< Back to Transcripts

Message of Vice President Leni Robredo at PASICATanauan: Multisectoral Assembly, Catanauan, Quezon

April 28, 2022
Catanauan, Quezon
No items found.

VP LENI: Maraming, maraming salamat mayor! Magandang umaga Catanauan! Magandang umaga din po sa mga taga District Three, mga taga Bondoc Peninsula. Masayang masaya po akong nakabalik ako dito sa inyo. Galing na po ako dito noong paumpisa pa lang 'yung kampanya. Dumaan lang po ako ng Catanauan, kumaway lang ako sa mga naghihintay sa tabi ng kalsada dahil papunta po ako noon sa Mulanay, andito si Mayor JT. Pero ngayon, binalikan ko para makita ko kayo lahat.

Pero bago po ako magpatuloy, ang akin lang pong pagbigay galang siyempre sa ating minamahal na mayor, Mayor Ramon Orfanel saka po ang kanyang minamahal na maybahay. Ang akin din pong pagbigay galang sa akin pong kaibigan, Mayor JT ng Mulanay. Nandito din–nandito din ang original, ang original na Mayor Orteg–ay Mayor Ojeda, ayan. Matagal na po kaming–bago po ko man nakilala si Mayor JT, magkaibigan na po kami, palakpakan po natin, former Mayor Tito Ojeda.

Nandito din po si Vice Mayor Paul Villaflor ng Pitago, maraming salamat. Nandito din po si Vice Mayor Gina Acar ng Mulanay. Vice, bakit nandiyan ka, dito ka na sa taas. At nandito po 'yung lahat na mga team Mulanay, Mulanay Gusto, ayan. Saka po 'yung ibang mga local officials ng iba'tt ibang mga bayan dito po sa Bondoc, Peninsula.

Maraming salamat din po sa ating mga kaparian na sinamahan po tayo ngayong umaga. Ang mga sectoral representatives, sa inyo pong lahat, magandang magandang umaga.

Alam ko ang iba sa inyo kanina pa dito. Alam ko po kanina pa dito 'yung iba dahil ka-text ko po–ka-text ko po, nasa Maynila pa po ako, maaga pa, ka-text ko po 'yung ating gubernatorial candidate, si Congressman Helen Tan, sabi niya, "Marami nang tao doon," sabi ko, "Papaano 'yan, nasa Maynila pa ako," sabi niya, "Hihintayin ka ng mga tao." Kaya maraming maraming salamat po sa lahat na naghintay.

Alam niyo po, kukuwentuhan ko lang kayo ng kaunti. Bago po ako naging politiko, bago po ako naging politiko, abogado po ako para sa mga basehang sektor. Pumupunta po ako dito sa Unisan, dahil meron po kaming partner na farmer group sa Unisan dahil ang amin pong mga nirerepresenta noon mga magsasaka, mga mangingisda, mga katutubo, mga kababaihan, mga manggagawa.

Mahabnag panahon, 'yun 'yung aking trabaho kaya po 'yung ating fisherfolk representative kanina nagsasabi po na ang isa sa pinaka problema ng mga mangingisda, hindi lang po dito sa inyo sa Catanauan pero sa buong Pilipinas, napakahirap ng buhay ng mga taong siyang dahilan kung bakit nakakakain tayo araw-araw: ang ating mga magsasaka at mangingisda. Kahit sila 'yung dahilan kung bakit tayo nakakakain, napakahirap ng kanilang buhay.

'Yung sinasabi po noong fisherfolk representative, na isa sa pinaka mahirap para sa kanila 'yung kabahayan para sa mga mangingisda, alam niyo po naging HUDCC chair ako ng ilang buwan, 'yun po sana 'yung inaasikaso natin, 'yung pabahay para sa mga mangingisda. Kaya ang pangako ko po sa inyo, pag ako po naging pangulo, isa 'yun sa ating mga magiging priority.

Sisiguraduhin po natin, kaya po natin sinasabing angat-buhay lahat kasi sisiguraduhin po natin na kung sino 'yung naiiwan sa laylayan, 'yun 'yung ating mas tutulungan.

Pinakita po namin ito noong ako nasa Office of the Vice President. Sa Office of the Vice President po,  alam niyo naman napaka liit lang ng pondo namin saka maliit 'yung mandato. Pero nagawa po naming pumunta sa iba't ibang sulok ng Pilipinas para mag-launch ng mga proyekto na ikaka-angat ng buhay ng lahat.

'Yung masakit lang po sa loob namin, gusto namin mas marami pa 'yung matulungan pero dahil limitado lang ang aming kakayahan, talagang pumipili lang kami. Kaya po dito sa Bondoc, Peninsula, mayor pa po si Mayor Tito hanggang naging mayor nga si Mayor JT, ang mga proyekto po natin dito sa inyo sa Quezon, nandito sa Mulanay dahil sila po 'yung isa sa mga pinaka unang mga munisipyo na kabahagi ng ating Angat Buhay program.

Pero, alam niyo po 'yung aking pangarap na pag tayo po naging pangulo, hindi lang 'yung gobyerno 'yung mag-aasikaso ng mga naiiwan sa laylayan, pero magbibigay tayong inspirasyon sa bawat Pilipino, lalong lalo na 'yung medyo nakakaginhawa sa buhay, na tumulong. Ito po 'yung pinaka konsepto ng aming Angat Buhay program, na hindi lang 'yung pera nanggagaling sa gobyerno, pero 'yung mga nakakaginhawa sa buhay, tumutulong din dahil 'yung pag-angat ng buhay ng lahat, nakasalalay sa balikat nating lahat.

Ano po 'yung mga programa natin para sa mga magsasaka? Marami. Dahil 'yung mga magsasaka natin ngayon, napaka hirap ng pinagdadaanan sa buhay. Bakit napaka hirap? Unang-una, bagsak 'yung presyo ng palay. Pero kahit bagsak 'yung presyo ng palay, napaka mahal ng abono ngayon. Kahit bagsak ang presyo ng palay, napaka taas din ng diesel saka ng gasolina kaya hindi na kumikita 'yung ating mga magsasaka.

Pag ako po naging pangulo, ito 'yung ating isa sa mga pinaka tututukan. Sisiguraduhin po namin na kikita pa 'yung ating mga magsasaka, gobyerno 'yung tutulong sa kanila para maibsan ang kanilang kahirapan.

Nakita ko po, marami ngayong seniors dito. Ano po 'yung programa natin sa seniors? Wala po tayong pipiliin pagdating sa pensyon. Lahat na seniors bibigyan ng pensyon at sisiguraduhin po natin na tataasan natin 'yung pensyon dahil 'yung natatanggap niyo ngayon, kulang pang pambili ng gamot.

Ito po, ewan ko lang kung meron dito mga barangay officials, pero kung meron po dito mga barangay officials, 'yung paniniwala po natin, kailangan ng national government ginagawa 'yung lahat para mapalakas 'yung mga barangay dahil 'yung mga barangay 'yung unang dinudulugan ng mga tao. Kahit dito sa inyo 'di ba? Ang pinaka unang pinupuntahan ng lahat na pangangailangan, barangay.

Pero, maraming mga barangay, marami man siyang gustong gawin, hindi niya kayang gawin kasi kulang 'yung pondo niya. Noong ako po ay member ng 16th Congress–magkasama po kami ni Congresswoman Helen Tan–oong ako po miyembro ng Congress, nag-hain po ako ng mga panukalang batas, hindi po ito nakalusot pero pag ako po naging pangulo, itutulak ko ulit ito.

Number one, 'yung term of office ng mga officials, hindi na po three years, gagawin natin na five years para sa mga barangay officials para habaan naman ng kaunti. Kaya ako po, sinusuportahan ko 'yung extension of term ng mga barangay officials para hindi nasasayang 'yung pera ng gobyerno saka hindi nila masyado naiistorbo 'yung ating mga barangay officials. Kauupo pa lang, magkakandidato na ulit.

Pangalawa, tulungan 'yung barangay officials sa pondo. Pag tinignan natin 'yung pondo ngayon halos karamihan sa pondo ng barangay officials pangsuweldo lang ng barangay volunteer workers.

'Yung akin pong panukalang batas na inihain noon, na 'yung mga barangay volunteer workers i-professionalize na. Tulungan ng national government 'yung suweldo, bigyan na sila ng suweldo at ikonsidera silang mga rank and file employees para maibsan 'yung pera ng barangay.

Saka 'yung BUB, Bottom-up Budgeting hanggang barangay na para 'yung mga proyekto na gustong gawin ng mga barangay ibibigay na sa kanila ng national government 'yung pera para nagagawa nila 'yung mga proyektong gusto nila.

Maraming estudyante dito, maraming mga kabataan. Ano po 'yung plano natin para sa mga kabataan? Ang atin pong target, hindi magiging hadlang ang kahirapan para 'yung mga kabataan makapag-aral. At ito po hindi lang ito 'yung free, tuition pero sisiguraduhin natin na meron natatanggap na allowances sa pamasahe, sa tirahan, dahil marami kahit free tuition hindi pa din kaya kasi walang tirahan.

Ngayon pong Vice President ako meron po kaming mga programang mga free dormitories. Pero ginagawa po namin ito sa mga public high schools. Pag ako po naging Pangulo, gagawin din po natin ito sa mga college students.

Ngayon po, meron tayong–  nagpatayo po tayo ng mga dormitories sa iba't-ibang mga bahagi ng bansa na napakataas ang drop-out rates dahil 'yung dahilan ang mga bata kailangan maglakad ng napakalayo para lang makapag-aral. Ngayon po meron tayong mga dormitories sa Siayan sa Zamboanga del Norte, sa Sumilao sa Bukidnon, sa Negros Oriental, sa Balangkayan saka Salcedo, Eastern Samar. Nagpatayo po tayo sa loob mismo– sa loob po ng campus ng mga public high school para 'yung mga bata na naglalakad ng napakalayo, nakatira na sila ngayon sa dormitory ng libre para umuuwi po sila weekend na lang. Gagawin din po natin 'yun kabahagi 'yung mga college students.

'Yung medical assistance program, meron na po tayo ngayong medical assistance program sa Office of the Vice President. Lalo  pa po natin 'yung papalawakin dahil ang target po natin kahit mahirap ka, 'yung medical assistance saka mga treatment na kinakailangan mo dapat natatanggap mo pa din. Hindi dapat dahilan 'yung kawalan ng pera. Kaya ito pong mga programang ito, kahit 'yung ibang kandidato meron din silang programa pero hindi 'yan mangyayari kung ang gobyerno hindi tapat.

Anong gustong sabihin ng tapat na gobyerno? Gobyernong walang korapsyon, mga lingkod-bayan na matitino at mahuhusay. Pag sinabi po naming ang pangako namin sa inyo gobyernong tapat, mahaba po 'yung aming resibo. Ano po 'yung resibo namin?

Kami po ni Senator Kiko pag tinignan niyo po 'yung aming record, never na nadawit ang mga pangalan namin sa korapsyon. 'Yung Office of the Vice President po taun-taon, nakukuha niya 'yung pinakamataas na COA Audit Rating. 'Yun po 'yung pinaka pruweba namin na pag sinabi naming galit kami sa korapsyon, talagang galit kami sa korapsyon.

Pag eleksyon, maraming makikiusap. Ewan ko lang po kung may pumunta na sa– may pumunta ba ditong kandidato pagka-Pangulo sa Catanauan? Maswerte pala ako, Mayor, kasi pagsalubong po sa akin ni Mayor kanina, sabi sa akin ni Mayor ang record daw ng Catanauan, 'yung pumupunta dito nananalo. Sana mangyari, ano?

Pero sakali mang may humabol pa at may pumunta at mangako sa inyo, dapat po tanungin ninyo, "Papano niyo pinakita 'yung pagmamahal niyo sa Quezon noong hindi pa kayo kandidato?" Kami po marami kami ditong programa. Maliban po sa Mulanay, dito po sa General Luna meron tayong Community Learning Hub. Sa iba't-ibang mga lugar po sa buong Quezon meron tayong Community Learning Hub. Galing lang po kami sa Infanta saka sa Polillo Island noong nakaraan, meron din po doon, sa Lucena meron tayo, iba't-ibang bahagi ng Quezon hindi lang po Community Learning Hubs.

Noong nakaraan pong pandemic, tuloy-tuloy 'yung pagpadala natin ng mga PPE sets saka medical supplies sa buong lalawigan ng Quezon. At hindi lang po 'yun, 'yung ating medical assistance program kabahagi ang Quezon. Bawat sakuna, nandito po kami. Pinakahuli pong naggawa kami ng relief operations, ako mismo pumunta sa Polillo Islands pagkatapos po ng Typhoon Ulysses. May eleksyon o wala, nagseserbisyo kami. May eleksyon o wala, nandito kami kasama ninyo.

Ngayon po, nagpapasalamat po ako. Alam ko ang iba sa inyo napakalayo pa ng pinanggalingan. Maraming, maraming salamat po sa pagtitiyaga na pumunta. Masaya po akong nakabalik ako dito. Pagkagaling ko po dito, pupunta po ako ng Gumaca. Pupunta ako ng Guinayangan.

Pero mamayang gabi 'yung may mga oras sa inyo, meron pong grand rally sa Lucena. 'Yung mga libre po mamaya, sana makadalo po kayo sa grand rally natin sa Lucena. Masaya po 'yun. Nagkaroon na tayo ng rally dati, uulitin natin ngayon para ipahayag sa buong Quezon ang ating pagmamahal at ang pangako na ang gobyernong tapat natin, aangat ng buhay ng lahat.

Maraming salamat po sa IPs Catanauan for Leni-Kiko angat buhay lahat. Maraming salamat sa Agri Partylist. Maraming salamat sa MSK Catanauan. Maraming salamat sa coco farmers, sa mga mangingisda. Maraming salamat po– oh, ito, "Walong oras na biyahe, Pampanga to Catanauan, makita ka lang, VP Leni, my next President."

Nasaan po 'yung RPC Catanauan? Palakpakan po natin, RPC Catanauan kasi sila po 'yung nangangasiwa ng ating kampanya dito. Nasaan kayo? Ah, nandoon sa likod. Nandoon po sila sa likod.

'Yung atin pong isa sa mga organizers walong oras pala 'yung biniyahe niyo! Ayun, "TRoPang house to house ng Catanauan kay Leni for President." Nagha-house to house ba kayo? Maraming, maraming salamat. Ano ito, "Naiigma kami sa butigin #CatanuanForLeni," "Your vote number 10, my future - Isabel, 11 year old." "From San Narciso kay VP Leni, lutang ka raw? Pero di ka kayang palubugin," maraming salamat. Nasaan po dito mga taga-San Narciso? Ah, ikaw pala! Ang mang– ano 'yun? Ah, marami kang kasamahan? Ayun, "Ang mga taga-Naaw], galit sa magnanakaw."

Uy, maraming– sa akin na ba ito? Maraming salamat. O, sandali pahawak. "Buenavistahin for Leni-Kiko." "Envergans for Leni-Kiko." "Leni, you got this. Fighting, girl!" "Kung unity ang hanap mo, kay Leni ka na. May university degree at may integrity," maraming salamat.

Maraming salamat, sinong gumawa? Sino pong gumawa? Ikaw? Maraming salamat, ang ganda! Palakpakan natin si [Reds]. Maraming salamat. "Unang boto para kay Leni at Kiko." Sino dito ‘yung mga first time voters? Oh, marami. Huwag sayangin ang boto ha. “Maiinitin ang ulo for Leni-Kiko,” nako, chill chill lang. “Hindi man kami botante, suporta namin ay kay Leni,” kahit hindi botante, pwede na mangampanya.

“Mga maglulukad for Leni-Kiko,” maraming salamat. Ano ito? Yamete ba ito? “Yamate kuda-stop corruption.” Ano ito? “Go pink or go home.” Hashtag ano ‘yan? “#JungwonPink,” “Dutang dutang for Leni,” “Psych majors for Leni,” “Single tita for Leni,” “Tahimik pero palaban, marupok pero may paninindigan,” “Kaya kong iparaya si Jungkook, basta manalo ka lang Ma’am,” magkaribal tayo kay Jungkook.

“Sa thesis defense, bagsak ang umaatras. Dapat sa gobyerno, doon din tayo sa hindi tumatakas,” “VP Leni mahal ko pa rin fuschia,” sino ‘yun? Anong pangalan niya? Baka nandito, para marinig. “Sa gobyernong tapat may Oppa lahat,” “Dini tayo sa hindi putikin, #KayLeniTayo. Catanauan for Leni,” “VP Leni, pa-picture naman po, evidence lang that we are willing to fight for our future,” lapit ka dito para mamaya.

“Paulanan man siya ng fake news pero sa kanya ako ay never confused,” “Magjojowa na ako kapag nanalo si Leni.” Oh my god, mapapagalitan tayo ni Father. Father tignan mo, “Umabsent sa retreat for Leni.” Mangumpisal ka na kay Father. Huwag kayong maga-absent sa retreat, mahalaga 'yun.

"Mga dapat piliin, Leni check, Kiko check, ako rin piliin mo check.” “Anak, apo, pag-laki niyo mababasa niyo ito. Mayo a-nuwebe 2022, resibo ko, ipinaglalaban ko future niyo, lumalaban ako para sa bayan, naninindigan kay Leni Robredo, pumapanig sa tama, pinapanaig ang katotohanan. Love, Lolo-Tatay Rick Capili, Vice President Catanauan volunteers for Leni,” iniwan naman ako ni Sir Rick, hindi ko pa nga tapos basahin. Ay, ano ‘yan? Wow, Saranggola. “Happy Birthday.” Oh, birthday ko kasi noong 23, maraming salamat. Ang gaganda ng mga saranggola niyo.

[crowd singing Happy Birthday]

Maraming salamat, maraming salamat. Oh, ayan. Ito, may babasahin ako tignan niyo siya lahat. Sabihin niyo kung tama siya. “Pogi ang mga kakampinks at ako ang patunay,” oo naman, pogi naman talaga. “Kaming mga sibuyas, we break the bias. Leni-Kiko 2022.” “Ma’am Leni pa-picture, crush ka ni Tatay.” Nasaan si tatay? Bakit hindi mo sinama? Nandiyan? Tatay halika, tayong na lang dalawa magpa-picture.

“Mga jejemon for Leni. Let Leni lead.” “VP Leni sana manalo ka na po. Miss ko na mag-peace sign,” malapit na, 12 days na lang. “Tuwid na daan, hindi limang daan,” “Mulanay for Leni volunteers,” “Bakit si Leni? Number one, walang korapsyon ayon sa COA. Number two, abogado-ekonomista from UP. Number three, simple hindi ambisyosa. Number four, maka-Diyos, maka-tao, maka-mahirap. Ipanalo natin,” maraming salamat. “Mga marites for Leni.”

Halika, halika. Merong sagwan, napaka-ganda ng kanyang sagwan. “Isang bangka, isang bansa,” wow. Ayan, tignan niyo. Picture namin ni Senator Kiko. Sinong gumawa? Maraming salamat. Anong pangalan mo?

AUDIENCE MEMBER: Kathleen po.

VP LENI: Kathleen. Palakpakan natin si Kathleen. Maraming salamat, maraming salamat. Ipapakita ko kay Senator Kiko. Pasensya na po kayo, ako lang ‘yung nakarating. Malayo kasi ang Catanauan. So, hiwa-hiwalay po kami kasi 12 days to go na lang. Pero ang hinihingi ko po sa inyong tulong, hindi lang para sa akin. Pati din po para sa aking VP, Senator Kiko Pangilinan. Para po sa ating mga senatorial candidates, Senator Leila de Lima, Senator Sonny Trillanes, Senator Risa Hontiveros, Senator Dick Gordon, Dean Chel Diokno, Congressman Teddy Baguilat, Attorney Sonny Matula at Attorney Alex Lacson.

“QueLeni at Kiko ang Quezon,” “Kahapon, ngayon, at bukas, atin ang rosas,” “VP Leni is a meteorite, rare impact maker. Touch a piece of Bondoc Meteorite, Bongbong is a meteo-wrong #BulalakawHindiMagnanakaw, #GeologistForLeniKiko.”

“Pa-picture naman po sa 17th President of the Philippines,” lapit kayo dito, ‘yung mga magpapa-picture. “Salamat Leni sa PPEs na binigay mo sa VPDH - Doctors for Leni-Kiko,” maraming salamat po. “Team Licupans for Leni,” “Leni-Kiko ang iboto natin [inaudible],” “Pink ang boto ng jowa for Leni,” “Bumble, Leni, 57,” nako, baka makahanap ako diyan ng jowa. “We’re all in a good place kapag si Leni ang first place,” “Quezon is for number ten, Leni, number seven, Kiko,” “Papunta pa lang tayo sa exciting part,” “Babae ang mananalong presidente,” Leni-Kiko, hashtag–” ano ‘yan? “#TFYAP for Leni-Kiko,” “Treasure maker for Leni,” “Mga future teachers for President Leni.”

Ayun, “Kapag nanalo si Leni, sasagutin na kita.” Sino ‘yung sasagutin mo? Para ikampanya ako kasi – ah, by the way, Hi, Kim. Si Kim ba ‘yung sasagutin mo? “I am a criminology student and I stand for Leni,” “Future CPAs for Leni. Kung di papalarin future niya na lang. Ayan, “Lawyer, Ekonomista–” ano ‘yan? “Nabuntis ni David ang–” Oh, okay. Natakot naman ako, akala ko anak ko. Palabas pala ni Jodi Sta. Maria. “Nabuntis ni David ang anak niyo at pumunta siya ng America para–” Nasaan na si tatay, nahanap mo na? Ah, ikaw na lang? Sige. Maraming maraming salamat po. Mabuhay po kayong lahat.  

[END]