< Back to Transcripts

Message of Vice President Leni Robredo and Questions from Multiple Sectors Magkukulay Rosas Ang Alfonso Covered Court, Plaza ng Alfonso, Alfonso, Cavite

May 1, 2022
Alfonso, Cavite
No items found.

SECTORAL REPRESENTATIVE: Magandang hapon po sa ating lahat. Maraming salamat sa pagbigay ng oportunidad para makapagtanong po kami sa inyo no. Una po sa lahat, ang Alfonso, dahil sa magandang klima, dahil sa lokasyon nito, sa proksimidad sa Tagaytay ay nabigyan ng oportunidad na makapag-boom ang turismo at makapag-establish ng maraming mga bagong negosyo, events places no? At mga trabaho para sa mga taong naririto.

So, itong nakaraang dalawang taon po VP, naging matamlay ang turismo dahil po sa pandemya. So, nais ko pong itanong sa inyo, maging sa lahat no, ano po kaya ang ating maitulong para ang ating turismo ay maibalik, at mapagyabong muli, at kasama na rin ang mga trabaho na nakasalalay dito? Marami pong salamat.

SECTORAL REPRESENTATIVE: Welcome po Vice President Leni. Mabuhay si Vice President Leni. Ang kabuhayan ko po, anak ko magsasaka, anak ko tindera ng gulay, at [inaudible 0:01:18] narito po ako [inaudible 0:01:20] at avid house-to-house campaigner para kay VP Leni, para sa [inaudible 0:01:28] ko. Ngayon, [inaudible 0:01:30] na, pati ang [inaudible 0:01:32] na.

Ngayon, ang tanong ko po sa ating mahal na bise presidente, marami pong maliit na magsasaka sa Alfonso. Paano po natin sila tutulungan upang ang mga produkto manggagaling dito at maging ang mga gulay, saging, prutas, at iba pa, lahat po 'yan ay kung saan po natin pwedeng dalhin para magkaroon ng fair na presyo ang mga magsasaka ng [inaudible 00:02:00] ng Alfonso? Maraming salamat po.

HOST: Ayan, thank you so much po. Thank you Ms. Angel for the questions di ba? But for now, habang tayo ay– we would like to give the floor habang sesentro 'yung [inaudible 00:02:21] Pagkatapos, we would to give the floor to our official president and here our vice president, Miss Leni Robredo for a speech.

VP LENI: Magandang hapon. Magandang hapon, Alfonso. Maraming salamat at kahit mainit 'yung panahon, tiyumaga kayong maghintay. Pasensya na po kayo, medyo po naabala 'yung pagdating ko. Alam niyo po kasi, Labor Day ngayon, kaya po meron tayong mga activities sa Manila kaya po nag-attend muna ako doon. Kanina po, galing din po ako sa isang bahagi ng Alfonso, kasi ka-meeting po natin 'yung mga barangay officials. Pero nagpapasalamat po ako na nandito kayo.

Actually po, kung napapansin niyo, nakailang balik na kami sa Cavite. Nito lang po, nito lang pong campaign period, parang pangatlong balik ko ito. 'Yung mga anak ko din po, ilang balik din dito. 'Yung pinakahuli po nating balik, nagkaroon tayo ng isang big rally sa Gen Tri. Mamaya, nasa Dasmariñas tayo. Sana makapunta kayo. Ito na po 'yung huli nating rally bago ng eleksyon.

Bakit ganito 'yung klase ng pagkampanya natin? Hindi po tayo nakukuntento sa pagmo-motorcade lang, hindi tayo nakukuntento sa isang malakihang rally lang. Sinisiguro natin na 'yung boses ng taga dito sa inyo, napapakinggan natin. Kaya po tayo merong dalawang nagtanong dahil ito po 'yung aasahan niyo kung anong pamahalaan pag ako po naging pangulo: Isang pamahalaan na gobyerno 'yung lalapit sa tao. Pero po hayaan po na sagutin ko 'yung dalawang katanungan.

'Yung pinakaunang tanong, matamlay 'yung turismo noong nakaraang dalawang taon dahil sa pandemya. Pero 'yung sa akin, ang isang itatanong ko, bago ba nagpandemya kuntento na ba tayo sa klase ng turismo dito? Ako po, pinag-aralan ko, mas mabuti kayo na bago magpandemya pero ang palagay ko, hindi pa din natin nama-maximize 'yung mga oportunidad na nandiyan. Ano 'yung epekto pag naayos natin 'yung turismo? Ang epekto po pag naayos natin 'yung turismo, trabaho ito para sa napakaraming tao.

Pero, hindi po natin puwedeng asikasuhin 'yung turismo na Alfonso lang 'yung aasikasuhin natin. Kailangan, 'yung tao, may tiwala na pupunta dito sa Pilipinas dahil kung wala silang tiwala na pumunta dito sa Pilipinas, hindi po natin nama-maximize 'yung mga oportunidad.

Ano ang halimbawa po ng tiwala? Halimbawa, ngayon marami 'yung natatakot, tinitingnan po namin 'yung datos. Ang sinasabi, 'yung isang kahirapan sa atin, dahil hindi pa din natin nababawasan 'yung panlilinlang ng iba. Halimbawa, sasakay ka ng taxi o sasakay ka ng, kukuha ka ng sasakyan, paminsan may mga turista, tinataga 'yung iba o paminsan, pumupunta sa Pilipinas, hindi maayos 'yung public transportation kaya kung ikaw turista, hindi ka na pupunta kasi mahirap pala.

Ang sigurado ako ang iba dito, nakakapag biyahe sa ibang bansa, di ba sa ibang bansa pag pumunta ka, kahit wala kang kakilala makakaikot ka kasi madala 'yung public transportation. Sa atin, hindi ganoon kadali. Halimbawa, turista ako galing ako sa ibang bansa, pupunta ako dito sa Alfonso. Ang unang tanong, madali bang pumunta? 'Yun ‘yung unang tanong. So, kung– hindi naman lahat ng turismo mayaman eh. Meron ding mga turista gaya ng marami sa atin, 'yung kaunti na naiipon natin, 'yun 'yung ipapang-ikot natin. Kung mahirap puntahan 'yung mga lugar, hindi ka na pupunta. Pipiliin mo na lang 'yung lugar na mas madali.

Kaya, ito po 'yung isang halimbawa na pag ang gobyerno matapat, aangat ang buhay ng lahat, dahil pag ang tapat ng gobyerno, nakakahawa ito sa ordinaryong mamamayan. Hindi ko alam kung sino 'yung sa inyo 'yung naka-attend noong rally natin sa Gen Tri. Meron ba dito naka-attend? Hindi niyo ba napansin na 'yung rally natin sa Gen Tri, ramdam mo na mga, mga Caviteño tayo na nagtutulungan. Mga Caviteño tayo na pag may extra tayong tubig, ibibigay natin sa iba. Pag may, pag magbabaon tayo ng pagkain, ang binabaon natin hindi lang para sa atin pero dinadamay natin ang iba kahit hindi natin kakilala.

Pagkatapos noong rally natin, malinis na kaagad 'yung nirally-han natin dahil ang mga Pilipino, inspirado siya na mag-ambag. At ako po, 'yun 'yung pinaka, 'yun 'yung pinaka gustong sabihin ng gobyernong tapat. Pag ang liderato nagbibigay ng inspirasyon, ang tao inspiradong tumulong.

LOCAL: Yes!

VP LENI: Pag ang tao, halimbawa, pag ang tao inspiradong tumulong, ano ito eh, maghahawaan na lahat. 'Yung pag dating sa airport lahat matutulungan, 'yung iba pang bisita, aasikasuhin mo, hindi mo sila dadayain, magtutulungan lahat. Matututo ka ng [inaudible 0:08:55] dito sa inyo. Pero 'yung lang 'yung unang bahagi.

'Yung pangalawang bahagi, kailangan maayos 'yung programa. Kasi kung ikaw, turista, kung pupunta ka Alfonso, baka hindi mo alam kung anong gagawin mo, di ba? Galing ako sa Laguna, noong isang araw, 'yun din 'yung problema noong mga bangkero sa Pagsanjan Falls. Ang mga bangkero sa Pagsanjan Falls, ang sabi nila, sobrang tamlay dahil hindi alam ng mga turista na may iba pa palang pupuntahan.

So dapat, pa-planuhin natin– Alfonso, Tagaytay. Kung ang mga turista pupunta, alam niya na, may mga package na tayo kung ano 'yung mga mapupuntahan nila para madali para sa kanila. Pero again, kailangan nito isang gobyerno na naiintindihan din nila 'yung daanan ng lahat, at tinatahi niya 'yung iba-ibang–

Halimbawa, pagdating dito ano ‘yung mga sasakyan? I-organize na 'yung mga TODA, o i-organize 'yung mga jeepney drivers. O, halimbawa, pagdating dito, 'yung mga may taniman, puwede 'yung mga tourist sites, pero inaangkla natin ng maayos. Dahil pag bumuti ang turismo dito, mga taga dito din sa Alfonso ‘yung makikinabang.

'Yung pangalawang tanong, marami dito sa inyo nagtatanim ng gulay, di ba? Si Senator Kiko, nandito si Senator Kiko kanina, meron siyang farm dito sa Alfonso, nagtatanim din siya ng gulay. 'Yung sagot po doon sa pangalawang tanong, isang kuwento kung anong proyekto namin sa Office of the Vice President doon sa amin, sa Bicol.

Sa Bicol po marami ding nagtatanim ng gulay. Pero 'yung mga nagtatanim sa amin ng gulay, hindi organisado. Gustong sabihin, may kanya-kanya lang silang tanim tapos binebenta nila ng retail 'yung kanilang tanim. Sa isang maliit na lupain, dati, lahat ng klase ng gulay meron sila. Pero noong pumasok kami, ang isa sa mga aral, hindi puwedeng napakarami mong tinatanim. Dahil pag napakarami mong tinatanim, hindi mo maibebenta na scaled. Gustong sabihin, hindi ko kaya mapababa 'yung presyo, dahil paunti-unti 'yung pagtanim mo.

So, ano po 'yung ginawa namin sa amin? Ang ginawa namin sa amin, inorganisa namin 'yung mga vegetable growers. Inorganisa din namin 'yung mga negosyo na bumibili ng gulay. Ano 'yung mga negosyong 'yun? Mga restaurant, ano, mga ospital, mga hotel, mga grocery, 'yung BJMP, 'yung kulungan. Maramihan sila magbili ng gulay.

Halimbawa, example ko sa inyo, tinanong namin 'yung mga hotels saka mga restaurant owners, saan kayo bumibili ng gulay niyo ngayon? Sa Bicol kami, ha? Ang sabi sa amin: ang pinakamalapit na po naming binibilihan, Sariaya, tapos ang iba sa Baguio na kami bumibili. So ang tanong namin sa kanila: bakit kayo hindi na bumibili sa mga naggugulay sa Bicol? Ang sabi po nila: mataas kasi 'yung presyo ng gulay nila, tapos hindi kalidad 'yung klase ng gulay na pinapatubo.

So, ang ginawa po namin, nagkaroon kami ng memorandum of agreement. Kami po, Office of the Vice President, ang nag-asikaso. Ang usapan po namin ng mga may ari ng negosyo: puwede ba na kami na mag-supply ng limang klaseng gulay na pinaka kinakailangan ninyo? Ang sabi din namin sa mga magtatanim: puwede ba na ang itanim niyo na lang 'yung kailangan nila? Kasi, karamihan, lahat ng klase meron– pinakbet, chopseuy, meron sila, pero ang baba ng presyo kasi nire-retain lang nila. Nire-retain nila sa market, kung minsan, [inaudible 0:13:24] 'yung bumibili.

Nagkaroon po kami ng survey. Sa mga maggugulay, ang tanong namin: ano 'yung top 10 na gulay na tinatanim ninyo? 'Yung mga negosyante naman sinurvey din namin: ano 'yung top 10 na gulay na binibili ninyo? Prinesent po noong dalawang grupo, walang nagtugma. Ang number one tinatanim noong mga gulay sa amin, talong, pero 'yung talong wala siya sa top 10 na binibili. Alam niyo kung ano 'yung number one na binibili sa amin? Calamansi. Kailangan ng mga negosyo, napakaraming calamansi, pero 'yung mga farmers namin ayaw magtanim ng calamansi kasi matagal daw 'yung hihintayin.

So, tinutulungan namin sila. Noong napag, ano 'yun, napag-align na namin 'yung mga maggugulay, may kontrata na 'yung produce nila, automatic ng bibilhin ng mga negosyo. Alam niyo 'yung kita nila, hindi lang doble, hindi lang triple, napakalaki na kasi nakaka-command na sila ng mataas na presyo dahil nagpo-produce sila ng scale.

So, anong gustong sabihin nito? Pag ang gobyerno tutok sa pangangailangan ng tao, ang mga solusyon na binibigay, akma. Minsan kasi 'yung gumagawa ng programa hindi naman nararamdaman 'yung kahirapan noong tinutulungan.

[crowd cheers]

Pag hindi nararamdaman 'yung kahirapan ng tinutulungan, minsan ang solusyon na binibigay, hindi naman talaga nakakatulong sa kanila. Kaya, ano po 'yung paniniwala ko sa pamamahala? Ang paniniwala ko sa pamamahala dapat bigyan ng mas maraming boses 'yung maaapektuhan dahil kung 'yung mga matatalino lang ang nag-iisip, hindi naman naka– di ba? Hindi naman nasasagot 'yung pangangailangan. Importante dito na 'yung lider, bumababa.

[crowd cheers]

Hindi puwede na 'yung lider, magkalayo lang. Dapat 'yung lider, nararamdaman niya 'yung kahirapan noong tutulungan niya.

[crowd cheers]

Kasi, kung hindi niya nararamdaman, wala talaga. Walang pagbabagong aasahan. Ano po? Oo, dapat po tagalog lagi ang pampaliwanag para naiintindihan.

[crowd cheers]

Kung minsan kasi ang matatalino, English ng English, di ba? Wala naman tayo sa Amerika, di ba? Tama 'yun. Hindi ko nga alam kung bakit ang dami sa atin gustong mag-English. Ang pag i-English po, hindi naman 'yun, hindi 'yun ebidensya na matalino ka. Kaya sa akin, ano 'yung aasahan niyo pag kami ni Senator Kiko 'yung umupo? Ito po, hindi lang ito pangako, pero tingnan ninyo 'yung track record namin.

[crowd cheers]

Lahat kami – ang sabi po sa akin, ewan ko kung totoo. Sabi sa akin sa stage, ako daw ang unang presidential candidate na pumunta dito sa Alfonso.

[crowd cheers]

Salamat po. Pero ito, ito din, hindi ko alam kung napapansin ninyo. Pag panahon ng kampanya, kadalasan ‘yung mga maliliit na lugar hindi na pinupuntahan. Ang mga pinupuntahan lang na ‘yung malalaking lugar dahil nandoon ‘yung boto. Pero, ako po meron ako sa inyong iku-kuwento sa Angat Buhay program namin.

Sa Angat Buhay program po namin sa Office of the Vice President, ang isang nakita namin na problema sa pamahalaan, hindi napupuntahan ‘yung mga malalayong lugar, hindi napupuntahan ‘yung maliliit na lugar, hindi napupuntahan ‘yung mga lugar na mahirap puntahan. Kaya ‘yung mga lugar na malilit, mga lugar na malalayo, mga lugar na mahirap puntahan kakaunti ‘yung tulong na natatanggap. Kaya po kami, sa Office of the Vice President, mas malayo, mas mahirap puntahan, nandoon kami.

Bibigyan ko po kayong halimbawa. Ang isa pong pinupuntahan namin, adopted community po namin, isang bayan na ang tawag Agutaya. Ang Agutaya po nasa Palawan ‘yun, pero kapag tinignan mo ang mapa ng Palawan mahihirapan kang hanapin siya dahil sobrang layo niya.

Pag pumupunta po kami, lumilipad pa kami papuntang Coron. Narinig niyo na ang Coron hindi ba? Pagdating sa Coron, sasakay pa po kayo sa boat. Depende kung aling isla ‘yung pupuntahan niyo. 10-16 hours pa na boat ride.

‘Yung una po namin na bisita doon, pagdating namin, buong isla walang kuryente. ‘Yung nagiisang paaralan sira ‘yung bubong. Ilang taon na daw ‘yun sira, walang nagpapa-ayos. Wala silang drinking water. Tapos karamihan sa mga bata, malnourished. Sabi namin, “Bakit ganito?” Ang sabi nila, “Hindi na po– baka po nakalimutan na lang din kami.”

So kami, itong pag-iikot po namin– alam namin na maraming pupunta sa rally mamaya. Pero papaano 'yung mga hindi makakapunta. Di ba? Kaya aasahan niyong panunungkulan sa amin, walang maiiwan.

At ito po, hindi namin kinokompetesnya ‘yung mga mayayaman sa mahihirap. Ang sinasabi po namin dito, bibigyan natin ng inspirasyon ‘yung mayayaman na dapat katuwang sila ng pamahalaan sa pagtulong sa mga mahihirap.

Napakita na po namin ito. Napakita na po namin ‘yun sa Office of the Vice President, under po sa aming Angat Buhay program. Alam niyo po ang aming pondo kakaunti lang pero marami kaming natutulungan.

Halimbawa, marami po kaming mga pabahay pero ‘yung pabahay namin libre. Bakit libre ‘yung pabahay? Dahil tulong ‘yun ng private sector. Naka-pakabit po kami– naka-energize kami ng communities na walang kuryente. Nakapag-lagay po kami ng mga solar, ng mga irrigation. Nakapag-lagay po ng water system. Nakapag-bigay ng maraming toilets. Meron po kaming feeding programs.

Sa mga mahihirap na lugar, nag lagay po kami ng mga dormitory para ang mga estudyante, libreng nakatira doon malapit sa eskwelahan. Pero tulong ito ng private sector. Bakit tumutulong sa amin ang private sector? May tiwala. Alam po nila na kapag tumulong sila, makakarating sa nangangailangan. Alam niyo po, ‘yung aral na napulot namin, karamihan sa mga mayayaman, mabubuting tao. Hindi lang nila alam kung paano sila tutulong. Pero kapag ang pamahalaan ang nagbibigay ng mekanismo para makatulong sila, talaga pong tumutulong sila.

Kaya ‘yung mga bahay na nasalanta ng bagyo. Sa Marawi po, hindi ba ‘yung nagkaroon ng gera doon, nagpa-bahay kami pagka-tapos. Libre ‘yun lahat. Private sector ang nagbigay. Kaya ito ‘yung klase ng pamahalaan na pwede niyong asahan sa amin. Ang aming pong pangarap, na pagkatapos ng pagka-pangulo ko, pagka-tapos ng anim na taon, pinagmamalaki mo na Pilipino ka. Hindi ‘yung nasa ibang bansa – siguro may mga kamag-anak kayo sa ibang bansa. Parang kapag may sakuna po na nangyari, sasabihin, Pilipino kasi ‘yan. Huwag ganoon. Hindi ba? Kasi ang Pilipino likas na mabubuting tao. Kailangan lang maging inspirado. Kapag wala kasing inspirasyon, nagkakanya-kanya tayo. Di ba?

Huli ko na ang paki-usap. Ang huli ko pong paki-usap, isang linggo na lang eleksyon na. Ito po alam ko, marami ngayong naka-pink. Alam ko marami sa inyo– sabi nga ni Sir, nagha-house-to-house para tulungan tayo sa kampanya. Maraming salamat.

Pero ako, ang hiling ko alam niyo naman po hindi ba? Marami tayong mga kababayan, ayaw sa atin dahil napapaniwala sa mga kasinungalingan. Papaano natin babasagin ‘yung kasinungalingan? Papaano po natin papalitan ang kasinungalingan ng katotohanan? Ang paki-usap ko, huwag tayong makikipag-away. Kahit pa ina-away kayo, habaan niyo ‘yung pasensya niyo. Nakikita niyo naman ako hindi ba? Ang haba ng pasensya ko.

[crowd cheers]

Sandali lang, hindi pa tapos ‘yung paki-usap ko. Dahil wala sa ating makikinig kapag sarado na agad ‘yung puso natin. Di ba? Kaya po, kaya kami hinihikayat namin ‘yung mga volunteers na mag house-to-house dahil ito ‘yung pagkakataon na tao sa tao, puso sa puso. Mapapakita nila na hindi naman tayo masasamang tao. Di ba?

Kaya po ito, ang pakiusap ko lang, one week na lang. Ihirit na natin ‘yung lahat ng kaya natin para makumbinsi natin ang iba at palitan po natin ng katotohanan ang lahat na kasinungalingan. Dahil ang ayaw natin mangyari, napapaniwala na naman tayo, na ‘yung kampanya ng mga taong nagsasabing aalagaan tayo pero pagkatapos ng eleksyon, wala din.

Ito po, hindi ko sa inyo pinapangako na bubuti kaagad ang buhay natin. Pero ang pinapangako ko sa inyo, na magiging tapat ako sa inyo. Na magkakaroon kayo ng boses sa aming pamahalaan. At sabay-sabay nating aayusin ‘yung ating bayan. Maraming salamat po, mabuhay po kayong lahat.

[END]