Dean Chel Diokno; Senator Dick Gordon; Senator Risa Hontivers; Attorney Alex Lacson; Attorney Sonny Matula; Senator Sonny Trillanes. Ang pakiusap ko po, pareho ng lagi nating ginagawa: Ubos kung ubos, lahat kung lahat – para kung tayo ay suwertehin, magaanan din tayo sa trabaho. Maraming salamat po sa inyo. Mag-ingat po kayo. Mahal ko kayong lahat.