< Back to Transcripts

Message of Vice President Leni Robredo at a Multi-Sectoral Assembly in San Narciso, Zambales

April 19, 2022
San Narciso, Zambales
No items found.

MARICEL CONTILLAS: Magandang umaga po sa lahat. Ako po si Maricel Contillas ng Barangay Grullo, San Narciso, Zambales. Hayaan niyo po akong ibahagi ang hakbang kung paano unti-unting umangat ang aming buhay. Ako po ay isang beneficiary ng Angat Buhay Workshop Women's Entrepreneur ng Luzon at nakatanggap po ako ng livelihood subisidy mula sa Angat Buhay ng OVP. Nailaan ko po sa aking negosyo, meat processing. Noong time po na 'yan, 2,000 monthly at alam po natin na noong 2019, dumating po ang ASF.

Kagaya po ni Senator Kiko, ang kanyang negosyo ay meron ding dagok na dumarating. Kagaya ko po, ASF nga po 'yun at sangkap, ang pangunahing sangkap ng aking negosyo ay karne ng baboy at ako ay naapektuhan dahil sa pagkakaroon ng ASF. So, hininto ko po ang processing kasi wala na po akong makuhanan ng karne. Ngayon, ang ginawa ko po, hindi po ako sumuko. Nilaan ko po ang puhunang binigay sa amin ng OVP sa vegetable production in which noong time na 'yun, dumating ang COVID. Iba po ang bangga ng pagtanim, kailangan po iba po. Medyo limitado ang paglabas labas po natin so, 'yung akin pong vegetable production, kung sino man pong may gusto, pumupunta na lang po sa bahay, doon po sila bumibili ng fresh vegetables.

Karaniwan po [inaudible] and then, 'yung time na po na 'yan na unti-unti naman na pong bumabalik, nawawala na rin po 'yung ASF, ang puhunan ko po ay pinapaikot ko lang at 'yung mga kita ko naman, may lumalago pero noong dumating na po na puwede na pong mag-alaga ulit ng baboy, binalik ko po ang pag-aalaga namin ng baboy. Sa totoo lang po, 'yung time na 'yan halos wala na pong natira noong nagkaroon ng ASF, wala na pong natirang baboy then nag-start po kami ulit and then, tuloy-tuloy na po at shinare ko ang experience ko na 'yun sa aking mga kasama. Bumuo po kami ng asosasyon namin ng Lakas ng Kababaihan sa Pagsasaka at sa awa ng diyos, humingi po kami ng tulong sa OVP at binigyan po ulit kami ng puhunan sa aming pangkabuhayan which is hog raising po.

At sa kasalukuyan po, ito po ang aming negosyo ngayon at unti-unti na pong masasabi kong umaangat na ang aming buhay dahil po kay Ma'am Leni. Ang laking tulong po ng mga binibigay ng programa na Angat Buhay sa amin. Kaya po bilang ganti, ito po kami, kumakatok sa inyong puso, sa inyong pintuan, pinaglalaban namin, kay Leni tayo. Siya po ang magiging susi ng pag-angat ng ating buhay. Leni-Kiko!

HOST: Maraming salamat Ma'am Maricel Contillas mula sa Barangay Grullo. Ngayon naman, ang pagkakataon ng ating mga mahal naming magsasaka at mangingisda, at kababaihan na magtanong sa ating pinakamamahal na bise presidente sa mga pangunahing isyung kinakaharap ng mga sektor mula sa hanay ng ating mga magsasaka, mangingisda, at kababaihan, at buong pusong tutugunin mula sa ating pinakamamahal at susunod na Presidente ng Republika ng Pilipinas. Unahin po natin ang hanay po ng kababaihan, nasaan po si Sec. Vilma A. Cayabyab? Okay po, ma'am.

VILMA CAYABYAB: Magandang umaga po sa ating lahat, sa aming magiging presidente ng buong Pilipinas at ang aming magiging vice president ng ating buong Pilipinas, palakpakan naman po diyan oh. Madam Vice, nananalangin po kaming mga taga-Palauig, Zambales, na kayo ay manalo, sana po. Sa amin, sa bayan po ng Palauig, kami pong mga kababaihan ay nais po naming matanong o masabi po sa inyo, ito po madam ang aming katanungan:

Madam president– talaga pong president na– sa papaanong paraan po niyo matutulungan ang Rosas De Amor Women's Association ng Palauig, Zambales, upang maiangat po ang antas ng pamumuhay ng kababaihan, lalo na po kaming mga ina ng tahanan upang makatulong sa amin pong asawa? Salamat po.

HOST: At 'yan po ang unang katanungan na tutugunan po ng ating mahal na pangulo mamaya. Asan naman po ang mula sa fisherfolks po ng barangay Lanao, San Agustin, Iba, Zambales? Nasaan po sila? Ayun po.

TATAY LORENZO: Magandang araw po sa inyong lahat. Ako po'y taga-San Agustin, Iba, Zambales. Hindi po kami nakakapangisda kapag bagyo at umuulan. Sa hirap ng buhay po, wala kaming pinagkakakitaan. Ano po ba ang dapat na solusyon po sa amin na mangingisda na walang pinagkakakitaan kapag umuulan at bumabagyo? Maraming salamat po.

HOST: Marami pong salamat, Tatay Lorenzo. At mula naman po sa Farmers' Association, Ma'am, ito po 'yung kanilang pinadalang katanungan: Bakit po mura ang palay at mataas ang presyo ng abono at nagiging kawawa ang ating mga magsasaka? Ano po ang inyo pong solusyon dito?

VP LENI: Magandang umaga. Bago ko po– bago ko sagutin 'yung mga inyong katanungan, gusto ko lang pong batiin 'yung mga opisyal na kasama po natin ngayong umaga. Nandito po aking kaibigan, Congresswoman Cheryl Deloso, nandito po siya. Nandito po si Governor Amor, former Governor Amor. Ang atin pong RPC Chair, si Attorney Omar, nasan na si Attorney Omar? Nandito sa likod. Nandito din po si BM– Board Member Carol Fariñas. Ewan ko lang po kung si Mayor Joy kasama– ayan si Mayor joy nandoon po sa dulo. Si Barangay Captain Romulo Rivas ng barangay La Paz, maraming maraming salamat po, saka 'yung mga barangay officials na kasama natin ngayon.

'Yung RPC Zambales, maraming salamat sa inyo. Siyempre, si Senator Kiko, ang atin pong susunod na vice president. 'Yung iba't ibang mga grupo na andito po ngayong umaga, Zambales farmers, mga fisherfolks, mga kababaihan, LGBTQIA+ community, 'yung ating organizers, 'yung mga kabataan na kasama po natin ngayon, magandang magandang umaga sa inyo. Masaya po akong nakabalik ako, masaya akong nakabalik ako dito sa inyo, sa Zambales saka sa San Narciso, maraming salamat po sa pagsama sa amin ngayong umaga.

'Yung mga tanong, 'yung pinakauna, tanong ng mga kababaihan— Ano ba 'yung matutulong natin sa mga kababaihan? Ano po, meron kayong organisasyon na sinabi pero siguro sasagutin ko hindi lang para sa organisasyon ninyo, pero sasagutin ko para sa lahat na mga kababaihan na naiintindihan natin kung ano 'yung mga sagabal para makapagtrabaho tayo nang maayos.

Ang pinakaunang sagabal, dahil hindi lang trabaho natin inaasikaso natin, pero inaasikaso din natin 'yung pag-aalaga sa ating mga anak. Marami pong programa ang Office of the Vice President under Angat Buhay. Kanina narinig natin 'yung ating Angat Buhay beneficiaries. Ang dapat na klase kasing hanapbuhay na binibigay sa inyo, 'yung nararapat sa pinagdadaanan niyo araw-araw. Gustong sabihin, hindi naman siguro kayo makakapag-opisina eight to five, dahil walang maiiwan sa mga bata.

Pag ganito po 'yung sitwasyon, tinitingnan namin kung ano ba 'yung mga kaalaman na alam noong mga miyembro ng organisasyon. Halimbawa, 'yung ating benificiaries kanina, galing sa San Narciso ng mga kababaihan, dati na silang— dati nasa meat processing sila. Pero dahil nagkaroon ng ASF, nagkaroon sila ng problema.

Pero noong nawala na 'yung problema, nagdesisyon sila na mag-alaga ng mga baboy. 'Yung pag-aalaga ng mga baboy, puwede 'yun sa mga housewives kagaya natin, 'di ba, kasi hindi siya, hindi natin kinakailangan umalis sa bahay buong araw kasi 'yung pag-aalaga puwede ngang backyard.

Isa itong halimbawa na kumikita ka habang may panahon ka pa para alagaan 'yung pamilya mo. Ano ba 'yung ibang mga examples? Halimbawa po, marami kaming mga sewing communities, 'yung mga nagtatahi, na sa bahay lang sila nagtatahi pero hindi lang 'yung pagbigay ng makina 'yung aming binibigay pero pati paghanap ng market para sa kanila.

Gustong sabihin, pag meron silang tinatahi, 'yung tinatahi nila in accordance doon– ano ba 'yung kailangan ng market? Halimbawa, noong nagkaroon ng pandemic, 'yung mga mananahi namin na mga communities, sila 'yung pinatahi namin ng mga PPE sets. So, kami din 'yung bumibili sa kanila or meron kaming mga partners na halimbawa, gumagawa ng mga bags, nagbebenta ng mga bags, o nagbebenta ng mga damit. Kami 'yung nagli-link sa kanila para 'yung tinatahi nila, may sigurado nang bebentahan.

Bakit mahalaga ito? Dahil ang karanasan po natin, 'yung pamahalaan, marami siyang mga skills training na available. Merong TESDA, merong kung anu-anong skills training. Pero pag hindi pinaplanong mabuti, hanggang skills training lang siya. Dapat 'yung sukat kung effective ba 'yung skills training, ang sukat niya hindi 'yung numero ng mga nag-attend ng skills training pero ilan ba doon sa mga nag-attend ang nagkaroon ng hanapbuhay dahil doon.

So, para sa akin dapat 'yung pera ng gobyerno hindi lang basta ginagastos magpa-training pero 'yung pinapa-training natin papunta siya sa pagkakaroon ng negosyo. Kasi kung hindi naman siya papunta sa pagkakaroon ng negosyo, parang nagtatapon tayo ng pera na walang pupuntahan.

So, para po sa akin ang pinakamahalaga number one, mag-organisa, gaya sa inyo meron kayong organisasyon. Panglawa, 'yung mga organized magkaroon tayo ng scanning. Ano ba 'yung mga kayang gawin? Dahil kung ano 'yung mga kayang gawin dapat doon natin sila suportahan. Kaya 'yung kanina, hog raising dito po sa Zambales meron po tayong ilan na mga programa.

Halimbawa sa Cabangan, meron tayong tinutulungan na fisherfolk association. 'Yung tanong po ni tatay, 'yung mga mangingisda, ang tanong niyo po, papaano kung masama 'yung panahon hindi kayo nakakapaglayag wala kayong kita. 'Yung mga tulong po namin na binibigay sa mga fisherfolk association na binibigyan ng hanapbuhay na hiwalay doon sa kanilang pangingisda. Puwede siyang konektado pero ito 'yung klase ng hanapbuhay na kahit masama 'yung panahon tuloy-tuloy.

Halimbawa po, 'yung project namin– nandito ba 'yung mga taga-Cabangan? Kayo 'yun? Halimbawa, 'yung Cabangan di ba 'yung project niyo bigasan? 'Yung project ninyo bigasan, gustong sabihin kung masama 'yung panahon meron pa din kita, di ba. So, dapat ang tulong natin sa inyo ganoon pero may idagdag ako doon. Kasi meron din po– halimbawa sa Masinloc, nandito ba 'yung mga taga-Masinloc? Meron ba ditong taga-Masinloc? Meron din tayong project doon. Meron din po tayong project sa Masinloc, ito 'yung mga naglalayag. Ang paniniwala ko dapat 'yung pamahalaan kasi maraming problema doon kasi iniistorbo sila ng mga Chinese fishing vessels. Hindi nakakabuwelo.

So, para sa akin dapat tinututukan ito ng pamahalaan hindi lang sa pagsiguro na 'yung mga karagatan natin nakakapangisda 'yung mga mangingisda natin ng libre, pero tinutulungan sila magkaroon ng mga fishing boats na kayang pumunta sa malayo para nakakapangisda sila ng maayos. Kasi ano 'yung mga reklamo sa atin? Ano 'yung reklamo sa atin ng mga mangingisda natin? Na kakaunti lang sila, pag ginugrupuhan sila ng napakarami na mga Chinese fishing vessels, parang wala na silang magawa. So, dapat tayo nag-iinvest 'yung pamahalaan para magpagawa nang magpagawa ng maayos na mga fishing vessels para sa mga mangingisda natin para kahit papaano nakaka— natatapatan natin 'yung dami nila. Ngayon kasi kakaunti, di ba kakaunti 'yung nakakapunta dahil kakaunti lang naman 'yung may sapat na gamit. Kakaunti 'yung may sapat na gamit para makapunta sa malayo.

Kaya para po sa akin 'yun 'yon. Una, tulungan kayo sa gamit para makapangisda kayo na mas panatag ang loob. Mas lalo nating papalakasin 'yung ating Coast Guard. Papalakasin natin 'yung ating Coast Guard para nakakapagpangisda kayo na kampante 'yung inyong loob na kung me– walang mambu-bully sa inyo dahil may nagbabantay na nandito sa atin. 'Yun 'yung una. Pangalawa, dapat bigyan kayo ng alternative means of livelihood na pag masama ang panahon meron kayong ibang puwedeng gawin dahil hindi kayo nakakapangisda.

'Yung pangatlo, 'yung– nasaan 'yung question noong pangatlo, 'yung para sa mga farmers? Bakit napaka–

SPEAKER: Bakit po mura ang palay at mataas ang presyo ng abono at nagiging kawawa ang mga magsasaka.

VP LENI: Ayun.

SPEAKER: At ano pong solusyon dito?

VP LENI: Ngayon po ang pinag– mamaya ibibigay ko kay Senator Kiko kasi ito 'yung advocacy ni Senator Kiko, mga magsasaka. Pero 'yung tanong ngayon, bakit ba sobrang kawawa 'yung ating mga magsasaka ngayon?

'Yung number one, napakataas ng presyo ng abono. Napakataas 'yung presyo ng abono dahil halos lahat na abono ini-import natin galing sa labas. Hindi natin kontrolado 'yung presyo. Ano 'yung solusyon diyan? Dapat talaga mag-invest na ang pamahalaan para 'yung abono dito na sa atin ginagawa. Para dito sa atin ginagawa hindi na– hindi tayo kailangan mag-import, mas nako-control natin 'yung mga presyo.

Pangalawa, bakit napakamura ngayon ng bili sa mga magsasaka natin? Napakamura kasi napakarami ng ini-import, bagsak 'yung presyo ng mga ini-import. Tayo, ang cost of production natin napakataas. Napakataas 'yung cost of production natin kasi kulang 'yung tulong na binibigay sa magsasaka. Hindi natin kayang habulin 'yung presyo ng mga ini-import. 'Yung presyo ng mga ini-import mura kasi maraming subsidies 'yung pamahalaan sa kanilang mga magsasaka.

So, ano 'yung dapat nating gawin? Ang dapat nating gawin una, dapat ang ini-import natin 'yung kulang lang. Dapat 'yung priority natin sa mga bibilhin 'yung binibili galing pa din sa mga magsasaka natin. Pangalawa, dapat nag-iinvest tayo sa gamit, sa infrastructure, para 'yung cost of production ng mga magsasaka natin bumaba. Kasi ngayon halimbawa, bakit ang taas?

Kasi wala tayong mga– di ba, kulang 'yung ating farm-to-market roads, kulang 'yung ating mga farm equipment, kailangan i-mechanize natin 'yung ating mga– 'yung example ng mga pag-mechanize 'yung mga tractor, 'yung mga dryer, 'yung mga thresher. Kulang na kulang 'yung mga farmers ng ganoon. Marami dependent pa di sa kalabaw. Ang problema pag kalabaw, ilang araw 'yung kailangan mo para i-till 'yung isang– di ba, 'yung isang hectare ng lupa? So, kailangan buhusan natin 'yung tulong ng magsasaka para 'yung cost of production nila bumaba. Pag 'yung cost of production nila bumaba, makakapag kumpetensya sila sa presyo.

Pero itong pangatlo, ibibigay ko kay Senator Kiko kasi hindi ko alam kung na-discuss na ni Senator Kiko 'yung Sagip Saka Act. Pero 'yung isa kasi– 'yung Sagip Saka Act kasi binibigyan niya ng kapangyarihan 'yung Local Government Unit na bumili direkta sa farmers sa presyo na hindi lugi 'yung ating farmers. Pag 'yung pamahalaan siya 'yung bumibili, at least hindi nalulugi 'yung ating farmers. Ibibigay ko ito kay Senator Kiko kasi ito 'yung pinaka– parang flagship program na itinulak ni Senator Kiko para sa ating mga magsasaka.

[Senator Kiko speaks]

VP LENI: Ayan, maraming salamat Senator Kiko. Ito po kasi lilipat tayo sa isa pang event, pero siguro pang huli na lang ito. Ngayon kasi panahon ng kampanya. Pag panahon ng kampanya, maraming pupunta dito, mangangako, magsasabi ng plataporma, mangangako ng kung anong gusto niyong marining. Ito lang 'yung aking pakiusap, sana pag nangangako pakinggan pero hindi kaagad maniwala. Dahil ano ba 'yung pinaka sukat na 'yung pangako gagawin? Kasi maraming--maraming magsasabi, "Mahal ko ang Zambales. Pag ako pangulo na, hindi ko papabayaan ang Zambales," madali lang 'yun sabihin 'di ba?

Pero 'di ba ang tunay na pagmamahal pinapakita hindi sa salita kundi sa gawa? Kung sinasabi niyo na mahal niyo ang Zambales, dapat ang itanong ng mga taga Zambales, "Noong dumadaan kami sa hirap, asan kayo? Pag nagkakaroon ng sakuna, asan kayo? Noong nahihirapan kami sa aming pagbuhay, nasaan kayo?" Dapat 'yung tanong natin ganyan. Dahil sa bawat eleksyon, ang daming bibisita sa inyo, marami 'yung mangangako ng kung ano-ano. Pero ang tanungin natin sa sarili natin, "Noong wala pang eleksyon, tumutulong ba ang mga ito sa atin?" Dahil marami lang magsasabi na tutulong pero pag nakaupo na, nakakalimutan na tayo.

Hindi naman sa pagbubuhat ng bangko, pero 'yung mga opisyal dito sa inyo, alam, bawat sakuna nandito kami, bawat dumadaan sa anumang paghihirap nandito kami. Lahat na bagyong tumama dito, nagkaroon tayo ng relief operations dito. Noong panahon ng pandemic, halos lahat na ospital, mga RHUs pinapadalhan natin ng mga gamit.

Marami nga 'yung hindi nakakaalam kasi ginagawa natin 'yun quietly. 'Yung mga naghihirap, halimbawa 'yung mga mangingisda na dumaan sa hirap, 'yung mga farmers na dumaan sa hirap, 'yung mga kababaihan na nahihirapan sa negosyo, sa kanilang hanapbuhay, pag nalalaman namin 'yun pinupuntahan namin, tinutulungan namin.

Ang klase ng lingkod bayan na hinahanap natin, ganoon. Pero napakahirap kasi kung 'yung mga lingkod bayan na nangangako sa atin hindi naman naiintindihan 'yung kahirapan na pinagdadaanan natin. Dahil pag hindi naiintindihan 'yung kahirapan na pinagdadaanan natin, hindi din tayo napapansin. Kaya para lang sa akin, kung gusto natin ng pagbabago, dapat pag-isipan natin, dapat tignan natin ano ba 'yung track record ng mga opisyal na ito? Pag panahon ng eleksyon, lahat na kandidato magsasabi, "Galit kami sa corruption." Pero tignan natin, papano kami maniniwala sa inyo pag sinabi niyo na galit kayo sa korapsyon? Tignan natin 'yung track record.

Ako lang, si Senator Kiko since 2001 public official na. Ni minsan– ni minsan hindi nadawit sa anumang anomalya 'yung pangalan ni Kiko Pangilinan. Kami po sa Office of the Vice President, marahil narinig niyo na din, sa Office of the Vice President, magkakasunod na taon, kami po 'yung in-aawardan ng COA. Pinaka mataas na COA audit rating. Ano ang gustong sabihin nito? Ang gusto pong sabihin nito, malinis ang aming pamamalakad. Ano ang kahulugan nito para sa mga ordinaryong mamamayan?

Pag malinis 'yung pamamalakad, gaya po sa amin kakaunti lang 'yung pondo namin, pero kahit kakaunti 'yung pondo namin, nakakatulong kami lahat na sulok ng Pilipinas. Pero bakit namin 'yun nagagawa? Nagagawa namin 'yun kasi 'yung pera ng taumbayan pinapangalagaan namin. 'Yung pera ng taumbayan, 'yung kaunting pera, wala po doon nahuhulog sa korapsyon, lahat napupunta 'yun sa mga programa para sa inyo.

Kaya pag tinanong niyo kami, halimbawa 'yung mga programa po namin dito sa Cabangan, sa San Narciso, sa Santa Cruz, sa Masinloc, papano ba namin 'yun nagawa? Nagawa po namin 'yun kasi 'yung kaunti namin, pinapangalagaan namin para sigurado na makatulong kami pag kailangan niyo kami.

Kaya po 'yung pakiusap ko ngayon, sana po maintindihan natin na 'yung eleksyon ngayon hindi lang po ito labanan ng mga kandidato, pero 'yung eleksyon ngayon ang pinipili natin dito, anong klaseng gobyerno ang gusto nating mamayani sa ating bansa?

Palagay ba natin gusto pa din 'yung dati? Gusto ba natin 'yung dati na luma at bulok na klase ng politika? 'Di ba pag na– palagi na lang tayo hindi nabibigyan ng pagkakataon na 'yung mga kahirapan natin noon, 'yun pa din 'yung kahirapan natin ngayon. Pero gusto ba natin 'yung gobyerno na talagang malinis, 'yung gobyerno na makikinig, 'yung gobyernong nararamdaman niyo, 'yung gobyernong naiintindihan kung ano ang piangdadaanan ninyo?

'Yun po 'yung gustong sabihin ng gobyernong tapat, angat buhay lahat. Dahil lahat po politiko, haharap sa inyo, ang sasabihin aangat ang buhay niyo pag kami na. Pero pag hindi naman matapat ang gobyerno, itaga niyo po sa bato, hindi 'yan mangyayari.

Kaya hinihikayat po namin kayo, pag-isipan natin ng mabuti 'yung mga tutulungan natin sa eleksyon, sabihna po natin 'yung mga kapitbahay natin, mga pamilya natin, na sana 'wag sayangin 'yung kapangyarihan magboto. Ipakita po natin, ipakita po natin na ang tunay na kapangyarihan wala sa kamay naming mga politiko, pero ang tunay na kapangyarihan nasa kamay ng bawat isa sa inyo.

Kaya po kami, nagpapasalamat kami na binigyan niyo kami ng pagkakataon makasalamuha kayo ngayong umaga. Hihingi lang po kami ng paumanhin na hindi po kami makakatagal, palipad po kami sa isang event. Mamaya po lilipat kami sa Olongapo, pagkagaling pong Olongapo lilipat pa po kami sa Bataan, mamayang gabi po nasa Dumaguete kami kaya pasensya na po na hectic 'yung aming schedule, pero 'yung amin pong opisina, alam niyo naman nandito kami sa oras na kailangan kami. Kaya maraming maraming salamat po, mabuhay po kayong lahat!

[END]