< Back to Transcripts

Message of Vice President Leni Robredo Barako Para Kay Leni-Kiko Catalina Lake Shore Residences, Bauan, Batangas

April 30, 2022
Bauan, Batangas
No items found.

VP LENI: Magandang gabi, Batangas! Kumusta kayo? Maraming salamat. Bago po ako magpatuloy, ang akin lang pagbigay galang sa nag introduce po sa akin, alam niyo po magkabarkada kmai sa Kongreso dahil po magkaklase kami, magkatabi pa po 'yung opisina namin sa house of representatives, palakpakan po natin Congressman Ranie Abu ng District 2.

Gusto ko din pong magpasalamat sa mga opisyal ng inyong lalawigan. Senator Ralph Recto, Congressman Vilma Santos-Recto ng District 6, Vice Governor Mark Leviste. Kasama din po natin ngayong gabi, Congressman Rico Geron ng AGAP Partylist saka Congressman Mike Rivera ng One Care Partylist.

At maraming maraming salamat po  sa ating Fifth District Congressman Marvey Mariño. Maraming salamat po sa mga kasama natin na mga board members ngayong gabi. Nakita ko na po sa likod, Board Member Jess De Veyra ng District 4. Nandiyan din po si Board Member Junjun Rosales ng District 1. Nandiyan din po si Board Member Wilson Rivera ng District 2. 'Yung iba po hindi ko pa nakikita pero kung andito po kayo, maraming maraming salamat.

Nagpapasalamat din po ako sa mga mayors na kasama po natin dito ngayon dahil po marami sila, hindi ko po maiisa-isa. Pero ise-special mention ko lang po ang ating host mayor, Mayor Ryan Dolor ng Bauan at ang kanya pong may bahay  si Ma'am Wenda Dolor. Maraming salamat po.

At mag se-special mention din ako, nakita ko po sa likod si Mayor Larry Alvarez ng Tingloy. Sabi niya po maraming mga taga Tingloy dito. Alam ko po na island municipality ito at mahirap pumunta, pero pumunta pa din kayo kaya maraming maraming salamat po sa inyo.

Nagpapasalamat din po ako, sinamahan po ako nito mula pa kaninang umaga noong nag umpisa po kami sa Nasugbu, former Congressman Tom Apacible, maraming maraming salamat po. Nagpapasalamat din po ako sa ibang mga local officials na andito po ngayong gabi. 'Yung atin pong mga vice mayors, mga councilors, mga barangay captains at iba pang mga barangay officials, maraming maraming salamat po sa lahat na tulong at sa pagsama po sa atin sa rally nating ito.

Pasalamat din po tayo sa ating provincial coordinator, Vice Mayor Noel Cantos, maraming maraming salamat. Ang biro ko ka Vice Mayor puwede na siyang matulog mamaya dahil alam ko na kayong mga nag asikaso ng rally, mga ilang gabi na din na hindi natutulog. Maraming maraming salamat.

Maraming salamat din ka Attorney Jerry Marasigan. Maraming salamat po sa RPC Batangas, sa pangunguna ni [Mr. Luis Macailao]. Maraming salamat po sa RPc Bauan. Maraming salamat sa Youth for Leni. Maraming salamat sa Solid Leni Pilipinas - Batangas. Maraming salamat po sa Doctors for Leni, Lawyers for Leni, iba-iba pang mga grupong  nandito, Kasambahays for Leni. Lahat ng mga grupong tumulong sa atin para po maisakatuparan natin ang gabing ito. Sa inyo po, maraming maraming salamat muli.

Alam niyo po, kukunin ko din 'yung pagkakataon magpasalamat sa inyo dahil noong ako po kumakandidato bilang Vice President, isa sa pinaka malaking dahilan kung bakit po ako nanalo ay ang Batangas. Napakalaki po, napakalaki ng botong nakuha ko dito sa inyo kaya maraming maraming salamat. Ang tanong ko kanina, kaya ba nating ulitin 'yun?

[crowd cheers]

CROWD: Uulitin!

VP LENI: Ayan grabe 'yung promise dito, dodoblehin daw. Kaya niyo ba 'yun? Ayan. Alam niyo–

CROWD: Panalo ulit!

VP LENI: Maraming salamat. Pero alam niyo po, noong una kong prinisinta 'yung sarili ko sa inyo, walang wala pa pong nakakakilala sa akin. At wala pa akong masyadong track record na ipapakita sa inyo, kaya po doble ang aking pasasalamat dahil kahit wala pa akong masyadong nai-presinta noon, napakalaki na ng tulong niyo sa akin.

Pero ngayon pong bumabalik ako, ngayon pong bumabalik ako, mas malakas na 'yung loob ko. Malakas po 'yung loob ko dahil matitingnan ko po kayo mata sa mata, masasabi ko po sa inyo, hindi ko sinayang 'yung tiwala na binigay ninyo sa akin noong 2016.

Ako po, lahat na sakuna na nangyari dito sa Batangas, ako po personal na andito. Lahat na bagyong tumama nandito po ang aming opisina. Noong lumindol, nandito po ang aming opisina. Noong pumutok 'yung bulkang Taal noong 2020, nandito po 'yung aming opisina.

Noong nag pandemic, noong nag pandemic po napaka steady ng presence namin dito. Iba iba po 'yung tulong na ating binigay. Mula sa PPE sets para sa ating mga frontliners hanggang sa financial assistance sa mga nagkakasakit, hanggang pag provide ng mga ambulansya, hanggang pagpadala ng Covid Care Kits, hanggang pagbigay ng mga bakuna, ng mga swab kits, hanggang pag tulong sa hospitalization nandito po ang aming opisina buong dalawang taon na nasa pandemic tayo.

Hindi lang po 'yun– hindi lang po 'yun. Marami po kaming proyekto kahit hindi pa nagpa-pandemic na biniba dito sa inyo. Ang katunayan po, noong ni-launch pa lang po namin 'yung Angat Buhay Program noong 2016, may isang bavan po sa Batangas na naging pilot area namin kaya binalik-balikan po namin. 'Yun po 'yung bayan ng Taysan. Hindi ko alam kung merong mga taga-Taysan dito, pero ang Taysan po, 'yun 'yung pinakaunang area po natin dito sa Batangas.

Pero sa loob ng anim na taon, iba-ibang mga proyekto 'yung dinala natin. Marami po  tayong mga livelihood program sa iba't ibang mga bayan. Meron pong mga programa para sa mga magsasaka. Merong mga programa sa mangingisda. Meron pong mga programa sa mga nawalan ng hanapbuhay noong pandemic. Meron po tayong health programs. Meron tayong education programs, at marami pang iba.

Pero bakit ko po ito sa inyo kinukwento? Dahil po pag panahon ng eleksyon, maraming kandidatong susuyuin kayo. At 'yung mga kandidatong susuyuin kayo, marami 'yung ipapangako sa inyo. Lahat po kami magpi-prisinta ng aming mga programa. Marahil narinig niyo na po 'yung mga programa namin dahil pangatlong balik ko na po ito sa Batangas ngayong campaign period.

Kung napapansin niyo po, hindi lang po ako 'yung nagbabalik-balik dito, pero po pati 'yung mga anak ko, nandito po sila sa likod. Baka gusto niyo magpakita? Ayan, si Aika, si Tricia, saka si Jillian. Sila po 'yung aking mga bodyguards. Dito kayo, sa may tabi ko. Ayan, 'yung mga anak ko po pabalik-balik din dito sa Batangas, sinusuyod po namin 'yung mga bayan-bayan dito.

Ngayon lang pong pangatlong balik ko, galing po kami– nag-umpisa kami sa Nasugbu, pangalawa po pumunta kami sa Tuy, lumipat po kami sa Lemery, lumipat po kami sa Taal, lumipat kami sa Santa Teresita, lumipat po kami sa Lipa, lumipat kami sa Batangas City, at ngayon nasa Bauan na kami.

Pero bakit po sinusuyod namin? Hindi po kami nakukuntento na isang malaking rally lang, gaya nito, dahil may mga kababayan po tayo, lalo na 'yung nasa malalayong mga bayan, hindi makakapunta dito sa Bauan. Gusto po naming iparamdam sa inyo na ganito 'yung aasahan niyong pamahalaan namin ni Senator Kiko.

Gobyerno 'yung lalapit sa inyo. Hindi kayo mahihirapan humingi ng tulong dahil sisiguraduhin namin na may mga programa tayong naka-abang sa lahat na klaseng pangangailangan na meron kayo.

Bakit po ito posible? Dahil nagawa na namin ito sa Office of the Vice President. Naipakita na po namin na pag ang gobyerno tapat, napapangalagaan 'yung pondo ng taumbayan. Pag walang korapsyon, lahat na pera ng taumbayan mapupunta sa pagtulong sa ating mga kababayan. Pag walang korapsyon, tiwala ang tao sa kanyang gobyerno.

Ganyan po kami sa Angat Buhay Program. Kahit po napakakaunti lang ng pondo ng aming opisina, marami po kaming natutulungan dahil wala kaming korapsyon. Marami sa aming tumutulong na mga private sector dahil alam nila na 'yung tulong nila, papangalagaan din namin at makakarating sa mga pinaka nangangailangan.

'Yun po 'yung gustong sabihin ng "gobyernong tapat, angat buhay lahat." Ito po, sa amin hindi lang pangako, pero meron na kaming resibong pinapakita dahil 'yun na po 'yung inumpisahan namin sa Office of the Vice President.

Pag sinabi po naming ayaw namin sa korapsyon, tingnan niyo po 'yung mga kasama ko sa likod mag mula kay Senator Kiko, pati po 'yung mga kandidato natin, nandiyan po si Senator Sonny Trillanes, nandiyan si Attorney Sonny Matula, nandiyan po si Senator Risa Hontiveros, nandiyan si Attorney Alex Lacson, nandiyan po si Dean Chel Diokno, nandiyan po si Senator Leila De Lima.

Ayun, nandiyan si Congressman Teddy Baguilat, nandiyan po si Senator Dick Gordon. Sino po 'yung hindi ko napapangalanan? Tapos na, di ba? Saka si Senator Kiko Pangilinan. Tingnan niyo po kaming lahat, sa panunungkulan ba namin nadawit na ba 'yung mga pangalan namin sa korapsyon? Wala. Wala po kayong mahahanap, ni minsan, na nadawit 'yung pangalan namin sa korapsyon.

Ang katunayan po, ang Office of the Vice President, sunud-sunod na taon nakukuha po namin pinakamataas na COA audit rating. Hindi lang po kami ang nagsasabi na galit kami sa korapsyon, COA na mismo nagpapakita na malinis ang aming proseso sa pagbibigay ng serbisyo sa tao.

At ang pakiramdam ko po, lahat tayo nangangarap na ang ating pamahalaan ay maging malinis. Lahat tayo nangangarap na tayo lahat magiging proud tayo sa ating pamahalaan. At tingin ko po, 'yun 'yung dahilan kung bakit nandito kayong lahat: para iparamdam na nasa kamay ninyo ang tunay na kapangyarihan. Kayo 'yung magsasabi kung sino 'yung gusto niyong manungkulan dahil kayo, bahagi ng pamahalaan.

Kaya po nagpapasalamat kami sa inyo. Nagpapasalamat po kami sa inyo kahit po pabalik-balik na kami sa Batangas, kahit napakarami na naming bayan na napuntahan, napakarami pa ding sumama sa atin ngayong gabi dito sa Bauan.

Isa na yata ito sa pinakamalaki na mga rally ng aming grupo, kaya po maraming salamat sa inyo. Binibiro ko po si Cong. Ranie kanina, sabi ko: grabe ang Batangas, talagang nagpapasikat ang Batangas. Sabi niya: Eh ganyan talaga ang mga barako, talagang mawala na yaman, huwag lang ang yabang.

[crowd cheers]

Pero, di ba, pag nasa tama naman, tama lang naman na mag-yabang. At ngayong gabi, talaga namang nag-yabang ang Batangueño. Talagang pinapakita ng Batangueño na basta pagmamahal sa bayan, handang handa kayong lumaban.

Nagpapasalamat din po ako sa mga kaparian ng Batangas. Kanina po, noong dumaan kami sa Taal– Ano 'yun, medic? Medic. Bigyan lang po ng daanan. Okay na ba? Meron na, meron na pong papunta. Bigyan lang ng tubig, bigyan ng daanan.

Ayan, gaya po ng sabi ko kanina, nagpapasalamat po ako sa mga kaparian ng Batangas dahil kanina pong dumaan kami sa Taal, inendorso po kami ni Senator Kiko, 118 na pari ng Archdiocese of Lipa. Ang sabi po nila: handa sila sa anuman na ibato sa kanila dahil alam nila na ang ipinaglalaban natin, ang katotohan saka kabutihan. Kaya po sa inyong lahat, mga Batangueño, maraming, maraming salamat ulit.

Mula po bukas, pitong araw nalang ang natitira para magkampanya. Alam ko marami na kayong sakripisyo 'yung mga nagdaang araw. Pero ang pakiusap ko po: ihirit na po natin 'yung lahat ng ating makakaya para makakumbinsi pa. Kaunting tumbling na lang, mananalo na tayo kaya ipaglaban na po natin. Kaya po Batangas, ipanalo na natin ito! Maraming salamat.

[END]