< Back to Transcripts

Message of Vice President Leni Robredo at the Campaign Kickoff in Tigaon Tigaon, Camarines Sur

February 8, 2022
Tigaon, Camarines Sur
No items found.

[START] *Bikolano translation in yellow highlight

[Bikolano 00:43 – 03:02] Magandang hapon sa inyong lahat! Okay lang kayo? Kahit mainit, okay lang? Hindi ko na papahabain pa dahil siksikan tayo, kaya madali lang ang aking mensahe. Una, nagpapasalamat ako sa ating boss, Congressman Arnie Fuentebella. Nasaan na daw si Cong. Arnie? Nasa likod. Maraming salamat kay Cong. Arnie. Kasama ko si Governor Nonoy Andaya. Kasama ko po si Vice Governor JJ Pilapil, at siyempre, ang paborito kong mayor dahil babae at partner namin sa mga programa, Mayor Chiqui Fuentebella. Nasa likod po si Mayor Chiqui. Narito po si Mayor Marcel Pan ng Goa. Narito si Mayor JB Pilapil ng Lagonoy. Narito po si Mayor Jovi Fuentebella ng Sagñay.

Narito po si Mayor Alicia Deleña ng Presentacion. Mayor Nelson Bueza ng Garchitorena. Mayor Malyn Co— hindi kami nagkita ni Mayor Malyn. Mayor Malyn Co ng Caramoan. May mga kasama rin po tayong fifth district mayors: Mayor Lyn Lazarte ng Baao, Mayor Margie Aguinilo ng Buhi. Kasama rin po natin si Mayor Madel Alfelor na tatakbo bilang congresswoman sa fifth district ng Camarines Sur. Gusto rin nating pasalamatan si Atty. Bebot Buelva at ang Solid Leni Bicol dito sa Partido. Fr. Danilo Vargas, maraming salamat po sa pagpapahiram sa atin sa grounds ng Parish of St. Claire Assisi. Ang atin pong mga board members: Board Member Awel Llaguno at ang ating Board Member Eugene Fuentebella. Siyempre po, ang aking partner, Senator Kiko Pangilinan, ang susunod na Vice President.

[Bikolano 03:05 – 03:53] Una po sa lahat, gusto kong magpasalamat. Hindi ko inaasahang ganito kayo karami. Akala ko po, wala na masyadong darating dahil nalibot na namin. Sabi ko, siguro nadaanan na namin, kaya hindi na darating ang iba. Ngunit nabigla ako pagdating ko kasi narito kayong lahat. Kaya maraming salamat. Salamat, Cong. Arnie sa labis na pagsuporta at pagtulong. Ngayon po, siguro tatanungin natin ang mga sarili natin, “Bakit po ba napakadesidido tayo ngayon? Bakit po ba napakadesidido natin sa Presidential elections ng 2022?” Marami nang eleksyon ang lumipas. Hindi naman tayo ganito kadesidido, hindi ba?

[Bicolano 03:55 – 04:48] Siguro, hinuha ko lang ha. Siguro, napakadesidido tayo dahil meron tayong pagkakataon na isang Bikolana ang puwedeng maging Presidente ng ating bansa. Pero ang pagiging President hindi lang ‘yan simpleng paghawak ng kapangyarihan. Ang pagiging Presidente, dapat maramdaman ng pinaka-nasa laylayan ng ating lipunan. Sa matagal na panahon, ipinakita ko ang klase ng pamamahala at klase ng politikang ating pinaniniwalaan. Ito po ang klase ng pamamahalang maayos, matuwid, masipag, seryoso sa trabaho, para nagagampanan ang lahat ng obligasyong ibinigay sa kaniya.

[Bikolano 04:50 – 05:41] Pinaniniwalaan din po nating ang politika ay hindi naman talaga masama. Marami sa ating nagsasabing, “Kapag politiko, masama.” Aray ko. Ang politika ay puwedeng gamitin sa kabutihan. Ipinakita po natin ito sa maikling panahong ibinigay sa atin upang makapagsilbi noong tayo ay congresswoman ng third district ng Camarines Sur. Ngayon po, ako ay Vice President. Ang ipinakita ko pong klase ng pamamahala na ang pinakainiisip ang mga nasa laylayan. Pahintulutan niyo po akong mag-Tagalog nang konti dahil hindi tayo naiintindihan ni Senator Kiko. Alam niyo po, si Senator Kiko, Kapampangan. Meron lang siyang konting Bicol na nalalaman.

Pero 'yung sa atin po, anong klaseng aral 'yung napulot natin? Una, noong 'yung asawa ko 'yung naging politiko. Noong siya ay nawala sa atin ako naman 'yung nagsilbi sa bayan. Ang aral pong napulot ko, 'yung masamang klase ng politika, kayang-kaya nating palitan ng isang matino at mahusay na pamamahala. At naipakita po natin na pag matino at mahusay at matapat 'yung mga namumuno, talagang napapangalagaan ang pera ng bayan. Pag napapangalagaan po ang pera ng bayan, ang makikinabang, tayo din na mga taumbayan.

Kaya ito pong eleksyon ng 2022, napakahalaga. Di ba pag panahon ng eleksyon marami na naman sa ating manliligaw, di ba? Para kayong hindi nakakaintindi ng Tagalog ah. Pag panahon ng eleksyon marami sa ating manliligaw, sasabihin 'yung lahat na gusto nating marinig, pero kung tayo 'yung nililigawan kailangan makapamili tayo na kahit mag-asawa na tayo ay napakahusay at napakabait niya pa din na asawa.

Pag sinabi niyang mahal ko 'yung mahihirap, wag naman agad-agad maniwala tayo. Tingnan natin kung ano 'yung ginawa niya noong nakaraan para ipakita sa atin na talagang mahal niya 'yung mahihirap. Pag sinabi niyang hindi ako mangungurakot, tingnan natin 'yung kaniyang record noong siya ay binigyan ng pagkakataon. Pag sinabi niyang magsisipag ako sa trabaho, tingnan natin kung ‘yung binigyan siya ng pagkakataon, nagsipag nga siya. Dahil ayaw po nating magkamali tayo ngayong eleksyon. Ang kailangan nating piliin 'yung tapat na mamamahala sa atin. Parati ko po itong sinasabi, pag tapat 'yung pamumuno, aangat ang buhay ng lahat sa atin.

Kaya sa akin po, ang eleksyon na ito, pagkakataon din para sa ating mga Bikolano. Mahabang panahon parang nakakalimutan ang Bicol Region di ba? Parati natin 'yan sinasabi, “Bakit lagi kaming nakakalimutan?” Pag nagkataon pong binigyan tayo ng pagkakataon manilbihan, first time na magkakaroon ng Presidenteng Bikolana. Pag Bikolana ang Presidente, imposible naman yatang makakalimutan ang Bicol.

Pero ang gusto ko lang pong ipahayag na sa huling pagkakataon, hindi lang sa pagiging Bikolana. Sana tutulungan niyo ako hindi dahil Bikolana ako, pero sana tutulungan niyo ako dahil 'yung pinakita ko sa inyong matapat na pamamahala naipakita ko din na ang resulta nito ay pag-aangat ng buhay ng lahat, lalo na ng mga nasa laylayan.

Kaya po ‘yung aking pakiusap hindi lang para sa sarili ko, kahit po tulungan niyo ako, mahihirapan ako pag mag-isa lang ako. Tutulungan niyo po si Senator Kiko Pangilinan bilang Vice President. Napakahalagang desisyon po sa akin kung bakit siya 'yung pinili ko, wala naman sanang kabalak balak tumakbo as Vice President kahit napaka-qualified. Pero si Senator Kiko, handang magsakripisyo para sa bayan.

Pag si Senator Kiko po 'yung aking Vice President, siguradong may katuwang ako sa pagsulong ng isang matapat, matino, at mahusay na pamamahala. Matagal ko na po siyang katrabaho, kahit Sharon Cuneta 'yung asawa, napakasimple pa din. Ikinu-kuwento ko nga po si Senator Kiko, ewan ko dito kung sino 'yung mga ka-edad ko dito.

[Bikolano 00:10:13 - 00:11:55] Sino ang mga ka-edad ko dito? Sino na dito ang 50 pataas? Oy, hindi kayo umaamin. Kinukwentuhan ko si Senator Kiko na ang mga 50 pataas, mga fans tayo ni Sharon.Tumatakas pa ako noon para lang manood ng Sharon Cuneta movie. Pero si Senator Kiko, matagal na panahon nang Senador, Mega Star ang asawa, simpleng simple pa rin. ‘Yan po ang hinahanap natin sa isang nagsisilbi sa bayan. Kapag simple pa rin ang pamumuhay, ibig sabihin matino ‘yang public servant.

Kaya po, maliban kay Senador Kiko, hinihingi ko ring matulungan ang buong lineup namin. Umikot na po kami, marami na pong tarpaulin. Doon niyo na lang po sasauluhin kung sino ang mga tutulungan. ‘Yung mga nabanggit sa tarpaulin namin, iyon po ang aming ipapakiusap. Dahil ang kailangan po namin ni Senator Kiko, marami kaming kakampi sa Senado na pareho ang paniniwala sa amin para ang gusto nating pagbabago na dalhin sa inyo ay matupad dahil pareho ang aming paniniwala at kaisipan.

Muli, maraming salamat sa inyo. Salamat Congressman Arnie. Salamat kay Mayor Chiqui, na ina ng bayan ng Tigaon. Salamat po kay Governor Nonoy. Salamat sa lahat ng tumulong sa atin upang makaharap ko po kayo ngayong hapon. Mabuhay po kayong lahat!

[END]