< Back to Transcripts

Message of Vice President Leni Robredo at QUEZONduan: Grand People’s Rally, Lucena City, Quezon

April 28, 2022
Lucena City, Quezon
No items found.

VP LENI: Magandang gabi, Lucena. Magandang gabi, Quezon. Ang akin pong pagbati sa ama ng lungsod ng Lucena, kasama po natin ngayon, Mayor Dondon Alcala at ang buong LGU Lucena family. Binabati po din natin 'yung iba pang mga Quezon mayors na kasama natin ngayon, iba pang mga local officials. Kasama po natin, former Secretary Procy Alcala, former Congressman Irvin Alcala, lahat pong mga barangay officials, lahat ng mga volunteer groups na nandito. Nagpapasalamat po tayo sa mga organizers ngayong gabi sa pamumuno ng RPC Quezon headed by Doc Tonet Valencia, maraming salamat po. Kay Leni Tayo headed by Congressman Irvin Alcala, Quezon for Leni, Doctors for Leni, Youth for Leni, Momshies for Leni, TLR Quezon, at iba't ibang mga RPC Quezon.

Ayan, ilang beses na po yata akong umikot dito sa Quezon pero natutuwa ako kahit ilang beses na ako umikot, mukhang hindi pa naman kayo sawa kasi andito pa kayo. Sawa na ba kayo? Hindi pa, maraming salamat naman.

Kanina pong umaga, nauna ako sa Catanauan– mamaya na, ilagay muna dito, magsasalita muna ako. Kasi wala na akong boses kung sisigaw pa kayo, lalo akong mawawalan ng boses. Ayan, kaninang umaga po, pagdating ko, dumiretso ako sa Catanauan– ibaba daw muna 'yung mga placards para makakita 'yung nasa likod. Mamaya po sasabihin natin kung pwede ng iakyat, maraming salamat.

Kanina po, nasa Catanauan ako, pagkagaling ko doon, lumipat akong Gumaca. Bago po ako pumunta dito sa Lucena, nasa Guinayangan ako. Noong Lunes naman, pumunta po tayo sa Polillo Island, pumunta po tayo sa Reina, meron po tayong– ano kayang nangyari? Nag-aalala kasi ako pag may nakikita akong sumasama 'yung pakiramdam kasi alam ko ang iba sa inyo, kanina pa dito. Sino ba ang andito na kanina pang umaga? Parang fake news naman 'yun, hindi naman yata ganoon kadami.

Pero alam ko, maraming andito na kaninang umaga. Sana po, okay pa kayo, kaya hindi natin pagkakatagalin 'yung ating programa para hindi marami 'yung mawalan ng malay gaya po sa iba natin na lakad. Gaya po ng sinasabi ko– sabi ko na sa inyo, mamaya na tayo sisigaw, sabay-sabay tayo sisigaw mamaya.

Ayan, gaya po ng sinasabi ko, noong nakaraang lunes, nandoon po tayo sa Reina, 'yung ating rally ay ginawa natin sa Infanta. Pumunta din po tayo sa POGI, 'yung ating rally ay ginawa natin sa Polillo.

Pero bago noon naalala niyo ba 'yung huling punta natin dito? 'Yung huling punta natin dito, March ata 'yun o February, umikot tayo sa Sariaya, dito sa Lucena, pumunta tayo ng Pagbilao, pumunta tayo ng Mulanay, pumunta tayo ng Gumaca, pumunta tayo ng Lopez. Kanina naman 'yung kuwento ko galing tayong Catanauan, galing tayo ng Gumaca, galing ng Guinayangan, at ngayong gabi, nandito tayo sa Lucena.

Bakit po ba mahalaga, bakit mahalaga na hindi tayo nakukuntento na nandito lang tayo sa isang malaking rally? Na kahit malalayong mga lugar, kahit maliliit na bayan, pinupuntahan natin? Unang-una gusto po nating maabot 'yung mga hindi makakapunta dito.

Medic? Medic. Bigyan niyo ng space. Meron ba kayong tubig diyan? Tubig saka medic. Padaanin lang po natin. Papunta na?

CROWD: We love you!

VP LENI: I love you din. Okay na? Meron na? Ha? Na ano 'yun? Oo na, medic! Wala pa, wala pa, wala pa. Sandali, bigyan lang po natin ng daanan 'yung medic. Ayan na sila. Pabigay lang po ang daanan. Ano po? Hindi ba kayo nabasa ng ulan?

[crowd replies]

Nandiyan na po 'yung medic. Sandali, sandali. I love you din pero sandali. Okay na ba? Okay na? Meron pa? Maraming salamat, maraming salamat. Okay na? Magpapatuloy na tayo.

Ano 'yun? Medic din. Medic pa dito. Bigyan niyo po ng space. Naku may mga bata, puwede ba 'yung mga bata dito na lang sa likod, sa may stage? Kasi baka maipit sila diyan. Dito na lang po sa may stage. Papuntahin natin. Maraming salamat.

Wala po ditong daanan, doon natin papadaan. Walang daanan dito kaya doon natin papadaan. Maraming salamat. Padaanin niyo lang, padaanin niyo. Padaanin po natin. Pa-receive lang dito. Pa-receive dito. Hindi, hindi, mag-aalsa, kailangan may mag-alsa. Padaanin– dito muna idaan. Masyadong mahaba 'yung daanan diyan. Ay, lumayo masyado. Ah okay, ah okay.

Naku, 'yung mga– 'yung mga nahihilo po, meron pa? Meron pa? Meron pang isa dito. Bigyan niyo po ng space.

Maraming salamat, maraming salamat. Ang request lang po natin, 'yung mga may binibigay, baka puwedeng ilagay 'yung pangalan niyo saka email o telephone number. Para nakakapagpa-salamat kami ng maayos. Papasa na lang, papasa na lang. Mamaya po, mamaya. Hindi pa po ako tapos, hindi niyo pa alam kung anong gagawin ko pag nakaupo na ako.

Asikasuhin muna natin, asikasuhin muna natin 'yung mga nahihilo. Dito po meron pa. Meron pa dito, medic. May pangalan na? Salamat. Sa akin ba ito? Meron na? Wala pa? Medic. Meron pa dito naiwan. Medic, medic, medic. Sandali, sandali, awat muna. Sandali lang, bigyan natin ng space. Salamat po. Salamat. Dito na po idaan, bigyan niyo lang ng space. Bigyan lang ng space.

Ayan, okay na ba? Okay na? Uupo na tuloy ako. Salamat. Uupo na tuloy ako sa Malacañang. Nagmamadali kasi kayong ihatid ako eh, meron pa po tayong 11 days, hindi niyo pa ko puwedeng ihatid, magtatrabaho pa tayo. Hindi pa po tayo panalo. Kailangan pa po nating magpagod.

Ayan. Puwede ba? Puwede ako mag diretso na? Okay. Gusto ko lang pong ikwento sa inyo na noong ako po nanungkulan na Vice President, hindi po natin pinabayaan ang lalawigan ng Quezon.

Noong ni-launch po natin 'yung Angat Buhay noong 2016,  pumili po tayo ng mga lugar, 50 na mga towns dito po sa Pilipinas. Ang isa po doon nandito sa Quezon, ang Mulanay, Quezon. Kaya po mula 2016 pabalik balik po kami sa Mulanay Quezon. Iba ibang mga programa 'yung sinimulan atin doon.

Pero sa loob ng six years na tayo po ay vice president, hindi lang po Mulanay 'yung ating tinulungan pero iba't ibang mga munisipyo pa.

Sa bawat sakuna na nangyayari, nandito po kami. Noong pandemic, nagbigay po tayo ng mga PPE sets, mga medical supplies. Nagbigay tayo ng mga bakuna sa mga lugar na nangangailangan dito sa Quezon. Kaya naman po 'yung mga doctor dito napaka active sa atin pong pangangampanya dahil nakita po nila kung papaano tayo nag trabaho.

Bawat bagyo, bawat bagyo nagkakaroon po tayo ng relief operations. In fact, 'yung pinakahuli, ako mismo ang pumunta sa Polillo Islands, December of 2020, pagkatapos na pagkatapos ng typhoon Ulysses. Pumunta po ako sa Polillo saka sa General Nakar para magsagawa ng relief operations.

Pero hindi lang po 'yun, noong nagsara 'yung mga eskwelahan, siyam na Community Learning Hubs ang nilagay po natin dito sa Quezon. 'Yung Community Learning Hubs, nagpapasalamat po tayo sa ating mga volunteer tutors dahil po 'yung volunteer tutors natin, sila 'yung ating trinain, sila po 'yung nagsilbing mga teachers habang 'yung mga paaralan natin sarado. At hindi lang po 'yun, naglagay po tayo ng mga computers para 'yung mga estudyante natin kahit sarado 'yung mga paaralan, tuloy tuloy ang kanilang pag-aaral.

Dito po sa Lucena, meron po tayong Community Learning Hubs sa barangay Dalahican, sa barangay Eleven, sa barangay Kota, saka sa barangay Talao-Talao. Meron din po tayo sa General Luna, meron po tayo sa Mulanay, meron po tayo sa Calauag, meron po tayo sa Tayabas, at meron tayo sa Infanta.

Ano pong gustong sabihin? Pag meron tayong mga Community Learning Hubs, ang mga bata nakakapag-aral kahit sarado 'yung mga paaralan. At hindi lang po 'yun, hindi lang po mga Community Learning Hubs, hindi lang po mga tulong sa kalusugan. Marami din po tayong mga livelihood programs na binaba dito, iba ibang lugar dito sa Quezon.

Ano po 'yung gustong sabihin?  Kaya ko po ito kinu kwento sa inyo, dahil pag panahon ng eleksyon, marami 'yung mga kandidatong pupunta dito, ang sasabihin mahal ko ang Quezon, kailangan ko ng boto ninyo.

Pero pag sinasabing mahal ko ang Quezon, ang dapat tinatanong ng mga taga Quezon, noong wala pa bang eleksyon naalala niyo ba kaming bisitahin? Dapat po tinatanong natin sila, noong hindi pa ba sila kandidato, ano ba 'yung tulong na dinala nila dito sa Quezon. Dahil napakadali lang magsabi na mahal nila 'yung Quezon.

Pero ang pinaka resibo para malaman natin na talagang mahal nila 'yung Quezon, hindi papabayaan, may kampanya o wala, hindi tayo iniiwan. May kampanya o wala, tuloy tuloy ang trabaho. Hindi 'yung nagpapakita sa atin tuwing may eleksyon lang at tuwing kandidato na sila.

Sandali lang at mukhang nangangailangan ng– medic ba? Medic. Meron po doon, doon sa may Leni na walang N, nahulog 'yung N. Doon sa may Kiko-Leni pero nahulog 'yung N. Tatapusin ko na para mag tubig na tayo ha? Tubig din mag ready kayong tubig.

Ayan. Ito po, kami po ni Senator Kiko, tingnan ninyo ang aming track record. Pag kami po nagsabi sa inyo na ayaw namin ng korapsyon, ang resibo po namin ang aming track record. Si Senator Kiko po, 2001 pa naninilbihan na. Pero tingnan niyo kung meron bang pagkakataon na nadawit sa anumang anomaliya ang kanyang pangalan. Wala.

Ako po sa Office of the Vice President, ano 'yung aming resibo? Ang resibo po namin, sunod sunod na taon nakukuha namin ang pinakamataas na COA audit rating. Hindi na po kami lang ang nagsasabi, hindi po kami ang nagsasabi na malinis kami, COA na mismo.

Pero bakit mahalaga na 'yung mga lingkod bayan niyo hindi kurakot? Mahalaga po ito para napapangalagaan ang pera  ng taumbayan. Kung napapangalagaan ang pera ng taumbayan gaya po ng ginagawa namin sa Office of the Vice President, kahit hindi ganoon kalakihan 'yung pondo, marami 'yung natutulungan.

Pero kung kinukurakot, kahit pa napakalaki ng pondo, parating kulang. Kaya gugustuhin niyo ba? Gugustuhin niyo ba na 'yung mga lingkod bayan hindi tapat? Hindi tapat sa kanyang sinumpaan? Gusto niyo ba 'yun?

CROWD: Hindi.

VP LENI: Napaka bolero niyo, ha? Napaka bulero niyo. Ayan. Pero, ito pong– Anong pangalan mo?

DIANNE: Dianne po.

VP LENI: Si Dianne. Palakpakan natin si Dianne.

[crowd cheers]

Ay, malulusog. Magkapatid ba kayo? Magkapatid kayo? Ah, hindi? Ha? Ah, magpinsan. Anong pangalan mo?

ETHAN: Ethan po.

VP LENI: Ayan palakpakan natin, Dianne and Ethan.

[crowd cheers]

Di ba– Taga Lucena ba kayo, Dianne and Ethan? Oo? Di ba ang sakripisyo nating ito para sa kanila?

CROWD: Yes!

VP LENI: Alam niyo, 'yung eleksyon na ito, hindi lang ito simpleng laban naming mga kandidato. Ang eleksyon na ito, kaya napakarami niyong tumataya, ang eleksyon na ito, ang pinaglalaban natin ang ating bansa.

Kaya po dito, ngayong gabi, welcome lahat. Kakampink man o hindi, welcome. Dahil 'yun po 'yung gusto nating ipakita na dapat ang pamahalaan, tunay na nagkakaisa. Hindi po pagkakaisa ng mga politiko lamang, pero pagkakaisa ng ordinaryong Pilipino na gustong ayusin ang kanyang pamahalaan.

Kaya po kami nagpapasalamat sa inyo, na kanina sobrang init, pagkatapos ng sobrang init, umulan, pero nandito parin kayo tumatiyaga. Pagpapakita na handa po tayo mag sakripisyo para sa ating bayan.

Ito po, ang pakiusap ko lang sa dati ng mga kasama. Ang pakiusap ko lang po, buksan natin ang ating mga puso dahil ang eleksyon pong ito, hindi lang ito laban naming mga kandidato. Pero ang eleksyon na ito, iba iba man ang ating mga paniniwala, kailangan magkaisa tayo para sa ating bansa.

Kaya po habaan natin ang ating pag-unawa, habaan po natin ang ating pasensya, buksan natin ang ating mga puso, para iparamdam sa iba ang radikal na pagmamahal. Na iba man ang paniniwala, pare-pareho ang gusto nating mangyari sa ating bayan. Na iba-iba man ang paniniwala, kailangan mahalin natin ang bawat isa kasi pagkatapos ng eleksyon na ito, magkababayan parin tayo, 'di ba? Magkakapatid pa din tayo bilang Pilipino. Kaya po, walang away-away. Kailangan nag-iintindihan tayo dahil dito naka-depende ang kinabukasan ng ating mga anak, ang kinabukasan ng ating bayan.

Ang aking pong ipapangako sa inyo: na pag ako naging Pangulo, ang laylayan ang magiging bagong sentro. Ano ang gustong sabihin niyan? Ang gustong sabihan niyan: sabay-sabay nating aalagaan 'yung mga hindi pareho sa ating ang katayuan sa bahay. Ang mga nahihirapan kailangan akayin, ang mga naghihirap kailangan tulungan. Pero dapat 'yung mga nakakaluwag, katulong ng pamahalaan sa pag-asikaso sa ating mga kababayan.

Ganoon pong klaseng pamamahala ang pinakita namin sa aming Angat Buhay sa Office of the Vice President. Na 'yung sentro ng aming mga programa, mahihirap, 'yung mga mayayaman, tumutulong sa mga mahihirap dahil magkakapatid tayo, iisang bayan ang ating pinaglalaban.

Kaya po– Ano 'yun? Natakot naman ako sa iyo, I love you lang pala. Maraming salamat. Alam ko po mahal niyo ko kasi nag-tiyaga kayong tumayo dito. Pero, sana po 'yung pagmamahal niyo, hindi lang po sa akin, pero kay Senator Kiko din, ang ating VP.

[crowd cheers]

Ang atin din pong mga senador: Senator Leila De Lima, Senator Risa Hontiveros, Senator Sonny Trillanes, Dean Chel Diokno, Senator Dick Gordon, Attorney Alex Lacson, Attorney Sonny Matula, Congressman Teddy Baguilat.

Nagpapasalamat po ako sa mga miyembro ng RPC, iba't ibang grupo, iba't ibang mga volunteer groups dito. Alam ko po napakarami niyo ng pagod. Nagpapasalamat po ako kay Mayor Dondon, kay former Secretary Procy, kay former Congressman Irvin Alcala. Nagpapasalamat din po ako kay Fourth District Congresswoman Helen Tan, sa lahat.

[crowd cheers]

Maraming salamat. Alam niyo po, kami ni Congresswoman Helen Tan, magkaklase po kami sa 16th Congress. Kaya po mula noon, hanggang ngayon, magka-barkada kami. Sasabihin ko po sa kaniya na nagpapaabot kayo ng inyong pagmamahal. Sa inyo pong lahat, sa lahat na volunteers, sa lahat na nagpagod, sa lahat na nagpuyat, sa lahat na nag-asikaso ng stage natin, sa lahat pong entertainers, sa lahat ng mga artist, maraming, maraming salamat. Mabuhay po kayong lahat.

[END]